Saan Tayo Patungo

 

Tablo reader up chevron

Introduction

Kung ikaw ang tatanungin, anong gusto mong mabasa sa unang linya ng libro?

Hello? 

Dapat bang batiin muna kita? O baka gusto mo namang magpakilala muna ako?

Pasensya na kung tinanong pa kita. Pasensya na rin dahil kailangan mo pang makabasa ng ganitong walang-kwentang panimula.

Hindi ko kasi alam kung saan ako magsisimula. Pinag-isipan ko rin nang mabuti kung ano nga bang dapat kong isulat dito.

Siya nga pala, kwento nating dalawa ito.

 

Nakakalungkot  lang dahil puro malulungkot at masasakit na alaala lamang ang naaalala ko tuwing iniisip kita. Hindi ba tayo naging masaya?

O baka naman... sa ating dalawa ay ako lang ang nasasaktan?

Tanga na nga siguro akong matatawag dahil ipinagpipilitan ko pa rin isulat itong kwento nating dalawa. Kahit masakit, titiisin ko. Titiisin ko rin ang pagsikip ng dibdib ko sa tuwing hindi na ako makahinga sa sobrang pag-iyak pag naalala kita. Magtitiis ako basta masulat ko lang itong kwento nating dalawa.

Kwento nating dalawa kung saan sa dulo ay ikaw lang ang naging masaya.

Pero kahit na...

Hindi rin naman ako matatahimik hanggat hindi ko nailalabas itong nararamdaman ko. Oras na para marinig mo naman ang side ko. Ito nalang din kasi ang naiisip kong paraan para tuluyan ko nang makalimutan ang nararamdaman ko sa iyo.

 

At kung sakali man na mabasa mo ito, sana ay 'wag mong sisihin ang sarili mo sa mga nangyari.

Isinulat ko ito para sa akin.

Isinulat ko ito para paalalahanan ako sa lahat ng mga bagay na muntikan nang makasira sa akin.

Isinulat ko ito hindi para konsensyahin ka.

Isinulat ko ito para tuluyan nang makalimot.

At kahit hindi ko sabihin... umaasa ako na sa oras na mabasa mo ito ay magawa mo na akong patawarin sa kasalanang nagawa ko.

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Alcajima's other books...