Random Chat (One-shot)

 

Tablo reader up chevron

Introduction

First of all, this one shot story is written in my language (Filipino) so only those who can understand our language can understand this.

So for my fellow Filipino writers here, Hi! Let's keep on writing! \m/

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Pasimula

 

Sa panahon ngayon, marami nang sites ang pwedeng bisitahin at gamitin through internet. Nandyan ang Twitter, IG, tumblr, Instagram, Wattpad, etc. Pero dumami man ang mga sites na ito, hinding hindi pa rin mawawala sa atin ang paggamit ng Facebook.

Upload, status update, share, like, comment—ilan lang ito sa mga maaari mong gawin sa site na ito. Pero syempre, para sa mga hindi mai-broadcast na mensahe, nand’yan ang chat box. Na karaniwang dahilan ng pagkainis ko at ng ibang tao dahil sa mga nagra-random chat o ‘yung mga bigla nalang magcha-chat sa’yo ng walang matinong dahilan gaya ng magpapa-like ng DP, magpapa-like ng picture para isa umanong contest or pageant, magme-message ng “eOw pHowZ aTeH” with emoticons pa—na pawang mga taong hindi mo naman kilala at kabod kabod nalang lilitaw sa chat mo. Kainis ‘yung ganun ‘di ba?

Well, hindi naman sa snob ako o anuman pero sana naman, may kabuluhan ‘yung panggugulo nila sa’yo ‘di ba? Meron pa nga, nag aayang mag... alam mo na. E, kadiri kaya! Parang hayok na hayok sa ANO, e! Grabe! Mga tao talaga.

Pero nang minsang mag-online ako at bigla nalang nag-pop up ang pangalan ng isang hindi kilalang nilalang, una kong naisip ay wag nalang pansinin pero, may kung anong nagtutulak sa akin na tingnan ang mensahe niya, na bagama’t simple at pangkaraniwan, hindi ko alam kung bakit binigyang pansin ko parin.

 

Someone Named Sam:

Hi! Pwede po bang makipag-chat sayo? :)

 

 

Dear Someone,

Hi! Tagal na nating nagkaka-chat ah. Musta na po ba?

‘Wag mo naman akong i-seenzoned.

Nami-miss ka na ng chat box ko... Kuya.

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Random Chat

Ruby’s POV

 

“Jusmeng bata ‘to! pagdating galing eskwela facebook agad ang kaharap mo!” bungad sa’kin ng nanay ko nang pumasok siya sa kwarto ko. “Magpalit ka man lang ng damit mo!” aniya sabay batok sa’kin.

“Aray ko naman, Mader! Naalog naman daw ang brain cells ko!” reklamo ko sabay himas ng ulo.

“Kokonyatan kitang bata ka, e! Baka may assignment ka puro facebook ang inaatupag mo!” singhal niya.

“Wititit kaming assignment today, Mader. Kaya keri lang mag-fb!” paliwanag ko naman with hand gestures at taas-baba ng kilay pa.

“Kababae mong tao para kang bakla kung magsalita! O siya, magbihis ka na’t bumaba. Kakain na tayo.” Ani Mama saka lumabas.

 

Ganito lagi ang buhay ko. Pagkagaling sa school, manonood ng tv at kikiligin kay Matteo Do, Fb, kakain tapos fb ulit—ganun lagi ang routine. Grade 10 na ako pero oy! Di ko naman pinapabayaan ang pag-aaral ko. Ano lang ‘to... uhm... pampalipas oras? Haha!

Gaya nga ng sabi ng Mudrabels ko, nagbihis na ako at hinayaan lang bukas ang laptop ko. Nag-scroll muna ako ng konti sa newsfeeds ko saka ako bumaba para kumain.

Nagkwentuhan kami habang kumakain, nagkakamustahan, ganun. Matapos kumain, bilang toka ko dito sa bahay e ako ang naghugas ng pinagkainan. Tapos umakyat na ako sa kwarto ko.

Ginalaw ko ‘yung mouse ng laptop ko at muling umilaw ang screen nito. Facebook ang nakabukas na tab pero ang bago, may message ako.

 

Someone:

Hi Miss! Pwede po bang makipag-chat sayo? :)

 

‘Yon ang nakalagay at ikinakunot ng noo ko.

“Tss. Random chat! Ano na namang trip ng mga tao sa buhay?!” inis kong sabi at umupo saka nag isip ng isasagot sa nagtitrip na ‘Someone Named Sam’ na ‘to. “Pa-mysterious pa ang peg ah! Someone Named Sam ang drama? Haha! Bakla siguro ‘to,” tawa ko habang tinititigan lang ang screen.

 

Someone Named Sam:

Aww... seenzoned </3

 

Natawa ako sa muling chat niya, lalo na sa emoticon niya.

 

Ruby Bartolome:

Sarrey. Kumain kasi ako. And, sige na nga, pwede mo na akong i-chat.

 

Nakangiti ako habang nagta-type at sa di malamang dahilan ay hindi ako nakaramdam ng inis—well, siguro kanina.

 

Someone Named Sam:

‘Yun o! akala ko naman po iisnob mo na ako :)

 

Ruby Bartolome:

Haha! Actually may balak nga ako e, pero mukhang you’re dying to talk to me so, kakausapin na kita lols

#famewhore XD

 

Someone Named Sam:

Awts. Buti nalang po pala nagbago isip mo haha

 

Ruby Bartolome:

Maka-po ka naman! Baka nga mas matanda ka pa sa’kin ‘no!

 

Nagtuloy tuloy ang usapan namin hanggang inabot kami ng alas onse ng gabi. Masaya siyang kausap in fairness kaya hindi ko narin napansin ang takbo ng oras.

 

Someone Named Sam:

Ruby, late na. May pasok ka pa bukas diba? Tulog ka na

 

Ruby Bartolome:

Oo nga e. Ikaw din, Sam. Tulog ka na din.

 

Someone Named Sam:

Haha, ok po. Good night. Salamat ulit sa hindi pag snob. :)

 

Ruby Bartolome:

Ok po. Good night! ;)

 

‘Yon ang huling usapan namin bago ako nag-log out. Bilis naming maging close ‘no? First name basis na ang tawagan. Well, hindi ko naman alam kung ‘Sam’ nga ba ang pangalan niya pero ‘yun daw ang itawag ko sa kanya. Daya nga e, ayaw magpakilala.

And so natapos ang gabi ng pakikipag-chat ko sa isang estrangherong bigla nalang lumitaw sa chat ko. Pero kahit na isa siyang estranghero at wala akong kaalam alam sa kanya liban sa pangalang ‘Sam’, pakiramdam ko naman isa siyang mapagkakatiwalaang tao.

 

Kinabukasan, same old routine. Pasok sa school, mag-aaral ng ilang oras, uuwi, manonood ng tv, kakain—nadagdag nga lang ay may assignments akong gagawin ngayon.

Naging busy ako sa paggawa ng assignments na inabot ng ilang oras. Math, English at Science ba naman e.  Combong combo talaga.

“Aist! Ten forty-five na! Di na nga muna ako mag-e-fb!” sabi ko sa sarili ko nang matapos ako sa mga gawain ko.

Nahiga na ako sa kama ko pero dahil sanay ako sa puyatan, nag-Wattpad muna ako. Pampaantok at pampalabo ng mata. Nang matapos ko na ang pagbabasa sa update ng kwentong inaabangan ko e natulog na rin ako. Pero bago ako tuluyang makatulog, may isang tanong ang biglang sumulpot sa isip ko.

 

Nagmessage kaya siya ulit?

 

***

 

Lumipas ang mga araw at syempre, tambay facebook pa rin ako at ang bago ay madalas kong abangan ang pag-oonline niya. Ewan ko nga rin ba pero, gustong gusto ko kasi siyang ka-chat.

Ayon sa mga sinabi niya sa akin tungkol sa sarili nang minsang nagka-chat kami, 18 years old na daw siya. Matanda siya ng dalawang taon sakin kaya naman sinimulan ko siyang tawaging Kuya. Kung maka-po sa’kin nung una akala mo ako ang mas matanda, ‘yun pala siya talaga. Haha!

Nag-iscroll sa mga news feeds ko, naghahanap ng kung anong bago. Karaniwang post ay tungkol sa pagkabadtrip nila, sa napanuod na pelikula, sa pagkabitter sa kung anumang dahilan at kung ano ano pa. “Tss. Pwede na talagang gawing diary ang facebook.” Napailing ako.

Pero hindi ko naman ikakaila na hindi ako nagpo-post ng kung anumang kadramahan ko sa buhay. Syempre minsan nagwawala din ako sa wall ko lalo na pagkinikilig ako kay Matteo Do! Haha! E ang cute cute niya naman kasi saka si Steffi e! Ang cute ng love team nila.

 

Someone Named Sam:

Hi, Ruby! Musta school?

 

Napangiti ako nang makita ko ang pangalan niya at ang mensahe niya kaya naman dagli akong nag-type ng reply.

 

Ruby Bartolome:

Hi din, Kuya! Uhm, ok naman po ang school. Medyo nakakapagod nga lang pero pag nakikita ko si Matteo Do nawawala pagod ko haha XD

 

 

 

Someone Named Sam:

Matteo Do? Madalas kong marinig ang pangalan na yan, kadalasan babae at binabae ang nagsasabi. Sino ba siya?

 

Nanlaki ang mata ko nang mabasa ko ang reply niya. Seriously?! Hindi niya kilala si Matteo Do?! Sino ba talaga ang alien sa kanilang dalawa!?

 

Ruby Bartolome:

Srsly kuya?! Hindi mo siya kilala?! Wala ba kayong tv sa bahay?! Saang planeta ka ba nanggaling??? O_______O

 

Naghintay ako habang nagta-type siya pero hindi talaga ako makapaniwalang hindi niya kilala si Matteo! “May mga tao palang hindi nakakakilala sa gwapong alien na ‘yun? Teka, baka naman hindi tao si Kuya! Baka naman alien siya! Hala hala!” para akong tangang nagmomonologue habang inaantay ang sagot niya.

 

Someone Named Sam:

Hindi kasi ako nanonood ng tv e. Wala akong hilig. Pero sino nga ba siya? Sabi nila alien daw ‘yun. Totoo ba?

 

Ruby Bartolome:

Grabe ka kuya! Si Matteo Do lang naman ang pinakagwapong alien na nakilala ko dito sa Earth! Katambal niya si Steffi Cheon e! Try mo naman kasing magbukas ng tv kahit minsan! >.<

 

Someone Named Sam:

Ganun? Di na talaga ako updated sa pangyayari sa paligid ko.

 

Nagtaka ako sa sinabi niya.

 

Ruby Bartolome:

Ano ba kasing pinagkakaabahalan mo kuya? Bakit ni magbukas ng tv hindi mo magawa? Masyado ka bang busy?

 

Someone Named Sam:

Oo. Parang ganun na nga. Meron kasi akong kailangang ayusin. Next time! Susubukan kong panoorin ‘yan. Anong channel ba saka anong title nung palabas? :)

 

Ruby Bartolome:

My Love From a Star po kuya! Naku try mo ‘yan! Kikiligin ka sa kanila! ^_^

 

Someone Named Sam:

Haha, sige sige. Pag libre ako.

 

Nag-type pa ulit siya kaya inantay ko muna siyang matapos sa sasabihin niya.

 

Someone Named Sam:

Uy Ruby, pahinga na si kuya ah? Pagod kasi ako e. Marami kasi akong ginawa kanina.

 

Ruby Bartolome:

Ay! Sige po kuya, pahinga ka na. Good night po!

 

Someone Named Sam:

Ok, ikaw din pahinga ka na. Good night ;)

 

Matapos ang huling mensahe niyang ‘yon, nag-log out na siya. Napasandal ako sa upuan ko habang nakatingin sa screen ng laptop ko. Hanggang ngayon nahihiwagaan pa rin ako sa kanya. Wala pa rin  akong alam na kahit ano tungkol sa kanya. Birthday, saan nakatira, itsura, kahit nga tunay na pangalan niya hindi ko alam, e.

“Sino ka ba talaga Kuya? Nahihiwagaan ako sayo. Gusto kitang makilala.” Sabi ko sa sarili ko saka napagdesisyunang mag-log out at mamahinga na.

 

***

 

Nang sumunod na mga araw, naging napakadalang ng mga pagkakataong nagkakausap kami sa chat. Madalang kasi siyang mag-online at sa tuwing itatanong ko kung anong pinagkakaabalahan niya, ang isasagot lang niya, “Meron kasi akong inaasikaso.”

Alam kong wala ako sa lugar para usisain at alamin ang mga bagay bagay tungkol sa kanya pero, kahit na hindi ko siya kilala personally, para ko na rin talaga siyang kuya.

Pumunta ako sa wall niya at doon nakita ko ang ilang mga post niya. Karamihan parang may ipinapahiwatig na hindi ko malaman kung ano. Nag-scroll down pa ako at iniisa isa ko ang mga post niya na may mga pagitang tatlo o apat na araw. Pero sa lahat ng mga ‘to, may isang post ang nakaagaw ng atensyon ko.

 

“Sadyang maigsi lang ang buhay ng tao. Hindi mo alam kung kailan ka mawawala at kung hanggang saan pa ang itatagal mo sa mundong ito. Kaya ang masasabi ko lang, tutal hindi natin alam kung hanggang kailan tayo, gawin na natin ang mga bagay na magagawa natin hanggat maaga pa. Baka kasi bukas makalawa, huli na ang lahat para sa mga bagay na gusto mo.

 

Eve.”

 

Napaisip ako ng todo sa mga katagang ‘yon. Bakit pakiramdam ko may itinatago sa akin si Kuya? Liban sa mga pagkakakilanlan niya, bakit pakiramdam ko meron pang iba?

Agad kong kinlick ang pangalan niya sa friends on chat ko at nagtype ng message, kahit na hindi siya online alam kong mababasa niya ‘to sa oras na magbukas siya.

 

Ruby Bartolome:

Kuya, ang dalang mo nang mag online ah. Musta na po ba? Chat back ka po please. :/

 

Matapos pindutin ang enter ay tinitigan ko ang pangalan niya sa chat box—inaantay na umilaw ang kulay berdeng bilog sa tabi nito... pero bigo ako.

 

Kamusta na kaya siya? Bakit may nararamdaman akong kakaiba?

 

Sana mag-online ulit siya.

 

 

***

 

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Tatlong buwan na. Tatlong buwan simula ng una kaming magka-chat pero matapos ang huli kong chat sa kanya, hindi niya ito sinagot. Nakaramdam ako ng lungkot, oo. Kasi pakiramdam ko may hindi siya sinasabi sa akin. Open ako sa kanya sa tuwing may kinaiinisan o nalulungkot ako, lagi niya akong dinadamayan sa mga oras na kailangan ko ng kausap.

Para ko talaga siyang kuya kasi lagi niya akong pinapayuhan at pinagsasabihan. Nag iisang anak ako kaya naman sa kanya ko nahanap ang pakiramdam na may kuya na papagalitan ka sa tuwing nagkakamali ka, dadamdayan ako sa tuwing nalulungkot ako, tinuturuan sa mga lesson sa Math na hindi ko maintindihan—lahat ‘yon ginampanan niya... kahit sa chat box lang.

 

Gaya ng dati ay nakatunganga na naman ako sa harap ng laptop ko. Sabado ngayon kaya malaya akong tumambay at magbabad sa computer, tapos ko na rin naman ang mga dapat kong gawin.

Pinindot ko ang home para mag-refresh ang news feed ko, saka ako muling nag-scroll habang tamad na nakatingin sa harap ng screen. Scroll down lang ako nang scroll down nang may isang post ang nahagip ang mata ko. Nag-scroll up ako at nakitang may nag-post sa wall ni Kuya. Agad ko itong kinilick at sinimulang basahin ang tila nobela sa habang post.

 

“Sa lahat po ng mga nakilala at naging ka-close ni Someone Named Sam, o sa aming mga kakilala niya sa labas ng facebook ay si Mark Angelo Santos, nais po naming ipagbigay alam sa inyo na siya po ay namayapa na.

Mayroon po siyang sakit na hindi pangkaraniwan na maging ang mga doktor ay hindi alam kung paano siya gagamutin. Pina- undergo siya ng chemotherapy sa pag-asang tulad ng sa cancer ay mapapatay din ang mga cells na kumakalat sa katawan niya. Naging masigla siya sa loob ng isa’t kalahating buwan pero sadyang tuso ang sakit na ito. Eksaktong ika-tatlong buwan ngayon, tuluyan na siyang bumigay.

Pero bago siya tuluyang mawala, may isang bagay siyang ipinagbilin sa akin. Sabihin ko raw sa kapatid niya sa chat box na mag-iingat siya palagi at pagbutihan ang pag-aaral. Huwag daw muna siyang magboboyfriend at tapusin muna ang pag-aaral. Huwag mo daw tutularan ang mga kabataan ngayong maagang nabubuntis at nag-aasawa dahil hindi magandang buhay ang kakaharapin mo. Lagi mo rin daw tatandaan na kahit na sa facebook at chat box lang kayo nagkakilala, itinuring ka na rin niyang tunay na nakababatang kapatid.

Kung sino man po ang tinutukoy ni Mark, salamat sayo. Dahil sa loob ng tatlong buwan, naging masaya siya kahit paano. Nakikita ko siya habang napapangiti habang nakaharap sa screen ng laptop niya, kung paano siya mainis kapag may pinag uusapan kayong nakakainis para sa kanya, at kung paano siya malungkot sa tuwing may pinag uusapan kayong malungkot. Salamat. Salamat at nireply-an mo ang minsang pagra-random chat niya sayo. Kahit hindi kita kilala at hindi ko alam kung sino ka, salamat ng marami dahil sa natitirang panahong ng kapatid ko dito sa mundo, pinasaya mo siya. Salamat.”

 

Matapos kong basahin ang mensaheng ‘yon, napatulala ako at hindi ko na namalayang tumutulo na pala ang luha ko. Parang ang hirap intindihin. Parang ang hirap paniwalaan ng lahat ng nabasa ko.

Nag-scroll down ako at nakita kong binaha ng comments at likes ang post na ito ng kapatid ni Kuya—o ni Kuya Mark.

Mark Angelo Santos... M-A-S... S-A-M... Binaligtad lang na initials ng pangalan niya. Ngayon ko lang nalaman ang pinagmulan ng pangalan niya sa fb. Agad kong isinearch ang pangalan niya sa search bar ng fb at doon, lumitaw ang kaisa isang Mark Angelo Santos na account. Kinlick ko ito at doon, nakumpirma kong totoo ang post sa wall ng isa niyang account... ang account na ginamit niya para makipag chat sa akin.

Tiningnan ko ang profile niyo at doon, sa una’t huling pagkakataon, nakita ko ang itsura ng online kuya ko sa facebook.

May kapayatan siya pero sakto lang at bagay sa kanya, may katangusan ang ilong at maamong mata, medyo makapal din ang pilit mata niya at naka-clean cut na hair style. Ang litratong ‘yon ay noong isang taon pa kaya naman hindi ko mapigilang isipin kung ano nang naging itsura niya matapos ang mga pinagdaanang gamutan... para sa sakit na hindi nila malaman.

Napatakip nalang ako ng bibig sa pagpipigil ng mga hikbi ko. Hindi ako makapaniwalang sa loob lang ng tatlong buwan, may makikilala akong taong pakiramdam ko para ko talagang kapatid. Sa loob ng tatlong buwan ipinakita’t ipinaramdam niya sa akin kung paano magkaroon ng ‘kuya’.

Kahit na sa facebook chat lang... sa loob ng maigsing panahon.

 

“Ang gara mo kuya! Nung sinabi kong panuorin mo si Matteo Do, hindi ko sinabing gayahin mo!” napahagulgul ako. “Dapat pala... hindi ko nalang ipinapanuod sayo! Ayan tuloy iniwan mo ako!”

Iyak ako nang iyak habang inaalala ang mga panahong nagkaka-chat pa kami. Ang mga pangaral niya sa akin, yung mga pagbibiro niya, yung pag aalala niya—lahat lahat ng mga bagay na pagpapaalala sa ‘kin tungkol sa kanya.

Nang medyo na himasmasan ako, muli kong pinindot ang messages at hinanap ang pangalan niya. Muli kong binalikan ang lahat lahat ng mga pag uusap namin... noong mga panahong hindi ko pa siya gaanong kilala at tingin ko lang sa kanya ay isang nagtitrip na nilalang.

Ilan sa mga nabasa kong message niya sa akin ay,

 

“Ruby, wag ka munang magpapaligaw ha. Ang pakikipagrelasyon magiging pangulo yan sa pag aaral mo. Ang isip ng tao, hindi sanay sa sabay sabay na gawain, may isang bibitawan at susukuan yan sa oras na hindi nito kayanin, at wag mong hahayaang ang pag aaral mo ‘yon. Importante ang pag aaral. Ang pag ibig, darating ‘yan sa oras na talagang nakalaan. ‘Wag mong masyadong madaliin ang buhay, bata ka pa at marami ka pang mararanasan. Basta’t pag may problema ka, lagi lang nandito si Kuya para pakinggan at payuhan ka. :)”

 

Muling tumulo ang luha ko nang mabasa ko ang huling parte ng mensahe niya.

‘Basta’t pag may problema ka, lagi lang nandito si Kuya para pakinggan at payuhan ka...’

 

“Paano mo ako mapapayuhan kung wala ka na, Kuya? Sino na’ng kakausapin ko sa mga problema kong pambata! Napakadaya mo naman, e! Hindi mo manlang sinabing may sakit ka! Edi sana napagalitan din kita sa tuwing nagpupuyat ka! Ang daya daya mo!“ panay lang ang tulo ng luha ko at para akong batang nagwawala. Wala akong pakialam kung anong iisipin ng mga nakakarinig, basta gusto ko lang iiyak ang nararamdaman ko.

Lungkot, pighati, panghihinayang—halo halong mga emosyon na hindi ko alam kung ano na nga bang nararamdaman ko.

Pinilit kong patahanin ang sarili ko at sinubukang magtype ng mensahe sa chat box.

 

Ruby Bartolome:

Kuya, alam mo bang nakakainis ka? Nakakainis ka kasi nung ako ang may kailangan, lagi kang nandyan. Pero nung ikaw pala ang may MAS may kailangan hindi mo manlang ako sinabihan! Nakakainis ka kuya! Gusto kitang batukan, sabunutan at sigawan pero paano ko pa magagawa ‘yun kung nang iwan ka naman! Hindi ko manlang nalaman na may dinaramdam ka pala! Hindi manlang kita nadamayan nung ikaw ang nahihirapan! Hindi manlang kita napasalamatan nang personal.

Mami-miss kita, Kuya. Sinanay mo kasi ako na lagi kang nandyan para sakin, ayan tuloy ang hirap mong kalimutan. Salamat sayo, Kuya. Salamat sa lahat ng bagay na itinuro at ibinahagi mo akin. Sa loob ng tatlong maigsing buwan, nagkaroon ako ng kapatid na tulad mo. Hanggang sa muli po. Hinding hindi kita malilimutan.

 

***

 

May mga taong darating at aalis sa ating buhay; ‘Yung iba para mag iwan ng sugat, at yung iba naman ay para paghilumin ang sugat na iniwan sayo ng iba. May iba’t ibang paraan ng pagdating at pag alis ng mga tao sa ating buhay.

‘Yung iba pasikreto at walang pasabi na iiwan ka na nila. Magugulat ka nalang wala na sila. At yung isa naman, ieenjoy muna ang mga natitira nilang oras kasama ka. Para at least may mababaon silang masayang alaala.

Sa mundong ‘to, hindi mo alam kung sino ang tunay at kung sino ang nagpapanggap. Merong iba na magaling magpanggap at talaga namang mapapaniwala ka; Meron namang iba na ipinapakita na talaga kung sino at ano sila.

Gaya ni Ruby. Nakatagpo siya ng isang taong mapagkakatiwalaan at napamahal sa kanya sa loob lang ng maigsing panahon. Kahit na sa kakaibang sitwasyon sila nagkausap at nagkakilala, naging maganda ang takbo ng samahan nila.

May mga taong nakakasalamuha tayo na, hindi mo aasahang magiging malaking parte ng buhay mo. Akala mo gaya lang din ng iba ay iiwan ka nila pero ang totoo, sila pa ‘yung talagang hinding hindi ka iiwan maging ano’t ano man ang mangyari. Kasi tunay na kaibigan sila.

 

Bakit ko sinasabi ang mga ‘to at anong connect nito sa kwento?

 

Ewan ko. Pero alam ko namang matalino ka kaya ikaw nang bahalang magpaliwanag nito sa sarili mo.

Ang gusto ko lang naman sabihin e, salamat sa pagbabasa nito.

At sana may napulot ka sa kwentong ‘to.

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like DarkLeague's other books...