Pagkakataon, Talon!

 

Tablo reader up chevron

Introduction

Madilim, malalim, malayo at malawak ang saklaw ng gabing naghahatid sa akin ng panahong mag-isa sa aking kuwarto. Tanging kasama ko lamang ay ang iilang mga librong naiwan ng aking kabataan. 

---------------------------------------------

Iba't ibang kuwento at uri ng paraan na nagpapahayag ng pakiramdam mula sa iilang karanasan maging dala ng imahinasyon. Ang librong ito ay naglalaman ng koleksyon ng mga maiikling kuwentong naisulat sa loob ng halos dalawang taon sa loob ng aking unibersidad. At ngayon ay nagkalakas ako ng loob upang ibahagi ang mga ito. 

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Kabataan: Libro, Kuwento, Pagkatao Ko

Malamig ang haplos ng hanging dala ng papalapit na bugkos ng maiitim na ulap. Ang mga ito ay marahang inaaninag ng bagyong dala ng Setyembre. Mistulang nilalamon ng gabi ang noo'y alas-kuwatro pa lamang ng hapon na araw.

Ang sakit na dulot ng pag-iisa sa kuwarto ay dali-daling pumaloob sa akin. Ang katawan ko ay mistulang nawalan ng lakas, uhaw sa mga salitang nagmumula sa aking mga binabasa. Masakit din sa ulong intindihin ang bawat salitang banyagang kaakibat ng nobelang kailangan kong tapusin basahin pero marami akong nakilalang mga tao kahit minsan ay hiniling kong maging kaibigan. Iba-ibang mga imahe at ideya ang nagsisipumiglas sa aking isipan. may mga panahon pa ngang sa tingin ko'y napakaganda na ng isang ideyang kumakawala sa aking isipan ngunit ang nakalulungkot, saglit lamang ang dumaan, wala na ito agad. Ang mga ideya at imaheng ito ay kailangan magkaroon ng katawan, ng konkretong pagkatao dahil kung hindi, silang lahat na nananalong makalabas, ay tiyak na maglalaho na lamang bigla.

Sa isang manunulat, ang mga ideya ay nariyan lamang sa ating mga utak. Maaaring dahil sa mga salitang nababasa at maaari rin namang dala ito ng mga nakatagong ideya sa ating isipan na gustong kumawala noon pa. Ngunit ako ay natakot at hindi ko hinayaang maglaro ang mga ito sa papel. Baging sa bawat iniisip ng isang mambabasa, hindi ito nananatiling isang ideya lamang. Ito ay nagiging totoo at nagdadala sa kanila sa ibang mundo. Ang isang sikat na katha ngayon ay maaaring isang napakasuwerteng ideya lamang na nakahanap sa kanyang pagkatao sa pamamagitan ng ballpen at papel. Ang mga ideyang nabuo sa isipan ay nagsisimulang magbigay ng imahe na kilala natin sa realidad ngunit mabibigyan lamang ng pagkakataong makasayaw at makapagmarka sa makinis at malawak na katawan ng papel na gagamitin ng manunulat.

Ang pagsulat ay hindi simpleng gawaing naipapamalas ng isang indibidwal. Maraming maaaring makapagsulat ng isang simpleng salita, pangungusap, talata, kung minsan pa [kung sila ay nasanay na] ay nagkukulit ang mga utak at nakabubuo ng mga taludtod na napakagandang pakinggan. Minsan pa ay masasabing nakakukuha ang bawat isa ng inspirasyon para makapagsulat mula sa kahit pinakasimpleng bagay. Ilan ay magsasabi naitulak sila na magsulat dahil sa: batang nagbenta sa kanila ng sampaguita; tumaob na puno; basahang basa; iilang natapong kendi sa lamesa; isang kantang narinig sa may jeepney; pelikulang napanuod sa sinehan; o maging ng mga pinakakilalang pulitikal na usapin sa bansa. Lahat ng nasa paligid natin ay maaaring mapagkunan ng inspirasyon sa pagsusulat. Ang mga ito ay maaaring makapagdala ng kakaibang emosyon na makapagpapasiklab ng isang itinatagong ideya at unti-unti itong makipagdugtong sa iba pang maliliit na mga ideya. Sa ganitong paraan lahat ay may pagkakataong makabuo ng salita, pangungusap, talata, kuwento, nobela, o maging sa larangan ng panitikan ay mga taludtod, at tula.

Sa akin kabataan, hindi ako gaanong nakapagbasa ng mga kuwentong tinaguriang canons. Hindi nagtatago ng mga librong ganoon sa bahay. Kahit pa bumili ay hindi rin nagawa. Una, sa dahilang wala naman daw babasa noon sa panahong iyon. Pangalawa, hindi raw namin maiintindihan ang nilalaman ng mga iyon. At huli, dahil mahal ang mga librong iyon kaya hindi kami makabili o makakuha ng kopya kahit pa gusto itong ipabasa sa amin  ng aming ina.

Kahit pa sa ganoong sitwasyon, kami ay lumaki ng aking mga kapatid na namulat din sa iba’t ibang klase ng literaturang Filipino. Mula komiks, alamat, bugtong, mga awiting bayan, at mga mangilan-ngilan pang akda mula sa aming libro sa paaralan. Hindi matutumbasan ng anumang materyal na bagay ang mga emosyong nadama ko sa bawat kuwentong nabasa ko. Sa musmos na isip pa lamang ay lubos na ang pagkamangha ko sa mga imaheng naipapakita ng mga binabasa ko. Lahat ay tila nagdala sa akin sa ibang panahon. Nakita ko ng personal ang bawat tauhan na kasama ang kuwento. Pinagana nito ang imahinasyon ko hanggang sa pinakahindi ko inaasahang pagkakataon.

Ang pagsusulat ay isang paraan din ng pagtatala ng mga mahahalagang pangyayari sa ating buhay. Ito ay maaring maging daan upang tayo ay makalampas sa isang yugto sa ating buhay na hindi natin makalimutan o maiwanan. Ang pagsusulat ang isang sandalan ng mga nangungulila’t nahihirapan. Walang maling kuwento, lahat ay may pinanghuhugutan. Ito pa ay madalas nagiging daan upang magdala ng ating mga nararamdaman. Isa siyang bintana ng ating mga alaala at karanasan. Hindi man sa paraan na napakadetalyado naipapakita ang ating mga damdamin at ala-ala, ngunit may bahid pa rin ito ng ating pagkatao.

Sa huli rin naman, kahit nasaang institusyon ka sa ating mundong makatao, makakahanap at makakahanap ka ng akdang pampanitikan na naglalaman o nagpapakita ng iyong pagkatao. Ito ay maaaring naisulat na at kailangan mo na lamang hanapin o ito ay dapat mo ng simulan ngayon upang isulat at ipakilala sa mundo. Ano ang gagawin mo? 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Pagkakataon

Labing dalawang oras na lang bago ang kasal niya ay nag-iimpake pa rin si Joanna. Tinanggal niya ang nakasabit na headset sa kanyang balikat. Isinara na niya ang bag at lumabas na ng trailer truck.

            “Tita Liz, I’m going to Batangas. See you on Monday,” masayang pagpapaalam niya sa kanilang Creative Director.

            “Jo, advance congratulations. Sa Monday pagkita ko sa iyo, you are already Mrs. Michael Feliciano,” tatawa-tawang biro ni Liz kay Joanna.

            “Naku, ikaw talaga. Sige, salamat.”

            “Uy, ang dami mong dala!”

            Nagulat si Joanna sa biglang nagsalitang lalaki sa kanyang likuran.

            “Damn! Franco, ginulat mo ko,” sigaw ni Joanna sa kaibigan.

            “What? Sisigawan mo pa ko. Aba’y ako na nga itong magiging driver slash alalay mo,” sagot naman ni Franco habang inaabot na ang mga gamit ni Joanna.

            “Hoy, kayong dalawa ‘wag na nga kayo mag-away,” sita ni Liz.

            “Mag-ingat kayo a. Ikaw, Franco, pagbigyan mo na itong bestfriend mo at excited ‘yan na kinakabahan. Ilang oras na lang kasi at kasal na niya.”

            Nginitian lang ni Joanna si Liz at iniabot na ang mga gamit sa kaibigang si Franco.

            “Hay, tama ka dyan Liz. Kinakabahan na nga sa dami ng inaasikaso sa kasal pero eto, nandito pa rin sa photoshoot nyo para sa magazine,” pagsagot ni Franco habang binibirong babatukan si Joanna.

            “Hoy, tumigil ka nga. Halika na at gabi na,” pagsaway niya.

            “Liz, we’re leaving na. Sure ka bang okay na kayo rito?”

            “Of course, Jo. Go na. Para makapagpahinga ka pa at di ka magmukhang zombie na bride.”

            Humalakhak sa tawa ang katabi ni Joanna na si Franco. Pabiro niya itong sinuntok sa braso para tumigil.

            “Thanks, Liz. Bye.”

            Tumalikod na si Joanna sa kausap habang pakaladkad na hinila sa braso si Franco. Sa paglalakad nila ay hindi sinulyapan ni Joanna ang kaibigan at tahimik lamang siya hanggang makarating sa kotse.

            Nang mabuksan ni Franco ang sasakyan, agad-agad na pumasok si Joanna at umupo sa may tabi ng driver’s seat. Narinig na lang niya ang pagsara ng trunk ng kotse at ang pagpasok ni Franco. Sa pag-upo nito ay isinuot na ni Joanna ang seat belt at tahimik pa ring nakatitig sa may bintana ng kotse.

            Sinulyapan ni Joanna si Franco nang sinimulan nitong patakbuhin. Ikinabig ni Joanna ang ulo sa may balikat ng kaibigan.

            “Tabs, grabe pala ang pakiramdam ng malapit na ikasal,” pabulong na sabi ni Joanna habang taimtim na nakatitig sa katabing nagmamaneho.

            “Hay naku. Panget, tumigil ka sa kadramahan mo a. Malayu-layo pa tayo sa Batangas. Umayos ka nga ng upo at baka madisgrasya tayo,” sagot ni Franco habang tinatabig ang ulo ng kaibigan.

            “Tabs naman e. Minsan lang ako magsenti,” padabog na bumalik sa pagkakaupo si Joanna.

            “Hay, in less than twelve hours, I will be Mrs. Feliciano,” kinikilig na sabi ni Joanna. Itinaas niya ang dalawang kamay, tumingala siya at huminga nang malalim, “The Mrs. Feliciano.”

            “Ha! THE MRS. FELICIANO ka dyan!” pagkukutya ni Franco.

            Dumilat si Joanna at ibinaling ang pagtingin sa may bintana. Ibinaba niya ang bintana ng sasakyan at dinama ang malamig na simoy ng hangin.

            “Jo, ano ba iyan! Bukas naman ang aircon ng kotse a,” naiiritang sita ni Franco.

            “Tabs, okay lang ‘yan. Gusto ko lang naman maramdaman ang simoy ng hangin.”

            “Pero…”

            “Tingnan mo o. Kahit madilim na at kaunti na lang ang mga sasakyan sa daan, napakaganda pa rin ng tanawin. Tingnan mo ang mga ilaw. Parang nagsasayaw, parang nagsasaya.”

            “Jo, please don’t be such a child. You’re going to be…”

            “Please, ngayon lang,” nanginginig na sagot ni Joanna.

            “Jo, okay ka lang?”

            Hindi nilingon ni Joanna ang kasama. Idinungaw niya pa ng bahagya ang ulo sa labas ng bintana. Pumikit siya at naramdaman niya ang malamig na dampi ng hangin sa kanyang mukha. Nang pumatak ang mga luha mula sa kanyang mga mata ay nanlamig ang kanyang buong katawan.

            “Jo. Joanna. Jo, anong problema?”

            Mabilis na dumilat si Joanna at pinahid ang mga luhang bumabagtas sa kanyang mga pisngi. Bumalik siya sa pagkakaupo at sumandal sa upuan.

            “Okay lang ako,” tumatawang sagot niya.

            “Ako pa. Ano ka ba, nagsesenti lang ako,” pabirong tinapik niya sa balikat si Franco.

            “Sigurado ka?”

            “O…Oo naman,” sagot niya sa pagitan ng mga sigok dahil tumutulo na naman ang kanyang mga luha.

            Pinahid niya muli ang mga ito at sumagot, “Siyempre, ako ito e. Siguradong okay ako.”

            “Ikaw nga iyan. Kaya kita tinatanong. Martyr ka’t matigas pa ang ulo.”

            Natigilan saglit si Joanna sa pagpapahid ng kanyang luha. Isinara na niya ang bintana ng sasakyan. Tahimik na sumandal sa upuan. Ipinikit niya ang mga mata.

            “Tabs, naalala mo pa ba iyong pangako natin noong mga bata pa tayo?” tanong niya kay Franco.

            “Alin dun? ‘Yung pangakong titira tayo sa buwan paglaki natin at maghahating-kapatid tayo sa lupa doon,” natatawang sagot ni Franco.

            Dumilat si Joanna at tumitig sa katabi, “Tabs naman e,” sagot niya sabay suntok sa braso nito.

            “Aray! Masakit na iyon a,” reklamo ni Franco.

            “ Kasi seryoso ako sa tanong ko.”

            “Ito naman, din a mabiro. O, e di natapos ‘yang pag-iyak mo.”

            “Pangako natin.”

            “Alin nga dun?”

            “’Yung pangakong walang iwanan.”

            Napansin ni Joanna ang biglang paghigpit ng hawak ni Franco sa manibela at ang pagseryoso ng mukha nito. Pero nagpatuloy pa rin siya sa pagsasalita.

            “Pakiramdam ko kasi ‘pag kinasal na ako bukas, parang…” natigilan siya sa pagsasalita. Parang may kung anong bumara sa kanyang lalamunan at pinipigilan siyang magsalita.

            “Parang ano?” tanong ni Franco.

            “Pa…parang pakiramdam ko iiwan na kita. Parang maiiwan na kita.”

            Humalakhak ng pagkalakas-lakas si Franco.

            “Hoy! Seryoso ako, ano ba!”

            Itinabi ni Franco ang sasakyan. Hinarap niya ang kaibigan bago sumagot.

            “Ano ka ba! Pakiramdam mo lang ‘yun. Paano mo naman ako iiwan, tingnan lang natin. Halos buong buhay natin magkasama na tayo.”

            “Pero kasi… Hello! Twenty six ka na, wala ka pa ring girlfriend.”

            “At bakit naman napunta dun ang usapan,” natatawang pagsita ni Franco.

            “Kasi kung may niligawan ka sanang girl at nagtagal kayo. E di… E di sana double wedding sana tayo ngayon,” parang batang humalukipkip si Joanna habang nakatitig pa rin sa kaibigan.

            Humalakhak muli si Franco. Pinaandar niya muli ang kotse at dahan-dahang humihina ang kanyang tawa. Pero hindi siya tinigilan ni Joanna.

            “Hoy! Bakit kasi never ka pa na-inlove? Ang taas naman yata ng standards mo. ‘kala mo kung sinong gwapo.”

            Napaiwas ng titig si Joanna ng biglang itinigil ni Franco ang sasakyan sa gitna ng kalsada at tumitig sa kanya.

            “Fra…Franco, ano ba iyan?”

            “Hindi totoong never akong nagmahal.”

            Lalo pang nabigla si Joanna sa sagot ng kaibigan. Gusto niyang tanungin pa ito ngunit bigla na namang pinatakbo nito ang sasakyan.

            “Sorry,” pagsalita ni Joanna para mawala ang nakakailang katahimikan sa pagitan nila.

            “Huh? A.. a e, ano ka ba. ‘Wag mo na seryosohin ‘yung sinabi ko. Pasensya na.”

            “Tabs, sino s’ya?” pagusisa ni Joanna.

            “Sinong ‘sino s’ya?’ Wala. Wala iyon,” pag-iwas ni Franco.

            “Mga fifteen minutes, may gas station tayong madadaanan. Gusto mo kumain?” pagbago ni Franco ng usapan.

            Hindi na inusisa pa ni Joanna ang kaibigan. Umiwas na lang siya ng tingin at tumungo sa tanong nito. Pero sa isip-isip niya, Sino kaya iyon? Wala namang naikukuwento si Franco sa akin. Shit! Joanna, you really are so insensitive. Kilala mo ang bestfriend mo. Tahimik lang si Franco sa mga bagay na ayaw n’yang pinaguusapan… Pero… pero, ako ito e. Bakit di n’ya sinabi sa akin?

            “Uy, panget!”

            Nagulat si Joanna at bahagyang napatayo sa kanyang kinauupuan.

            “O!” natatawang pagsita ni Franco, “ano ba iyan? Naka-seat belt ka pa, tumatayo ka na.”

            “Ha? Ano?” ulirat na pagtatanong ni Joanna.

            “Jo, okay ka lang? Nandito na tayo. Kain muna tayo. Halika na,” pagyaya ni Franco sabay labas ng sasakyan.

            Sinundan lang ni Joanna ng tingin ang kaibigan. Mga ilang saglit din siya nakatitig sa labas bago niya nagawang kumilos.

            Sinigawan na naman siya ni Franco pero hindi niya narinig ng maayos ang sinabi nito. Sumunod na lang siya rito papasok ng fast food store.

            “’nget, ano gusto mo?”

            “Alam mo na ‘yun. Katulad ng dati.”

            “Sigurado ka? Di ka ba nagda-diet? Baka bukas di ka magkasya sa wedding gown mo,” 

            “Sira!” sabay batok ni Joanna sa ulo ng kasama.

            “Aray. Sige na nga. Umupo ka na. Ako na o-order.”

            Naglakad ng wala sa sarili si Joanna. Pinag-iisipan pa rin niya ang sinabi ni Franco.

            ‘Hindi totoong never akong nagmahal.’

            Pero Jo, sino ‘yun? Simula pagkabata magkakilala na kayo ni Franco. Bakit di mo alam ‘yun? Bakit di mo alam ang minahal niya?

            Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Joanna.

            Damn, what’s happening? Hindi naman ako kinakabahan para sa wedding. Jo, pigilan mo nga ang puso mo. Please. Mali ito.

            “Jo, eto na ang paborito mo.”

            “Shit!” napasigaw si Joanna.

            “O, anong nangyari? Napaka-magugulatin mo ngayon a.”

            “Wala. Wala.”

            Umupo na sa harapan niya si Franco at iniabot sa kanya ang pagkain.

            “Uy, magpakataba ka ngayon a. Bukas, naku, di ka makakakain dahil hapit ang gown mo.”

            “Franco,” pabulong na tawag ni Joanna.

            “Aba, Franco. Seryoso ka na, ‘no?”

            “Sino s’ya?”

            “Sinong…”

            “Sino ‘yung taong minahal mo.”

            Tumigil sa pagkain si Franco. Marahan niyang ibinaba ang mga kubyertos at hinarap ang kaibigan.

            “Bakit mo gustong malaman?”

            Nagulat siya sa sagot nito.

            “Ha? Kasi… kasi bakit di ko alam? Bestfriends tayo, di ba?

            Umiwas sa tingin niya ang kaibigan. Bumalik na ito sa pagkain.

            “Uy, ano ba? Tinatanong kita.”

            Sumagot ito habang nakatuon pa rin ang pansin sa kinakain.

            “Hindi mo na kailangan malaman.”

            “Alam ba niya na gusto mo siya?”

            “Hindi mo na nga sabi kailangan malaman.”

            “Franco. Gusto kong malaman.”

            “Hindi.”

            “Anong ‘hindi’?”

            “Hindi niya alam na mahal ko siya.”

            “Sigurado ka ba?”

            “Oo.”

            “Paano ka nakakasigurado, tinanong mo ba siya?”

            Bumuntong hininga si Franco at tinitigan si Joanna.

            “Bakit mo ba gusto malaman?”

            “Minsan ka lang magmahal, Tabs. Gusto ko malaman kung binigyan mo ba ng pagkakataon ang sarili mo na ipaalam sa kanya na mahal mo siya.”

            “Hindi na niya kailangan malaman.”

            “Bakit?”

            “Basta.”

            “Basta? Hindi ganyan sumagot ang bestfriend ko.”

            “Bakit ba ang kulit mo?”

            “E ba’t ayaw mo kasing sumagot?”

            “E di na nga kasi kailangan.”

            “Sira ka!”

            “Sa’n naman nanggaling ‘yun?”

            “Sira ka at duwag pa.”

            Natatawang umiling-iling si Franco.

            “Sira ang ulo mo dahil naduwag kang magtapat sa mahal mo.”

            “Paa…nong…”

            “Naduwag ka kasi siguro hindi mo naman talaga siya mahal.”

            Napatikom ng saglit ang bibig si Joanna nang mapansin niya ang pagkuyom ng kamay ni Franco. Pero nagpatuloy pa rin siya, “Sinabi mong nagmahal ka, pero tingnan mo ngayon wala ka naman kasama.”

            “Minahal ko siya at patuloy ko pa ring minamahal.”

            “Ang tanong ay kung alam ba niya.”

            “Hindi na kailangan iyon.”

            “Sira ka talaga!” sagot ni Joanna sabay suntok sa may balikat ng kaibigan. Ilang segundong tumahimik siya at nagsimulang tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata.

            “Sandali lang. A…akala ko ba ako ang sira rito at ang pinapagalitan mo. Bakit ka umiiyak diyan?”

            “Sira ka. Kaibigan kita tapos duwag ka. Duwag.”

            Tinakpan ni Joanna ang mukha gamit ang dalawang kamay niya at nagpatuloy sa pag-iyak. Naramdaman na lang niya ang pagtabi ni Franco sa kanya at ang pag-akbay nito sa kanya.

            “Jo, ano bang problema mo?”

            Pinahid ni Joanna ang mga luha at agad na tumayo sa upuan.

            “Halika na. Baka mahuli pa ko sa kasal ko. Ang panget naman ng ganun, di ba?” yaya niya kay Franco.

            Dumiretso na sa labas si Joanna at hindi na inantay pa si Franco. Lumuluha pa rin siya ng makarating siya sa may kotse. Sumandal siya rito at pilit na kinokontrol ang kanyang paghikbi.

            Jo, ano bang ginagawa mo? Ikakasal ka na. Masaya ka dapat ngayon. Masaya. Si Michael, iniintay ka na niya.

            Fuck! Sinong niloloko mo! Jo, you know that Michael has been cheating on you. This is something that’s bothering you, dib a? Wala ng iba. Wala.

Fix yourself at sabihin mo kay Franco. For goodness sake, he is your bestfriend!

Pero, iba ang nararamdaman ng puso mo. Joanna, linawin mo lang. Confirm it for yourself. Be strong. Kaya mo ito!

            Mabilis siyang nagayos ng sarili at pilit na tinapos ang pag-iyak. Pinunasan niya ang mukha gamit ang puting panyo niya. Narinig niya ang pagbukas ng sasakyan. Nilingon niya si Franco ngunit mabilis na itong nakapasok sa sasakyan. Napasimangot si Joanna at binuksan na lang din niya ang pinto at pumasok.

            “Here’s your food,” pag-abot ni Franco ng nakabalot ng pagkain mula sa fast food.

            “Thanks.”

            Tinanggap ni Joanna ang pagkain pero hindi niya ito ginalaw. Nagdaan ang mahigit labing limang minuto bago nagsimulang magpatugtog ni Franco.

            “Jo, umidlip ka muna para hindi ka sobrang mapagod bukas. Alas diyes na rin ng gabi e.”

            Hindi sumagot si Joanna. Inilapag na lang niya ang hawak na plastic bag sa may gilid ng upuan at pumikit. Tanging ang kanta ni Christopher Cross na I Will (Take you forever) ang narinig niya. Pinapakiramdaman niya ang sarili habang nagmimistulang natutulog. Narinig niya ang mahinang pagsasalita ni Franco. Hindi siya dumilat para tingnan ito.

            Hindi niya maintindihan ang ilan sa mga sinasabi nito pero nabigla siya sa huling sinabi ng kaibigan. Napakapit siya ng mahigpit sa kanyang kinauupuan.

            “Minahal ko siya, Jo. Hanggang ngayon ay patuloy ko pa rin siyang minamahal. Oo, hindi niya alam pero pilit ko namang ipinapakita sa kanya...” patuloy ni Franco.

            Mistulang pabirong ipinagpatuloy nito ang pagsasalita, “She was all that I ever saw in love. Kaso hindi na puede e, ilang oras na lang ay ikakasal na siya.”

            Nagpigil na dumilat si Joanna pero nararamdaman niya ang pagpapawis ng kanyang mga palad at ang pag-init ng kanyang katawan.

            “Jo, am I really that stupid to let her go? Pero okay na ako ngayon dahil alam kong masaya na siya. Mas masaya kesa kapag kasama ko siya.”

            Nagpatuloy lang si Joanna sa pagpapanggap na natutulog siya. Habang pinupuno ng mga boses mula sa kanta ang buong sasakyan, hindi niya maialis sa isip kung ano kaya ang hitsura ni Franco.

            I will take you forever.

            There will never be anyone else in my heart but you.

I will take you forever.

There will never be anyone else but you.

Ngunit mistulang binuksan ang puso ni Joanna at dinukot ang kanyang puso nang marinig ang huling salita ng kaibigan.

“I hope you will be happy with Michael. Pero kung alam mo lang Jo, I love you. Minahal kita simula nung mga bata pa tayo at ngayon ay patuloy kitang mamahalin… kahit sa malayo.”

Tumulo ang mga luha sa pisngi ni Joanna pero ikinabig niya ang ulo pasandal sa bintana ng kotse habang paulit-ulit ang mga salita mula sa kanta. There will never be anyone else but you.

But you.

            “Jo. Joanna. Gising na. Uy!” paulit-ulit na sabi ng taong tumatapik sa balikat ni Joanna.

            “A…A…Ha… I..naantok pa ko,” humikikab na sagot ni Joanna pero pagdilat niya ay hindi niya malinaw na maaninag ang mukha ng gumigising sa kanya.

            “Franco, tutulog pa ko!” sagot niya.

            “Hon, si Michael ito.”

            Napabalikwas sa kinauupuan si Joanna at mabilis na tumayo.

            “Aray!”

            Nauntog siya sa loob ng sasakyan.

            Natatawang inakay siya ni Michael.

            “Hay, don’t be too excited, honey. May ilang oras pa para magayos ka and prepare to be Mrs. Feliciano,” pagbibiro ni Michael.

            Napatulala si Joanna dahil sa narinig.

            “A..e… si Franco nasaan?”

            “Ay, ‘yang kaibigan mo talaga. Iniwan ka ba naman sa kotse. Anyway, nasa loob na siya at umidlip na yata.”

            Biglang bumalik sa isip ni Joanna ang nangyari nung gabi. Totoo ba iyon? Sinabi niya ba talaga iyon? Bakit, bakit ngayon lang?

            “O, anong iniisip mo, hon?”

            “Wa… Wala. Saan ang room ko para makapaghanda na ako.”

            “That’s my girl. Always on the go. Pero pahinga ka muna. Ayoko naman na mukhang zombie ang pretty wife-to-be ko.”

            Wife. Kasama habangbuhay.

            Jo, tama ba ito?

            Oo. Ito ang tama. Walang gulo. Walang eskandalo.

            Mahalin mo siya kahit ano pa man ang gawin niya. Michael is for you. But Franco…

            Natigilan siya dahil narinig niya ang mga pagbating boses ng mga tao mula sa bahay.

            “Aba, nandito na ang napakagandang bride at ang kanyang groom,” narinig ni Joanna mula sa loob.

            Ito ang tama. Ito ang tama.

 
Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Smoked Fish

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like J.M. Salgado's other books...