Fides Meus Amor

 

Tablo reader up chevron

Simula

Ilang oras nang nakaluhod ang isang napakagandang babae sa harap ng altar, hindi alintana ang pagbubulungan ng mga tao, ang pagkukuha ng litrato sa kanya at sa pangangatsaw dahil sa paniniwala niya sa Amang Kaitaasan. Ang tanging atensyon niya ay nasa kanyang hiling na taimting niyang dinadalangin habang nakaluhod at 'di alintana ang ulang pumapatak na.

Sa bandang dulo ng bulwagan ay may isang lalaki na humahangos at tila may hinahanap. Umuulan na at hindi pa rin niya mahanap ang kanyang asawa. May hawak siyang payong at tinatahak ang maputik na daanan ng bulwagan. Nang may mapansin siya komusyon ay may kaba siyang naramdaman sa kanyang dibdib. Dali-dali ay lumapit siya roon upang kumpirmahin ang kabog ng kanyang dibdib.

Tumayo na ang binibini at tinitigan ang marka ng Amang Kaitasan na ngayon ay nababasa na. Nababasa na rin siya ngunit hindi niya iyon pinapansin dahil naghahanap siya ng bagay na maaaring magsilong sa marka. Sa bawat patak ng ulan ay naririnig niya ang tawanan ng mga tao. Nang tumingin siya sa paligid ay napansin niyang may mga taong nakapalibot na sa kanya at pinagtatawanan siya.

Mas lalong nalungkot ang kanyang puso hindi dahil napapahiya siya ngunit dahil unti na lang ang naniniwala sa Amang Kaitaasan at ang mga tao na nakapalibot sa kanya ay hindi kabilang dito. Huminga siya nang malalim at pumikit.

"Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa at nawa'y gabayan mo silang bumalik sa inyong piling nang taos sa puso," taimtim niyang dalangin.

Nang dumilat siya ay naramdaman niyang hindi na siya nababasa ng ulan. Tumingin siya sa kanyang gilid at nakita ang kanyang kabiyak, hawak ang isang payong na sumisilong sa kanilang dalawa. Tumitig siya ulit sa kanyang irog na nakangiwi at tumitingin sa paligid. Napansin niyang may dala itong isa pang payong at nabuhayan ang kanyang loob.

Kinuha niya ang payong na hawak ng kanyang asawa at binuksan iyon. Nagulat ang lalaki sa kanyang tinuran at napatulala na lamang nang pinayungan ng binibini ang Marka at nilagyan ng pampabigat ubang hindi hangirin.

Nanlambot ang puso ng lalaki ngunit mabilis iyon nawala at pinayungan ulit ang kayang irog.

"Ang tagal kitang hinanap, nandito ka na naman pala. Hindi na ako nasanay," sabi ng lalaki sabay buntong-hininga.

Naglalakad na sila palayo sa bulwagan nang magkahawak kamay habang ang lalaki ay nakahawak sa payong na sumisilong sa kanilang dalawa.

Hinalikan ng babae ang lalaki sa pisngi at ngumiti sa kanya.

"Hindi pa rin ako sumusuko, Joaquin. Darating ang araw na darating din siya sa buhay natin."

"Bakit, Genevia? Hindi pa ba sapat ang pagmamahalan nating dalawa at sa ating pagsasama?" Sambit nang nagngangalang Joaquin kay Genevia.

"Mahal ko, alam kong alam mo kung gaano ko kamahal ang relasyon natin kahit na maraming nagsasabi sa atin na masyado pa tayong bata para rito. Pero, kakaiba ang nararamdaman ko. Alam kong darating siya pero wala pa ring senyales. Mahal, may tiwala ako sa Amang Kaitasan sa kanyang mga plano at maghihintay ako kung kailan man ito darating."

Nakarating na sila sa kanilang bahay at kumuha si Genevia ng bimpo pampunas sa sarili at sa kanyang asawa.

"Salamat nga pala ah?" Sabi ni Genevia kay Joaquin.

Nagtatakang napalingon si Joaquin kay Genevia. "Bakit naman?"

"Sa payong na dala-dala mo kanina."

Napatingin si Joaquin sa payong na nakabukas sa gilid.

"Umuulan kasi, mahal."

Ngumisi si Genevia at pinunasan ang asawa ng bimpo.

"Hindi, mahal. Yung isa pang payong na dala mo?"

Napamaang si Joaquin at pumunta sa kainan upang kumuha ng maiinom. Nagsalin siya ng tubig at ibinigay sa kanyang asawa.

"Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit akong may dalang isa pa. Oo nga pala, mahal, maligo ka muna at naulanan ka. Mamaya na tayo mag-usap tungkol sa... nangyari kanina."

Bago pumunta sa paliguan ay hinalikan ni Joaquin si Genevia sa labi. Nang mawala na sa paningin niya ang asawa ay sumilip siya sa bintana at bumuntong-hininga.

"Masyado na ata akong naniniwala sa mga paniniwala ng asawa ko't kaya't parang unti-unting na akong nagiging Fidere. Pero ayos lang din sapagkat mahal na mahal ko ang asawa ko at tanggap ko siya kahit magkaiba kami ng pinanggalingan at kahit ito ang rason kung bakit unti-unti nang nababali ang dugong Neutro ko," bulong niya sa sarili habang nakatingin sa mga patak ng ulan.

----

Naghahanda na ng hapunan si Joaquin nang lumabas ang kanyang asawa sa paliguan. Si Genevia na ang nag-abala ng mga kubyertos at nag-ayos ng kanilang lamesa. Nang mahain na ang lahat ay magsisimula na dapat si Joaquin sa pagkain ngunit napatigil siya dahil alam niyang magdarasal ang kanyang asawa. Ngumiti si Genevia sa kanya at saka nagdasal.

Hinintay niyang matapos ang asawa bago kumain. Naging normal ang kanilang pagsasalo ngunit may kakaibang naramdaman si Joaquin. Lagi siyang napapatingin sa kanan na tila may hinahanap at napansin ito ni Genevia.

"Ano iyon, mahal ko?"

Napatingin si Joaquin kay Genevia at bumalik ang tingin sa kanyang kanan.

"Hindi ko alam ngunit parang... may hinahanap ako, Genevia kong mahal. Parang... may kulang..."

Hindi na alam ni Genevia ang mararamdaman nang marinig ito sa asawa. Hindi na niya pinigilan ang sarili at napaluha na lang siya.

Nagulat si Joaquin at dinaluhan ang asawa ngunit ngumiti lamang siya at kumalma.

"Kumain muna tayo, mahal at sasabihin ko ang aking natuklasan."

----

"Mahal, totoo ba itong sinasabi mo?" Hindi makapaniwalang turan ni Joaquin sa narinig.

"Ganyan din ang senyales sa akin, mahal. Hindi ko nga lang alam kung dapat ko nga ba itong sabihin sa'yo dahil... ito'y kaugalian namin at hindi ito kaugalian niyo." Maamong sabi ni Genevia habang hawak-hawak ang kamay ni Joaquin.

Tila malalim ang pag-iisip ni Joaquin kaya't hinayaan na muna siya ni Genevia.

Bumitaw sa pagkahawak ng kamay si Joaquin kaya't napatingin si Genevia sa kanya nang nagtatanong. Napailing na lamang si Joaquin at hinalikan sa labi, bago niya hawakan ang tyan ni Genevia.

"Mahal, kung ano ang paniniwala mo ay aking irerespeto, wala pa iyon sa ginawa mo sa aming angklan para patunay ay pag-ibig nating dalawa ay totoo. Kahit na wala akong pinaniniwalaang may Amang Kaitaasan ang mundong ito'y unti-unti mong minumulat ang isipan ko... kaya't... mahal, kung ano man ang pananaw mo ay maniniwala ako. Siguro nga oras ko nang magtiwala."

Hinawakan sa pisngi ni Genevia si Joaquin.

"Ang pangako ko sa kanila ay hindi ko babaguhin ang paniniwala mo---"

"Ngunit unti-unti mong minumulat ang mata ko sa katotohanang mayroong Makapangyarihang Nilalalang sa Kaitaasan. Iyong taimtim mong pagdarasal sa gitna ng bulwagan sa harap ng Marka ng Ama? Iyonh pagdarasal mo tuwing kakain tayo? Iyong simpleng pagbabasbas mo sa mga taong may busilak ang puso at sa mga taong madumi ang intensyon? Alam kong hindi kita minahal dahil sa relihiyon, mahal ko. Iyon na kasi ang basehan ngayon. Pero ako? Minahal kita nang buong ikaw at tanggap ko kahit magkaiba tayo ng paniniwala. Pero mas minahal kita ngayon dahil minulat mo ako sa malawak na posibilidad." Putol ni Joaquin sa pagtutol ni Genevia.

Ilang oras silang nagtitigan habang hinahaplos ni Joaquin ang tyan ni Genevia.

"Kaya naniniwala na akong... darating rin siya, mahal."

Tuluyan nang napaluha si Genevia kaya hinagkan siya ni Joaquin nang mahigpit.

Lingid sa kanilang kaalaman ay may nagmamasid sa kanila sa malayo. Madilim na ang paligid ngunit nakakasilaw ang pigura niya. Napangiti siya at unti-unting nagkaroon ng pakpak ang pigura galing sa liwanag at lumipad paitaas.

"Sa wakas ay nahanap ko na rin sila. Matutuwa ang Ama sa balitang ito." Sabi ng pigura sa sarili habang lumilipad paitaas.

Natuwa ang karamihan nang tumila na ang ulan pero mas natuwa ang mag-asawang Joaquin at Genevia dahil nakakita sila ng isang nagniningning na bagay sa kalangitan na bumubulusok paitaas. Mahigpit na niyakap ni Joaquin si Genevia habang taimting siyang nagdarasal sa nakita. Unti-unti, napapikit si Joaquin at sa unang pagkakataon ay nagdasal siya.

----

Isang taon makalipas noon, isang taong pagtitiis ni Genevia sa taimtim na panalangin sa may Marka habang nagbabantay si Joaquin at taimting ring nagdarasal ay nabiyayaan sila sa kanilang hinihiling. Natuwa ang mag-asawa sa nangyari at nag-iingat na silang dalawa sa lahat ng bagay.

Kinagabihan bago ang inaasahang panganganak ni Genevia ay wala sa sarili siyang lumabas ng kanilang tahanan at tinahak ang daan patungong dagat.

Nang napansin ito ni Joaquin ay sinundan niya ito.

"Mahal, bakit ka pumupunta rito nang mag-isa ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Joaquin.

"Hindi ko alam, mahal. Tila tinatawag ako ng dagat." Naguguluhang sabi ni Genevia habang hinahaplos ang kanyang sinapupunan.

Ngumiti si Joaquin at niyakap galing sa likod si Genevia.

"Kung ganoon ay sabay tayong maghintay sa kung ano mang sasabihin ng dagat," sabi ni Joaquin, buong kompiyansang mayroong kakaibang mangyayari sa lugar dahil sa kanyang pakiramdam.

'Di lumaon ay may isang nakakabulag na liwanag ang nanggagaling sa itaaas, pababa sa harap nila. Napapikit silang dalawa sa nakaakasilaw na liwanag na unti-unting naging pigura.

Hindi siya nakatapak sa lupa ngunit sa pagdilat ng mag-asawa ay may ibinigay ang misteryosong pigura sa kanila na tinanggap nilang dalawa at nagpasalamat.

'Kinatutuwa ng Ama ang mga taong kagaya mo, Genevia, lalo ka na, Joaquin. Bilang regalo ay ipinagkakaloob ng Ama ito sa inyo. Tanggapin niyo ang Luha ng mga Tala bilang kaligtasan at dugtong na buhay ng inyong anak. Siya ang representasyon ng pag-asa sa mundong ito. Ang tanging makakabali lang sa Luha ng mga Tala ay ang pagkadurog ng puso ng inyong anak. Iyon lamang ang aking masasabi dahil ang karagdagan ay malalaman niyo sa tamang panahon. Gabayan kayo lagi ng Ama at laging magtiwala. Siya ay may plano at atin siyang ipagbunyi. Isang karangalan ang makita ko kayo, Genevia at Joaquin. Hindi na ako magtatagal, mag-iingat kayo, mga alagad ng liwanag.'

Hindi man nakikita ng dalawa ay ngumiti sa kanila ang pigura saka unti-unting umakyat paitaas.

Humigpit ang yakap ni Joaquin habang umiiyak sa galak si Genevia.

"Maraming salamat po, Ama." Narinig ni Joaquin na bulong ni Genevia habang nakapikit.

Huminga ng malalim si Joaquin at unti-unting pumikit. "Ama, maraming salamat sa pagtanggap niyo sa aming anak at sa akin."

---

Kinabukasan ng madaling araw, ipinanganak ang kanilang anak na babaeng nagngangalang Esquillie Rieve at sa araw na din iyon ay nagliwanag ang Luha ng mga Tala na ginawang kwintas ng mag-asawa. Kasabay noon ay ang pagkakaroon ng samu't saring kulay ang madilim na langit. Napangiti ang mag-asawa sa nakita. Maging ang anak nila ay tila masaya sa nangyayari dahil sa hindi nito pag-iyak ngunit nang lumabas ay humahigik ito na nagpalambot sa mag-asawa at sa manggagamot na umalalay sa pangaganak.

Marami ang nagtaka sa nangyayari sa kalangitan at isa na dito si William, isang sayantipikong dalubhasa sa kalangitan at sa mga pangyayari dito. Tumingin siya sa langit at uminom ng kape habang nakaupo sa kanilang balkonahe.

Isa lang ang ibig sabihin nito, sabi niya sa kanyang sarili. Nagkaroon na ng taong representasyon ang Luha ng mga Tala.

Tumingin siya sa mga taong lumabas para tignan ang nangyayari sa kalangitan.

Marapat na mawasak ito upang maging normal ang mundong itong muli dahil sa oras na ito, magbabago na ang lahat.

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Kabanata 1

Pagkarating ni Joaquin sa kanilang tahanan matapos ang tatlong araw sa Rivero para sa Dalubhasang Pagsasanay ay nakahinga siya ng maluwag. Agad niya hinanap ang mag-ina niya dahil sabik na siyang mayakap at masilayan ang dalawa.

Hindi alam ng kanyang mag-ina na darating siya ngayon dahil sa pagkakaalam nila ay bukas pa ito darating.

Nang makapunta siya sa likod-bahay nila ay mas lumawak ang ngiti niya sa nakikita. Naglalaro mag-iisa ang kanyang anak na si Esquillie Rieve habang nakaupo sa damuhan ang kanyang irog. Haplos-haplos nito ang kanyang sinapupunan na lumalaki na.

Una siyang napansin ni Esquillie at bahagyang tumakbo papunta sa kanya. Sumalubong ni Joaquin ang anak at hinagkan ng mahigpit at binuhat niya ito.

"Papa!" Masiglang bati ni Esquillie sa kanyang tatay.

Habang sa malayo ay nakamasid lang si Genevia at tuwang-tuwa sa nakita. Gusto man niyang yakapin ang asawa ay hindi siya makagalaw dahil sa kanyang sinapupunan. Di lumaon ay lumapit na rin ang mag-ama sa kanya.

Tatlong taong gulang na ngayon si Esquillie ngunit sa murang edad ay ramdam niya ang tunay na pagmamahalan ng kanyang mga magulang nang masaksihan niya ang pagtitinginan nila.

Nang mga tatlong araw na nawala ang ama para sa Dalubhasang Pagsasanay, na tinanong ni Esquillie sa kanyang ina kung ano nga ba ito at ang sabi ng kanyang ina ay ito ang pagsasanay kung saan hinahasa ang kakayanan ng mga nilalang. Nalilito man siya sa sinabi ng ina ay nginitian siya nang ina at sinabing maiintindihan niya ito sa paglipas ng panahon. Nakangiti man ay kapansin-pansin ang kalungkutan ng kanyang ina ngunit hindi pa rin ito ang naging rason upang pabayaan siya nito. Sinikap ni Genevia na tumayong Tatay at Nanay sa tatlong araw na iyon.

"Rieve, gutom ka na ba?" Tanong ni Joaquin sa anak habang nakaupo sila sa damuhan at pinapanood ang paglubog ng araw.

Lumingon si Esquillie sa kanyang tatay at bumaling sa inang nakangiti sa kanya.

"Ba't ako ang una, 'tay. Paano inay?" Maamong sabi ni Esquillie na kinatawa ng dalawa.

Inakbayan ni Joaquin ang asawa at tinuro ang gitnang espasyo upang doon umupo si Esquillie. Nang nakaupo na ito ay sabay na hinalikan sa tuktok ng ulo ng bata ang mag-asawa.

"Nag-aalala lang ang tatay, Rieve. Naglalaro ka kanina at hindi na kita naihanda ng miryenda kaya't tinanong ka niya. Isa pa ay alam ng itay mo na hindi pa ako nagugutom," paliwanag ng kanyang inang si Genevia sa kanya.

"Huh, pa'no kung gutom na siya?" Turo ni Esquillie sa sinapupunan ng ina.

Hinawakan ni Genevia ang kamay ni Esquillie at ipinatong sa ibabaw ng tyan nito.

"Rieve, hindi ko hahayaang magutom ang iyong kapatid. Biyaya siya ng Ama kaya dapat alagaan ng mabuti."

Napangiti si Esquillie sa ina at lumingon sa tatay niyang ngayon ay nakahawak na rin sa tyan ng asawa.

"Totoo iyon, anak. Pangalagaan natin ang mga biyaya na ipinagkakaloob sa atin ng Ama. Tulad mo, inalagaan ka namin ng iyong ina. Ikaw ay isa sa mga kayamanan namin, kasama ng iyong kapatid," turan ng kanyang ama.

At sa paglubog ng araw ay nakahawak silang lahat sa sinapupunan ni Genevia at sabay-sabay na nagdasal.

Alagang-alaga sa pagmamahal si Esquillie. Kaya naman sa murang edad ay lumaki itong masunurin at may pagpapahalaga sa pamilya.

Nakakakitaan ang kagalingan nitong magpinta na kinatutuwa ni Genevia sapagkat ito'y nagmana sa kanyang irog na si Joaquin. Sa tuwing nasasabi ito ng asawa ay napapakamot na lang ng ulo si Joaquin. At ginugulo ang buhok ng batang si Esquillie.

Sa tatlong taon na din iyon ay sinunod ng mag-asawa ang payo sa kanila ng Maliwanag na Nilalang. Noong isang pagkakataon na aksidenteng mapigtal ang kwintas ni Esquillie ay nanghina ito kaya mula noon ay iningatan at inihabi na ang kwintas sa maprosesong bagay upang proteksyonan ang anak nila.

Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin ang sinabi ng Maliwanag na Nilalang sa kanila. Ano nga ba ang mayroon sa Luha ng mga Tala? Ang alam lang nila ay dapat nilang protektahan ang anak sa di malaman na bagay, ano nga ba iyon?

Habang naghahanda si Genevia ng agahan, na alagang-alaga ni Joaquin dahil bawat galaw nito ay sunod nang sunod sa kanya, humahagikgik ang batang si Esquillie sa nakikita. Habang naghihintay ay pinipinta niya ang ina at itay niya habang ang dalawa ay mistulang naglalaro sa harap nang lutuan.

Habang nagpipinta ay bigla siyang nahilo. Nang tumingin siya sa paligid ay umiikot ito. Pumikit siya at dumilat ulit, at himalang nawala ito. Itinigil niya ang pagpipinta at humawak sa kwintas niya. Tuwing may nararamdaman itong masama ay humahawak siya sa kanyang kwintas na mula pagkabata ay suot-suot na niya at siya'y kumakalma na.

Tapos na magluto ang mag-asawa nang mapansin nila ang kanilang anak na tinititigan ang kanyang kwintas. Nagkatinginan ang dalawa at sabay na lumapit sa anak.

"Ano iyon, anak?" Malambing na sabi ni Joaquin kay Esquillie.

"Ang ganda kwintas ko, papa, mama," inosenteng sabi ng batang si Esquillie.

Hinaplos ni Genevia ang buhok ng anak niya. "Sing-ganda mo ito, Rieve. Ingatan mo ang kwintas mo, anak ah? Biyaya ito ng Amang Kaitaasan sa iyo."

Nang narinig iyon ni Esquillie ay napangiti ito nang malawak. "Gan'on ba? Regalo ito ni Ama? Alagaan ko rin siya gaya ng alaga ni mama at papa sa akin!"

Matapos iyon ay hinalikan niya ang mga magulang at niligpit ang kanyang mga gamit sa pagpipinta upang kumain.

Napangiti ang mag-asawa sa kanilang anak. Bata pa lang siya ngunit may kakayanan siyang makaunawa. Napatigil sandali si Joaquin habang si Genevia naman ay naghahanda na para sa kanilang agahan. 'Di lumaon ay tinulungan nito ang kanyang asawa.

"Mahal?"  "Hmm?" "May napansin lang ako..."

Napatingin si Genevia sa asawa sandali at tinignan kung nandito na ba ang batang si Esquillie.

"Ano iyon, mahal?"

Napakagat nang labi si Joaquin. "Parang may alam na akong ikakapahamak ng ating Rieve."

Natahimik ang dalawa at napahawak si Genevia sa kanyang sinapupunan.

"Biyaya sa atin ng Ama si Rieve, mahal. Marapat lang natin iligtas siya sa kapamahakan. Ano ang iyong kaalaman sa kanyang kondisyon?"

Hinawakan ni Joaquin ang kamay ni Genevia para ito kumalma.

"Mahal, ang akin lang, masyadong mabait si Rieve. Madali siyang magtiwala, makaunawa, at magmahal. Natatakot akong sa huli ay masaktan siya dahil sa sobrang pagtitiwala, sobrang pag-unawa at sobrang magmahal..."

Natahimik ang dalawa at naputol ito nang narinig nila ang anak na papunta na sa kanila habang ito ay sabik na kumakanta.

"Kung gano'on ay ngayon pa lang ay turuan na natin siya kung paano hadlangan ang mga sobrang iyon," naluluhang saad ni Genevia at mabilis na pinunas ang luha bago humarap sa kanilang anak at ngumiti.

----

Malalim na ang gabi ngunit nananatili pa rin siyang nakaupo sa balkonahe nila at tila seryosong tinititigan ang kalangitan.

Nakaramdam siya nang marahang tapik sa balikat. Lumingon ito at ngumiti nang masilayan ang anak nito.

"Estellion, bakit gising ka pa?" Tanong niya sa kanyang anak.

Kinusot ng limang-taong gulang na lalake ang kanyang mata at humikab.

"Nagising ako dahil napanaginipan ko na naman iyon, Amuh William," inaantok na sabi nito.

Binuhat ng lalake ang bata sa kanyang kandungan at may itinuro sa kalangitan.

"Nakikita mo iyon, Estellion?"

Pinikit-pikit ng bata ang kanyang mata bago tinignan ang direksyon kung saan ito nakaturo.

"Isa sa mga pormasyon ng mga bituin?" Inosenteng sabi nito sa kanyang amuh.

Hinaplos ni William ang buhok ng kanyang anak. "Ang tinuturo ko ang isa sa mga pormasyong aking pinagtitibay at lalong pinag-aaralan tuwing Dalubhasang Pagsasanay, anak. Ito ang Pormasyon ng Lumuluhang Bituin."

Sa pagpapaliwanag nito ay nabuhayan ang anak. "Lumuluhang Bituin?"

Tumago ito at tinignan ang anak.  "Sila ang mga bituin na kapag nagniningning ay naglalabas ng kakaibang parang maliliit na tuldok at itong maliliit na tuldok na ito ay kumukutitap ng iba't ibang kulay. Ito ang pinakagusto kong pag-aralan, dahil ito lang ang bituin na kulay puti lang at kapag nagniningning ay ang inilabas niya lang ang siyang kumukutitap nang iba't ibang kulay." Mahabang paliwanag ni William.

"Amuh, nakakabighani naman! Gusto kong hulihin iyon!" Sabi ng anak habang pilit na inaabot ang bituin.

Umalis sa kandungan ni William ang anak upang abut-abutin ang mga ito ngunit imposibleng maabot dahil ito ay nasa kalangitan.

Napaisip si William sa tinuran ng anak. Napanaginipan na naman niya iyon. Napanaginipan na naman ng anak ang pagkamatay ng kanyang mamuh at nakita niya daw ang sariling inililigtas siya gamit ang isang makinang na bagay.

Isang bagay lang iyon. Ito ay ang mga Luha ng mga Tala, ang mga maliliit na tuldok na nilalabas ng mga Lumuluhang Bituin. Ito ang nasa isip niya habang pinagmamasdan ang anak. Si Estellion na ba ang solusyon sa pagkabuhay muli ng kanyang asawa at sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga Neutro laban sa propesiya na nakasaad sa sulatin ng mga Fidere na matagal nang winasak ng mga sinaunang Neutro dahil ayaw nilang malaman ito ng mga Fidere?

----

Habang mahimbing at magkakatabing matulog sila Joaquin, Genevia at Esquillie ay nagliwanag ang kwintas ng bata. Ang mahimbing na natutulog na si Esquillie ay napahawak sa kwintas nito at tila napangiti.

Sa kabilang ibayo naman, habang pinapapasok na ni William si Rafae Estellion ay napansin nilang dalawang ang Pormasyon ng Lumuluhang Bituin ay sabay-sabay na nagliwanag at naglabas ng mga Luha ng mga Tala. Napamangha si Rafae sa nakita ngunit nagtaka si William.

Kulang ng isa sa bandang gitna. Naglalabas ang Lumuluhang Bituin ng dalawangpu tig-isa ngunit ang nasa gitna ay kulang. Napatingin si William kay Rafae Estellion. Mararapat lang itong mawasak. Mawasak at ialay sa aking asawa dahil totoo ngang may isang taong representasyon na ang Luha ng mga Tala. 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Kabanata 2

"Magandang araw, Millane!" Bati ni Esquillie, edad anim na taong gulang sa kanyang isang taong gulang na kapatid na kanina pa gising.

Kinuha ni Esquillie ang kapatid na lalaking si Jacin Millane sa higaan nito at kinarga. Bata mang matuturing ay nais na nitong pag-aralan ang mga gawaing-bahay at ang pag-aalaga sa kanyang nakababatang kapatid.

Nang una itong sinabi ni Esquillie sa kanyang mga magulang na si Genevia at Joaquin ay napatigil ang mga ito sa ginagawa. Nang tinanong kung bakit ay nasabi niya, nang bukal sa puso, na nais niyang makatulong sa simpleng pamamaraan at isa pa, napapansin niyang hindi nakakadalo ang ina niya sa Dalubhasang Pagsasanay dahil sa pag-aalaga nito sa kanila.

Noong una ay tumutol ang dalawa, lalo na ang inang si Genevia ngunit nang napapayag ni Esquillie ang tatay nitong si Joaquin ay ito ang kumausap sa kanyang ina.

Noong napapayag na ang kanyang ina ay agad-agad nitong tinuruan ang anak. Sa bawat maliliit na bagay na nagagawa niya ay tila umiinit ang kanyang kwintas na nagbibigay sa kanya ng kakaibang pampakalma na pakiramdam.

Ang pinakagusto nito ay ang pag-aalaga ng kanyang kapatid. Natutuwa si Esquillie sa kapatid at dahil madalas na niya itong naaalagaan, minsan ay hindi na mahiwalay ang kapatid sa kanya.

Ngayon ang araw kung saan naatasan ang ina niya na magboluntaryo sa pagtuturo ng kasaysayan. Nasasabik na rin siya dahil mamayang gabi ay tuturuan na din siya ng kasaysayan ng ina. Nasabi ng ina sa kanya na dahil siya ay masunurin na bata at mabilis matutong magsulat at magbasa ay ituturo na niya ang kasaysayan na dapat ay mapag-aaralan lamang ng batang kaedad niya tuwing pitong taong gulang.

Hindi nila kasama ngayon ang kanilang itay dahil nataong may naatasang pagboboluntaryo rin ito.

Habang tinitignan ang kapatid na nakangiti ay nilalaro ang buhok ni Esquillie, kakatapos lang uminom ng gatas, ay hindi niya rin maiwasang ngumiti. Maswerte siya dahil may mga magulang siyang dedikado na makatulong sa kapwa kaya't nagboboluntaryo. Sila rin ay mapagmahal na magulang at nakikitang mahal na mahal nila ang isa't isa. Ang higit na nagpahanga sa kanya ay ang pagmamahalan ng dalawa kahit na magkaiba sila ng paniniwala. Fidere ay kanyang ina at Neutro naman ang kanyang itay. Kahit na ang itay niya ay taliwas sa kaugalian nilang walang Amang Kaitaasan na magliligtas sa kanila dahil naniniwala siya dito at siya mismo ay kasabayan ng ina kung magdasal at kung minsan ay nagkukwento ito tungkol sa Pagmamahal ng Ama sa kanyang nilalang, ay meron pa ring mga kaugalian ng Neutro na hindi maiaalis sa kanya.

Hindi maiwasan ni Esquillie na mangarap na magkaroon ng ganitong klaseng pagmamahalan kapag lumaki na siya. Iyong pagmamahal na kagaya ng kayang itay at inay. Iyong hindi tumitingin sa paniniwala para lang makahanap ng kabiyak ngunit iyong titingin sa buong ikaw at tanggap ka pa rin niya habambuhay.

Napatigil ito sa pangangarap nang narinig nito na humikab ang kapatid.

"Inaantok ka na ba, Millane?" Nakangiting saad nito at nang matapos ang ilang minuto ay hinele niya ito at unti-unti, napapikit ang mata ng kapatid habang naramdaman naman ni Esquillie ang pag-init ng kanyang kwintas at mas lalo siyang ngumiti.

"Rieve?"

Napamulat siya sa mahinang tapik sa kanya. Nakatulog pala siya! Unti-unti niyang dinilat ang kanyang mata at nakita ang ina na karga-karga ang natutulog na si Jacin. Ngumiti si Genevia sa kanya.

"Kumain ka muna, anak. Pasensya na kung natagalan ako. Hindi na muna kita sasamahan dahil ilalagay ko muna ang kapatid mo at mag-aayos ako ng gamit. Pagkatapos mo na lang kumain ay dumiretso ka na sa silid-aklatan natin para tayo'y makapag-umpisa na," wika ng kanyang ina na si Genevia sabay kindat sa kanya.

Hinalikan sa pisngi ni Genevia ang anak saka ito dumiretso sa kanilang silid upang ihiga ang bunso samantalang si Esquillie naman ay dumiretso sa kusina na medyo papikit-pikit pa. Nang nakaupo na ito ay humikab ito nang isang beses at tinignan ang nakahandang pagkain niya. Napangiti siya dito at nagising ang diwa niya. At dahil din naalala niya ang sinabi ng ina ay mas lalo siyang na-engganyo sa pagkain.

--

Nag-aayos sa may silid-aklatan si Genevia para sa gagawin niyang pagkukwento ng kasaysayan sa kanyang anak. Ang antok ay kanyang nilalabanan dahil may pangako siya sa kanyang anak at ayaw niyang biguin ito. Tapos na niyang ilagay sa sariling higaan ni Jacin ang bata matapos makita nito ang dalawang natutulog. Napapangiti siya tuwing naalala ang nadatnan niya.

Nang natapos na siya sa kanyang ginagawa ay umupo siya sa malapit na upuan at pumikit saglit.

Sa ganoong posisyon nakita ni Esquillie ang kanyang ina. Lumapit siya dito at tinitigan. Napangiti si Esquillie. Kahit buong buhay niya pagmasdan ang ina ay hindi siya magsasawa.

Biglang nag-ilaw ang kanyang kwintas. Tinitigan niya ito at dahan-dahan niyang hinawakan. Dahil doon ay nagising si Genevia. Napaangat ng ulo si Esquillie dahil dito at ngumiti.

"Ina, kung inaantok po kayo ay pwede namang bukas mo na lang ikwento ang kasaysayan."

Saglit na napaisip si Genevia, kinukonsidera ang pasya ng anak. Ngunit napailing ito. Naghintay nang matagal ang kanyang anak, kahit pagod siya ay ayaw niyang maging hindi patas.

Tumayo ito at pumunta sa isang sulok kung saan ang lapag ito ay nababalutan ng makapal na tela na may disenyong pabulaklak. Sa ibabaw ng tela ay nakaayos ang ilang libro-- mga librong gabay sa Dalubhasang Pagsasanay ni Genevia. Umupo siya rito at ngumiti sa anak na umupo rin katapat niya.

"Ngayon, mahal kong Rieve, matutuklasan mo ang kasaysayan natin, pati na rin ang aking sining na ginagamit ko sa pagboboluntaryo at sa Dalubhasang Pagsasanay."

Napaawang ang mga labi ni Esquillie at nanlaki ang mga mata nito. Pagkatapos tumuran ang kanyang ina ay sumipol ito at may naglabasang parang mga usok na sing pino ng ulap. Unti-unti itong humulma pa-hugis entablado.

"Ina, ang ganda ng iyong Sining!" Manghang sabi ni Esquillie sa ina.

Ngayon pa lang nakita ni Esquillie ang sining ng kanyang ina. Hindi pa niya ito nakikita pati na rin ang sining ng itay nitong si Joaquin.

"Ina, bago ka po magsimula, kailan po ba lalabas sa akin ang aking sining?"

Huminga ng malalim si Genevia at kumurap. Tumingin ito kay Esquillie at ngumiti. Ang mga usok ay nag-iba ng pormasyon. Ito ngayon ay naghugis babaeng may hugis ang katawan at may dibdib. Umaalon-alon ang buhok nito.

"Mahal ko, kapag ikaw ay naging ganap na dalaga, doon pa lang lalabas ang tunay na porma ng iyong sining, ngunit nagpaparamdam na ito sa bawat pag-edad mo," malambing na paliwanag ni Genevia sa anak.

Habang nagsasalita si Genevia ay nagpapalit-palit ng pormasyon ang mga usok. Tila humuhulma ito base sa kanyang sinasabi.

Kinagat ni Esquillie ang kanyang ibabang labi at tumango. Kitang-kita ni Genevia ang pagkasabik nito sa pagkakaroon ng sining.

"Handa ka na ba, Rieve?"

Inihanda ni Esquillie ang sarili. Nang ngumiti ang kanyang ina ay nagpormang bilog ang usok. Nang nakita itong mabuti ni Esquillie ay napatingin siya sa maalikabok na bilog na pigura sa malayong bahagi ng kwarto-- globo. Ito ay isang globo.

"Ang Fidere at Neutro daw ay nanggaling sa sinaunang mundong ginawa ng Ama. Sa mundong ito, lahat ng tao ay may pananampalataya sa Ama. Unti-unti itong naglaho dahil sa kambal na ahas..."

Ang usok ay biglang nagkakulay. Nakita ni Esquillie na kakulay ng globo ang usok. Ngunit ang mga luntiang parte ay unti-unting nagiging itim at mula dito ay unti-unti itong pumormang kambal na ahas.

"Ang kambal na ahas ang nagsilbing tukso ng mga tao sa sinaunang mundo upang mapalayo sa Ama. Sa umaga ay nagpaparami ito ng lahi para lang mabulungan at ihasik ang pagbagsak ng pananalig sa Ama. Halos gabi-gabi ay gumagapang ito sa mga kama at bumubulong sa mga tao sa kanilang pagtulog. Sa paggising ng mga ito ay doon nasusubukan ang isang tao. May ibang sinunod ito, may ibang hindi..."

Ang kambal na ahas na usok ay biglang pumormang ito ay gumagapang papunta sa kama ng isang taong natutulog. Lumapit ito sa tenga ng isang tao, nilabas ang dila at tila may sinasambit.

"Ang sinaunang mundo ay naging magulo. Naghari ang mga sumunod sa kambal na ahas at pinapatay ang mga may pananalig sa Ama. Napuno ng takot ang mundo at dahil dito ay ang pinuno ng kambal na ahas ay nagtatag ng sariling imperyo laban sa Ama sa pinakailalim ng lupa..."

Tila nagkakagulong mga tao ang pormasyon ng usok. Bigla itong nagpalit sa hitsura ng kambal na ahas habang pinapanood ang kaguluhan sa mundo na tila nagahalak. Ipinakita rin ito ng Ama na nakatingin mula sa kanyang lugar sa itaas na tila nalulungkot.

"Umaksyon ang Ama sa nakita, sa panaginip ay kinausap niya ang mga may pananalig sa kanya at pinapunta sa kabilang ibayo ng mundo. Sinabihang niyang magpakatatag sila dahil hahamakin at susubukan sila ng kambal na ahas sa kanilang pagtahak sa kabilang ibayo..."

Pinakita ng usok ang paghihirap ng mga sinaunang mga taong may paniniwala. May ibang namatay, may ibang sumuko at bumalik. At nang nakarating sila sa dulo ay nagkaroon ng tila isang malaking pader ng tsunami.

"Nagpadala ng isang malaking tsunami ang kambal na ahas sa mga tao. Ang mga ito ay nagdasal sa Ama at dininig sila ng ama dahil ito ay nagpormang isang pader ng yelo. Nagkaroon ng hati ang mga niligtas niya sa mga taong naiwan sa kabilang isla. Nagpasalamat ang mga tao sa Ama na nakatawid at dito nagsimula ang lahat..."

Biglang naging kulay puti ang usok at tila ito ay naglalakbay sa kung saan-saan.

"Ang kambal na ahas, bago magsimula ang lahat ay isa sa mga katiwala ng Ama. Labingtatlo silang katiwala ng Ama at lahat sila ay naeengganyo sa kambal na ahas. May taglay itong katalinuhang higit sa mga katiwala. Ngunit ang kambal na ahas ay nag-iba ang loob nang sinubukan nito ang Ama at lahat ay nasasagot niyo..."

Tutok na tutok si Esquillie sa ina nang maabutan ito ni Joaquin. Napatingin ang dalawa sa kanya at tila nawala ang mga usok sa gitna nila. Si Esquillie naman ay tumayo at tumakbo palapit kay Joaquin.

"Itay! Nakabalik kayo!" Magiliw na bati nito habang niyayakap si Joaquin.

Binuhat ni Joaquin si Esquillie at pumunta sa direksyon ni Genevia. Hinalikan ni Joaquin sa pisngi ang anak habang hinalikan naman nito sa labi si Genevia.

"Alam niyo namang lagi akong babalik sa inyo, di ba?" Sabi ni Joaquin sabay tingin sa mag-ina.

Biglang nagliwanag ang kwintas ni Esquillie. Napatingin lang sila dito at hinintay na humupa. Biglang hinikab si Esquillie.

Hinawi ni Genevia ang buhok nito. "Gusto mo bang ituloy na lang natin bukas ang pagsasaysay ko? Mukhang pagod ka na. Ikaw, mahal kong Joaquin, kumain ka na ba?"

Napangiti si Esquillie at pinilit bumaba sa buhat ni Joaquin. Binaba siya nito at inupo sa makapal na tela. Umupo rin si Joaquin, nilagay ang braso nito sa balikat ni Esquillie habang ang isa ay hinihila si Genevia paupo muli.

"Oo, mahal, nakakain na ako ng tinabi mong luto mo bago ako pumunta rito. At Rieve, tila pagod ka na, sa tingin ko ay kailangan mo nang magpahinga," nakangiting sabi ni Joaquin kay Esquillie.

Humikab ulit si Esquillie. "Sa tingin ko nga po, tama kayo. Mayroon naman po bukas para dito, mauuna na po ako. Sa silid po ako muna ni Millane matutulog," sambit nito sa mga magulang at hinalikan ang mga ito sa pisngi.

"Matulog ka nang mahimbing, mahal naming anak."

Habang naglalakad palabas ng silid si Esquillie ay hinalikan ni Joaquin si Genevia sa labi nang malalim.

Nang kumawala ang dalawa para sa hangin ay napatulala si Genevia kay Joaquin. "Para saan iyon?"

Napangiti si Joaquin. "Alam mo na iyon."

Napaawang ang mga labi nito. Nagulat ito nang binuhat siya ni Joaquin paalis sa silid.

"M-matutulog na ba tayo?"

Hinalikan ni Joaquin si Genevia sa noo. "Hindi ko alam kung bakit matutulog si Rieve sa kwarto ni Millane. Baka nakaramdam siya na gustong magmahalan nang malalim ang kanyang ina at itay, hmm?"

Unti-unting napangiti si Genevia.

Samantalang sa kwarto naman ni Milane ay nakahiga sa nakahandang kama si Esquillie at tinititigan ang natutulog na pigura ni Millane sa iasng kamang pangbata.

Nakangiting humikab si Esquillie at pumikit. "Millane, sa tingin mo ay masusundan ka kaagad o masusundan ka kapag nasa edad ko na ikaw?"

---

Nakapikit na napaupo si Rafae Estellion nang maalimpungatan ito sa tulog. May pilit siyang inaabot sa lamesang malapit sa kanya. Nang makuha niya ito at nang naramdamang nakahanda na ang papel at lapis nito sa kung ano mang gagawin niya ay nag-umpisa na ito.

Kahit nakapikit siya'y tila alam na alam niya ang ginagawa niya. Kahit tila wala ito sa wisyo ay nakakapagguhit pa ito ng isang babaeng nakangiti na may hawak ng isang kwintas. Wala ang itaas na parte ng mukha nito. Tila kalahati ng ilong, labi, pababa lang ang kanyang nalarawan.

Nang matapos ay inilagay nito ang papel sa ilalim ng kanyang unan habang ang lapis ay inilagay niya sa lamesa. Unti-unti itong humiga at bumalik sa pagkatulog.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Lady Meia's other books...