HER MEMORIES

 

Tablo reader up chevron

Matt and Becca Love Story

Namulat ako sa katotohanan na hindi ko kayang mabuhay ng walang katuwang sa buhay, lalo na sa aking pagtanda. Mabilis ang panahon, kahit sa isang segundo maraming puwedeng mangyari. Sa isang pikit ko lang maaaring may mawala, may pumalit at may magbago. Pero higit pa roon, hindi ko kailanman inisip na may mawawalaat mayroong papalit sa taong pinakamamahal ko. Mawala na ang lahat ng bagay sa mundo, kailanma'y hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya. Lalo na ang kanyang mga ala-ala.

 

Sa tuwing maaalala ko ang mga oras na kasama ko siya. Hindi ko maiwasan ang maging malungkot at lumuha. Tanging si Becca lang ang nagbigay liwanag at pag-asa sa aking puso na unti-unting nilalamon ng galit at poot. Akala ko no'ng una si Elsa na ang makakasama ko hanggang sa aking pagtanda. Subalit nagkamali ako. Sa loob ng sampung taon naming relasyon, kailanman ay hindi ko siya pinagtaksilan at aking ibinigay ang lahat ng kanyang pangangailangan. Kumayod ako ng kumayod, kahit anong trabaho pinasok ko. Mapagtapos ko lang siya ng pag-aaral.

 

"Matt may sasabihin ako sa'yo."

 

Naramdaman ko sa tono ng boses ni Elsa na hindi ko magugustuhan ang susunod niyang sasabihin. Pakiramdam ko'y maghihiwalay na kami. Pagkatapos ng lahat-lahat.

 

Hindi ako sumagot nang bakit sa kanya. Bagkus, hinagkan ko siya ng mahigpit. At sa pagyakap kong 'yon. Nagsimulang umagos ang mga luha sa aking pisngi. Kalalaki kong tao, masyado akong iyakin. Hindi ko alam kung bakit ang babaw ng luha ko.

 

Nagmakaawa ako sa kanya na huwag niya akong iwan. Pero iniwan pa rin ako ni Elsa. Iniwan niya akong nakatayo sa pintuan ng aking bahay. Dala-dala ang lahat ng kanyang mga gamit. Tanging bakas ng yapak lang ang iniwan niya sa aking bahay. Nakayuko't gulong-gulo ang aking isipan ng sandaling 'yon.

"Binigay ko sa'yo ang lahat. Nagtrabaho ako, kahit na nagkakasakit na ako hindi ko sinasabi sa'yo. Dahil ayokong mag-aalala ka sa akin. Ayokong dagdagan ang pagod mo sa pag-aaral. Kaya pati sa--"

 

Napahinto ako sa aking sinasabi ng may isang baso ng shake ang biglang lumitaw sa aking harapan. Itinungo ko ang aking ulo at nakita ko ang nakangiting si Becca.

 

"Huwag ka ng umiyak Matt. Heto ang chocolate shake na may cherry sa ibabaw--" huminto siya sa pagsasalita at saka umupo sa tabi ko. "Alam mo Matt. May ipagtatapat ako sa'yo. Matagal ko ng gusto sabihin sa'yo ito. Pero lagi akong hinaharangan ni Elsa sa tuwing magpupunta ako dito." Seryosong sabi ni Becca habang nakatingala sa mga ulap.

 

Kinuha ko muna ang chocolate shake na kanina pa niya hawak at saka ako tumingin sa seryoso niyang mukha.

 

"Ano ba ang sasabihin mo Becca?" tanong ko.

 

Bumuntong hininga muna siya bago sumagot sa tanong ko.

 

"Matt Lopez! Bakit ba napaka-manhid mo! Hindi mo alam na niloloko ka lang ni Elsa! Sa tuwing papasok ka sa trabaho, may pumupuntang lalaki dito sa bahay mo! At sa tingin ko ay pinagtataksilan ka niya!"

 

"Hindi magagawa ni Elsa sa akin 'yon."

 

"Anong hindi magagawa? Nagawa na niya Matt! Kitang-kita ng dalawang mata ko ng maghalikan sila sa tapat ng bahay mo! Isa kang bingi at manhid Matt! Hindi mo man lang ba naririnig ang usap-usapan ng mga kapit-bahay natin tungkol sa syota mo! Hindi mo man lang ba naramdaman na ang pagbabago ni Elsa sa'yo!"

 

Sinuntok ko ang pader sa sobrang inis ko. Mabuti na lang at hindi natapon ang chocolate shake na bigay ni Becca.

 

"Pasalamat ka at hindi natapon ang chocolate shake. Dahil kung natapon 'yan. Parang tinapon mo na rin ang pagmamahal na nararamdaman ko sa'yo."

 

Pinagsaluhan naming dalawa ang chocolate shake na may cherry sa ibabaw ng may ngiti at luha sa aming mga mata. Simula n'on, naisip ko na hindi nga siguro si Elsa ang babaeng para sa akin. Hindi siya ang babaeng makakasama ko hanggang sa aking pagtanda.

 

Tatlong buwan, tumagal ang relasyon namin ni Becca. At sa araw mismo ng aming pangatlong monthsary, nagpakasal kaming dalawa. Binago niya ang buhay ko na muntikan ng malugmok sa kalungkutan at galit. Dahil sa isang taong manggagamit. Ika-25 ng Disyembre taong 2013 ang petsa ng aming pangatlong monthsary at araw ng kasal namin.

 

"Becca Montes, kailanma’y di kita pagtataksilan. Isuot mo at pakaingatan ang singsing na ito na siyang sangla ng aking pag-ibig at katapatan. Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen."

 

"Matt Lopez, kailanma’y di kita pagtataksilan. Isuot mo at pakaingatan ang singsing na ito na siyang sangla ng aking pag-ibig at katapatan. Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen."

 

Sumumpa kami sa harap ng altar at sa harap ng diyos na magiging tapat at wagas ang aming pagmamahalan. At sa araw ding 'yon, paghagis ni Becca ng bulaklak. Nawalan siya ng malay at dinala namin siya ng kanyang ama sa ospital. Doon nalaman ko na may sakit sa puso ang aking asawa. Sinubukan din ng mga doktor na isalba ang buhay ni Becca.

 

Pero... Wala na. Iniwan na niya ako.

 

Walang tumutulong luha sa aking mata habang humahakbang ako papunta sa kama kung saan nakaratay ang wala ng buhay na katawan ng aking asawa.

 

"Mahal ko... Gusto kong magalit sa itaas, dahil kinuha ka niya agad sa akin. Kaya pala oras-oras, minu-minuto lagi kang masaya. Hindi mo man lang sinabi sa akin na may iniinda kang karamdaman. Parehas na parehas talaga tayo mahal ko. Ayaw nating masaktan ang taong mahal natin sa buhay. Kaya mas gugustuhin na lang natin na biglaan ang lahat ng mangyayari. Huwag kang mag-alala mahal ko, habang buhay kong iingatan ang mga ala-ala mo. Ang mga ngiti at tawa mo, lalo na ang mala-kambing mong paghalakhak. Mahal na mahal kita, mahal ko. Ilang taon na lang at magkakasama na tayo. Kahit sa kabilang buhay, patuloy kitang mamahalin. Doon... Ipagpapatuloy natin ang naudlot nating pulutgata."

 

Wala man kaming naging anak. Nagpapasalamat ako dahil dumating siya sa buhay ko. Biglaan man ang lahat ng pangyayari, mananatiling buhay at pang-habambuhay ang pagmamahal ko sa kanya. Higit ang kanyang mga ala-ala.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Miecky Sarenas's other books...