You, Me and the Torn Love Letter

 

Tablo reader up chevron

one | Ansel the Horrible

Four years ago

"UY, AYAN NA SIYA!" Nangtutuksong anunsyo ng kaibigan ni Cass na si Greta. Ang tinutukoy ay si Ansel, ang kakambal nito at ang two years ng crush ni Cass. Paano hindi niya magugustuhan ang binata if he was the epitome of her dream guy?

Matangkad ang binata kaysa sa kanya ng dalawang talampakan, 4"9 lang siya. At kahit ilang talon niya sa New Year ay hindi na siya biniyayaan ng kaunti pang height.

Maputi rin ang binata at kung tutuusin pwedeng-pwede na itong maging model ng kahit anong whitening products na nangangailangan. He has pretty chocolate brown eyes, an aristocratic nose, and fully kissable lips. Like usual, nakasuot ito ng hoodie, plain jeans, at rubber shoes. At ang pinaka-winning feauture na paborito ni Cass sa overall na histura nito ay ang kulot nitong buhok na natural ng nag-pupuff out sa harapan.

Hay, salamat Lord at nakita ko na naman ang aking iniirog.

Lumakad papunta sa kanila si Ansel at binati ang kakambal. Inakbayan naman ito ni Greta na madali lang nitong nagawa dahil di nalalayo sa katangkaran ng lalaki.

"Hey there, bro bro. Like usual, say Hi to Cassie please," wika ni Greta sabay kindat sa kanya. Gusto niyang sikuhin ang kaibigan sa tahasang pagpapahalata naman nito nang nararamdaman niya. Nagpigil na lang siya at nginitian ang binata.

"Hi, Caz," ganting bati nito. Caz. Eto lang ang tumatawag sa kanya ng ganoon ever since ipinakilala siya ni Greta rito. Hindi niya alam kung bakit iyon ang napili nitong nickname sa kanya pero hindi naman siya nagrereklamo. Ang pakiramdam niya lang ay special na siya. After all, ilan lang ba ang nakakuha ng custom-made na nickname mula sa mga crush nila?

"Hello." Ilang beses din siyang nautal noon bago niya nasabi ang simpleng 'Hello'. Buti na lang at hindi naman mukhang nakahalata ito.

At katulad ng dati, tapos na ang eksena, nawala na siya sa paningin ng binata. Ang buong atensyon na ng kanyang iniirog ay napupunta sa kakambal nito. Pero okay lang kay Cass iyon, ang importante sa kanya ay masulyapan at makasama kahit saglit ang kanyang iniirog.

Buti na lang at pinagtitiyagaan ni Ansel na daanan sila ni Greta sa canteen ng Journalism Building. Isang IT student kasi ang binata at asa kabila pa ang building nito. Ayon dito, mahaba naman ang break nito kaya minabuti na lang nitong puntahan sila. Ayon naman kay Greta, wala lang masyadong friends ang kapatid nito.

The reason? Biniyayaan man si Ansel ng katalinuan ay hindi naman ito biniyayaan ng talent na makipag-socialize ng mabuti. While he can actively participate in a class discussion or a group activity, he remains detached to people. Iilan lang ang talagang pinapapasok nito sa personal nitong buhay.

Swerte lang si Cass at kaibigan niya ang kakambal nito, ang nag-iisang taong laging gustong nakikita at nakakasama ni Ansel nang mas matagal sa sampung minuto at dahil may gustong iwasan ito. Marami kasing nagkaka-crush sa binata at ayon sa kanyang kaibigan, kung sinu-sinong babae mula sa iba't ibang school ang napapadaan sa building ng binata para lang masilayan ito. Hindi masyadong marami ang dumadayo sa canteen ng Journalism kaya safe ang binata roon.

Well, malas na lang sila at siya lang ang nakakatagal na nakakasama nito kahit hindi sila masyadong naguusap.

And if ever magusap sila, it's always when she ends up doing something stupid without meaning to.

Katulad na lang ngayon, nang nag-alok siyang kunin ang drinks ng magkambal, aksidente siyang natisod. Mabuti na lang at agad niyang nabalanse ang sarili bago pa mas madaming audience ang makakita. Ang kaso nakita na siya ng magkambal at pinipigilan naman ni Greta na pagtawanan siya kahit halata sa mukha nitong gusto na nitong humagalpak sa tawa.

"How is that even possible?" Tanong naman ni Ansel, nakatingin ito sa kanya at syempre, agad na bumilis ang tibok ng puso niya kahit na ang tingin na binibigay nito ay mapanghusga. "Ang flat ng sahig... may talent ka lang ba talaga sa pagdudulas?"

"Pwede na rin," masayang sabi niya at inayos ang tayo. That's more than five words in a day. Okay na para sa kanya iyon dahil lagi itong one word reply sa kanya at minsan binabati lang siya nito.

Naupo na siya at ipinasa ang mga inumin sa magkambal. Napailing lang ang kanyang iniirog at hindi na nagsalita pa. Habang siya ay pilit na itinatago ang pasimpleng pagngiti niya. Hindi yun ang pinakamagandang paraan para magpapansin pero iyon lang ang nagawa niya ngayon kaya syempre take advantage na siya.

"Ah, nakalimutan ko pa pala yung complementary na meryenda. Kunin ko--"

"Ako na," pagpriprisinta ni Ansel, inunahan pa siya nitong tumayo. "Mahirap na baka sa susunod tumilapon, sayang naman."

Napatango na lang siya at mas lalong dumagdag ang pogi points nito dahil worried ito sa well-being niya. Kahit na syempre di naman talaga iyon ang ibig sabihin ng binata.

Pasimpleng siniko naman siya ni Greta. Nakangisi na ang kanyang kaibigan. "Ikaw ah, ngayon lang 'yon nag-effort, ayieee."

"May pag-asa na ba, bes?" Natutuwang tanong niya. Mga ilang beses niya na rin natanong iyon kay Greta at kahit ilang beses siyang ina-assure nito, never naman siyang gumawa ng first move para iconfirm.

"Syempre naman," sabi nito. "Gusto mo subukan na natin? Asa akin pa rin yung love letter na sinulat mo kahapon para sa Valentines gift mo sana."

Agad siyang umiling nang paulit-ulit at inatake ng kaba. Never pa siyang direktang nag-confess sa mga crush niya. Para sa kanya, okay na yung lagi niya lang nakakasama o nakikita ang crush niya. Secret admirer ang peg kumbaga.

Hindi siya katulad ni Greta na simula first year pa lang ay may boyfriend na ito. Agad nag-confess ang kaibigan sa crush nito, pinalad naman ito at tinanggap iyon ng iniirog nito.

Kung tutuusin malayo rin naman ang agwat nila ng kaibigan niya. Natural na maganda si Greta at matalino rin katulad ng kakambal. Ang pinagkaiba lang nito sa kakambal ay hamak na mas friendly at sociable ang dalaga.

Samatalang si Cass, eto normal lang. Boring manamit, hindi naniniwala sa makeup, hindi sociable, at no boyfriend since birth. Baka nga wala siyang pag-asang magka-boyfriend until grumaduate siya ng College.

"Bakit ayaw mo?" Tanong ni Greta, nakataas ang isang kilay nito. "I think he might like you, hindi pa naman siya nagsasabing ayaw ka niyang makita. You've been crushing on him for two years now, Cassie. Na-amaze pa rin ako sa tatag mong iyan kahit hindi naman si Ansel ang poster child ng boy next door, handsome lang ang mayroon siya. But I like you for my brother."

Napailing lang siya ulit. "Sa susunod na lang... ta-timing ako." Kung kelan ako tutubuan ng lakas ng loob.

"Promise?"

"Sure."

Nang nakabalik na si Ansel, iniba agad ni Greta ang usapan. Alam lang nilang pareho na kahit nag-promise siya, hinding hindi niya pa rin sasabihin kay Ansel ang nararamdaman. Kahit pa siguro life-and-death situation pa 'yan.


PAKIRAMDAM NI CASS parang aatakihin na ata siya sa puso sa biglang paninikip niyon nang makita niya si Ansel. Bigla kasi itong sumulpot sa canteen ng Journalism Building at mukhang papunta sa direksyon niya.

And that is strange.

Unang una, hindi niya kasama si Greta. May sakit kasi ang kanyang kaibigan kaya pinauwi ito nang maaga matapos nitong bumisita sa clinic. Wala namang ibang kasama si Cass na pwedeng sadyain ni Ansel. Kalma lang, girl. Baka gusto niyang tanungin kung asaan ang kambal niya, sita niya sa sarili bago pa niya mas i-assume na siya nga ang ipinunta ng binata roon.

Habang papalapit nang papalapit ito, nagpasalamat na naman siya sa Diyos at gaganda ang araw niya dahil nakita niya ito. Kahit pa hindi naman maganda ang timpla ng mukha nito. Sa mga ibang nakakita, mukhang may gusto itong kagatin, pero sa kanya para lang itong Greek God na kukunin na siya mula sa lupa para dalhin sa magiging kastilyo nila sa langit.

Ngunit kung gaano siya ka-excited na makita ito, mabilis ding nagbago ang ekspresyon niya nang umupo ito at itinaas ang bagay na ni minsan ay 'di niya pinangarap na makita nito.

"Caz," panimula nito.

"Saan mo nakuha iyan?" Ayaw niyang pagduduhan si Greta pero eto lang ang one-and-only suspect niya. Sa kanya lang niya ibinigay ang love letter na iyon, scratch that, kinuha iyon ni Greta sa kanya. Nagustuhan ng kaibigan niya ang sulat, kaya nagprisinta itong itago iyon. She even offered to give it to Ansel once Cass is ready.

Cass is definitely not ready right now. Nagsimula na siyang pagpawisan kahit na malamig naman sa canteen. Malakas na rin ang kabog ng kanyang puso at hindi dahil nasa harap niya ang kanyang iniirog kundi dahil sa nerbyos. Gusto na niyang kainin siya ng lupa ngayon din.

"Caz," sabi ulit ng binata.

"Y-Yes?" Ano ba, paulit ulit?

"Did you write this letter?"

Pwede niya bang i-deny? Sinignan niya ang letter na iyon. Ginandahan niya pa nga ang signature niya. May puso pa sa 'i' ng pangalan niya. Ang baduy, ang corny. Ngunit naroroon ang lahat ng pinangalagaan niyang damdamin para rito. All the things she would never dream of telling this guy. Kaya kahit ayaw niya, tumango na lang siya. Asa hot seat na siya, ano pa bang magagawa niya?

Tinignan niya na lang ang magiging ekspresyon nito. Katulad ng nakasanayan niya, naka-poker face pa rin ito. Minsan niya lang itong nakitang tumawa nang nag-joke ang kakambal nito ng joke na di nakuha ni Cass. Minsan lang din ito magmukhang amused at interested na nakita lang ni Cass nang nag-usap ang magkambal tungkol sa isang librong malalim ang tema.

Slowly... ngumiti si Ansel at hindi niya alam kung magdidiwang ba siya o tatakbo bago pa magsalita ito. And without warning, bigla nitong pinunit ang love letter niya. Napabuka ang kanyang bibig sa gulat pero ni isang salita'y walang lumabas sa kanya.

"Oh, sorry, alam kong gwapo ako, Caz. But I don't need you to be another fan, I liked you when you were just my sister's best friend so please stay that way," walang emosyong sabi nito sabay tayo. "And don't blame Greta, it's a chanced discovery, alam mo naman siguro kung gaano siya kaburara."

"A-Ansel," nagawa niyang masabi at 'di pa rin siya makapaniwala sa ginawa nito. Hurt flashed across her face. Gusto niya itong murahin, sampalin, at ipahiya... pero ni isa roon wala siyang ginawa. Nakatingin lang siya rito na para bang nanaginip lang siya. Kurutin niya kaya ang sarili?

Napabuga lang ng hangin si Ansel at dala dala ang love letter niya, basta nitong itinapon sa basurahan at walang lingon-likod na umalis. Doon na siya napahikbi ng hindi sinasadya.

Pakiramdam niya hindi naman imposibleng ganoon nga ang magiging reaksyon nito. She knew that this is going to happen somehow. Na-witness niya nang ilang beses ang pag-rereject nito sa mga babaeng nag-coconfess dito. Isa nga iyon sa mga rason kung bakit ayaw niya ring malaman nito.

Disappointed and hurt, tumayo siya mula sa kinauupuan at hindi na lang pinansin ang mga tingin na ipinukol sa kanya ng mga taong naroroon. Dumiretso siya sa basurahan at kinuha niya ang napunit na love letter mula roon at nagsimulang mas punitin pa iyon.

"Ewan ka naman, magpupunit ka na nga lang, dalawang piraso pa," reklamo niya sa basurahan. "Pag mangbabasted ka na lang din, punitin mo nang buong buo, 'wag ka namang mang-iwan nang ganyan ganyan lang..."

Napahikbi ulit siya at naiinis na itinapon ang huling piraso ng papel, bago patakbong umalis ng canteen. Ansel was never great in the first place, she knew that. In fact... he is horrible: that was the truth.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

two | Bakasyon

Present

GUSTO NI CASS na batukan si Greta kung hindi lang ito nasa kabilang linya. Tinawagan niya ito para sana i-double check ang status nito sa pag-iimpake. May plano pa nga siyang bisitahin ito sa bahay. Matalino man ang kaibigan niya ay messy naman ito sa gamit.

Mahirap na kung pupunta sila sa tatlong linggong bakasyon nila sa Villa Montenuma at biglang malaman niya na nag-underpack na naman ang kaibigan. Last time na nag-underpack ito sa bakasyon nila, kinailangan ni Cass na pahiraman ito ng underwear dahil wala silang malapit na pwedeng pagbilhan.

"So, bakit hindi ka pa tapos magempake?" Tanong niya rito.

"Cassie, besh. Di na ako makakasama."

"What do you mean hindi ka na sasama? Hindi ba ikaw ang pinaka-excited sa ating pumunta?"

Mga dalawang linggo na silang nag-prepare para sa magiging bakasyon nilang iyon. They had been dreaming to win the tickets to a free vacation for the famous Villa. At ngayong nanalo na sila at bukas na sila pupunta, biglang nag-ba-back out ang magaling niyang kaibigan.

At least, Greta does sound apologetic.

"I'm really sorry, Cassie. Syempre excited din ako... pero alam mo na si Gabe..."

Ang tinutukoy nito ay ang boyfriend nitong si Gabe na kaka-graduate lang sa PMA. Ngayon lang kasi nagkita muli ang dalawa kaya mas gustong ikansela ng kaibigan niya ang bakasyon nila para ang boyfriend nito ang makasama.

Hindi naman nila maisasama ang boyfriend nito dahil pang dalawa lang ang reservation nila. Hindi naman niya maibibigay lang sa kaibigan ang sariling reservation. Nag-take na siya ng leave sa trabaho and she's looking forward to this as much as Greta does.

"I get it... ikaw naman," pag-aalo niya. She had to be understanding. Kung siya naman siguro ang nasa lugar ng kaibigan ay baka indyanin niya rin ito. "Ako na lang ang pupuntang mag-isa. Sayang ang reservation mo though."

"Gaga, syempre di kita hahayaang pumuntang mag-isa. Kakasuhol ko pa lang nga nang makakasama mo. Have faith in me, Cassie."

Pinaningkitan niya ng mata ang bagahe niya at naupo na lang sa kama. "Sino naman 'yan? Kilala ko ba?"

Natawa lang si Greta mula sa kabilang linya. "Yes, kilala mo siya. Hindi lang kayo close."

"Sino naman?" Curious na tanong niya. Inisip niya ang lahat ng pwedeng i-suggest ng kaibigan. Hindi niya naman ka-close ang mga kaibigan nito. Kahit na lagi siyang pinapakilala ni Greta sa mga iyon ay hindi niya pa nakakausap ang kahit isa sa mga kaibigan nito nang masinsinan. Kaya hindi niya maisip kung sino man ang tinutukoy nito.

"Surprise na lang, makikita mo rin siya mamaya. Nag-eempake na nga siya ngayon," natutuwa pa ring sinabi ni Greta. Pakiramdam niya tuloy ay may plinaplano itong masama.

"Serial killer ba at ayaw mong ipakilala sa akin?" Sarkastikong tanong niya.

Mas lalong humagalpak ng tawa si Greta na akala mo naman nag-joke siya. Ang babaw talaga ng kaligayahan ng kaibigan niya minsan.

"Pwede rin. Anyways, hang up na ako ah? You need your beauty sleep at one o'clock pa kayo aalis. Bye, Cassie. Take care."

"Bye, Greta."

Nauna nang pinatay ng kaibigan ang cellphone nito kaya nagbalik na lang siya sa pag-checheck ng bagahe. Mahirap na at baka may makalimutan siya. Tinitigan niya ang laptop at ang magkapatong-patong na journal niya sa lamesa. Inabot niya ang journal para gamitin sa pag-rerecord ng kung ano mang magaganap sa bakasyon niyang iyon. Ngunit sa bilis nang pagkuha niya ng journal, nahulog ang isang litrato mula roon.

Pinulot niya iyon at walang emosyong inilapag niya lang sa lamesa. It was a picture of her and the twins. Kinuha iyon ni Greta ng second year sila at kung kailan nagsimula siyang magka-crush kay Ansel Dela Cruz.

Matapos nang naganap sa canteen ng Journalism Building four years ago, hindi na nagpakita sa kanya si Ansel. Ni anino nito ay hindi niya nahagilap. Nakakasagap lang siya ng kaunting balita pero iyon na 'yon. He completely cut her off from his life and it hurt.

Nahirapan siyang mag-move on dahil ito lang ang naging crush niya. Kahit sinong makita niya ay hindi umaabot sa lebel ng isang Ansel Dela Cruz, ganoon siya kabaliw dito. Ngunit sa tagal na hindi niya na ito nakikita o naririnig, nakalagpas rin siya. Best friend niya pa rin si Greta at hindi iyon nakaapekto sa relasyon nila. Si Greta pa nga ang tumulong sa kanyang maka-move on.

That's why now, she can look at that picture and feel nothing. Baka nga kapag nakita niya ulit ang Ansel na iyon ay tawanan niya lang at kwestiyunin ang sarili kung bakit niya nga ba nagustuhan ang magaling na mokong na iyon.

Napailing na lang siya at tinapos ang ginagawa bago nagdesisyong matulog.

SAKTONG ALA-UNA dumating ang makakasama ni Cass sa bakasyon niyang iyon. Tinted ang bintana ng sasakyan ng kasama niya. Medyo madilim pa at naka-cap ito kaya hindi niya mamukhaan. Ang alam niya lang ay lalaki ito base sa bulto ng katawan. He has wide shoulders and what seemed to be a body used to being in a gym everyday.

Sinabi dapat ni Greta sa kanya na pogi para mas nag-effort pa siya ng konti. Ang simple lang kasi ng getup niya, denim skirt, puting shirt, rubber shoes, at light makeup lang.

Bumaba na ang lalaki at dumiretso sa kanya. Matangkad at mukhang maputi ito. His cap tamed what seemed to be curls of hair. Naka-flannel jacket at black shirt ito with matching plain jeans and rubber shoes na mukhang pamilyar sa kanya. In fact, he seemed to look familiar overall.

"Hello, I'm Cassidy, you can call me Cass," inilahad niya ang kamay sa magiging kasama niya. Importante ang first impression para kay Cass at kung pogi pa si Kuya kaysa sa in-e-expect niya ay syempre, first impressions become importanter.

"Caz," sabi nito na ikinatigas niya sa tinatayuan. Tinanggal nito ang suot na cap, revealing a guy she didn't even imagine that she'd see ever again. Isang tao lang ang tatawag sa kanya ng nickname na iyon.

And that's no other than Ansel Dela Cruz. "Happy to see me?" Ngumiti pa ang mokong.

Ngumiti rin siya at sh-in-ake ang sariling kamay. "It's Cassidy for you, Ansel," matamis niyang sambit rito at walang paumanhing itinulak niya ang bagahe rito. "Take care sa bagahe ko ah, maraming mamahalin sa loob niyan."

"Nice to see you too," nawala ang ngito nito ngunit tumalima pa rin ito sa utos niya. Kinuha nito ang kanyang bagahe at siya naman ay naupo na lang sa passenger seat. Gusto niyang sipain ang sarili. Dapat pala mas pinilit niya ang magaling niyang kaibigan na sabihin kung sino man ang makakasama niya. In fairness din naman kay Ansel, nagawa pa nitong magpakita sa kanya matapos nitong bastedin siya at mawala na parang bula.

In fairness, mas pumogi siya, sabi ng isang bahagi ng utak niya.

Che! saway niya sa sarili.

Aanhin niya ang pogi kung kay Ansel naman manggaling iyon. Besides, she was no longer the naive girl who crushed hard on him before.

Technically, single pa rin siya, ngunit alam niyang kumilatis ng tao and she will never make the same mistake as falling for him again. Sure, gwapo ito but his personality is ugly. Ngunit, dahil tatlong linggo niya rin itong makakasama, mabuti rin sigurong mag-effort siyang kaibiganin ito para naman hindi masira ang bakasyon niya.

Kaya nang makabalik sa upuan si Ansel, nagsalita agad siya.

"Sorry kanina, nabigla lang ako," paghinging paumanhin niya. "After all, ilang taon na ba tayong di nagkita? And about dun sa nangyari last time kalimutan mo na 'yon, past is past."

Tinignan siya nito at napalunok siya. Hindi kasi niya napansin kanina but boy, does he smell good. Hindi ito naglunod sa pabango katulad ng mga asa Axe commercial. She can tell that he only applied whatever he applied lightly, but it still smells good.

Batukan na kaya niya ang sarili?

"Ah, that," he said flatly. "Yeah, forget that."

Binuhay na nito ang makina. Hanggang ngayon pala'y unsociable pa rin ito. Pero ayos lang sa kanya iyon, marami na siyang nakilalang tao dahil sa line of work niya bilang journalist. Hindi na bago sa kanya ang mga katulad ni Ansel. She'd be able to be friends with him in no time!

"So, tell me, how have you been?" Tanong niya with full-on charming smile.

Ngumiti rin naman ito kahit tipid lang. "You tell me first, Caz. Baka ma-bore ka lang kung ako ang nagkwento."

"Cassidy, please."

Marahang natawa ito at in-e-expect siguro nito na tumawa rin siya. Ngunit nang hindi siya umimik, tinignan siya nito at pasimpleng umubo. "Alright, Cassidy it is."

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

three | McDo Woes

NAALIMPUNGATAN SI CASS nang tumigil ang sasakyan sa tapat ng isang McDo establishment. Half-asleep na lumingon siya sa kanyang kasama na akma sigurong gigisingin siya dahil nakataas na ang kamay nito. Agad naman nitong binawi iyon.

"Last stopover na natin, mag-CR muna tayo kung na-CCR ka at kain tayo sa McDo," anito. "Hindi ka kasi nagising nung ginigising kita sa ibang stopover."

Pinaningkitan niya ito ng mata. Sino pa ba ang rason kung bakit nagdesisyon siyang matulog na lang? Akala niya kasi magiging maganda ang usapan nila at magiging kaibigan niya agad ito pero uncooperative ang binata. Sa simula lang ito nakiki-participate kaya kahit papaano ay nalaman niya ang mga basic na bagay tungkol dito, tulad ng isa itong Programmer sa isang malaking IT company sa Manila.

Ngunit, hindi rin nagtagal bago naging isang salita na lang ang mga sagot nito. Ewan niya kung matutuwa ba siya rito dahil ng tinanong niya ito kung ano ang paborito nitong kanta ang sinagot nito ay "Oo". Nung sinubukan niyang tanungin kung seryoso ba ito ay "Oo" na naman ang sagot nito. Na-awkward-an tuloy siya kaya nagdesisyon na lang siyang matulog na lang kaysa pilitin itong magsalita.

"Why are you staring at me like that?" tanong nito, bahagyang nakataas ang isang kilay nito.

"Nothing. Tara?" sabi niya bago pa kung ano ang iassume nito. Nauna pa siyang lumabas at sumunod naman ito. Without inviting her, nauna na itong naglakad at sumunod na lang siya. Wala silang imikang dalawa at wala siya sa mood na magsalita kaya tinignan niya na lang ang likod nito.

UNDER CONSTRUCTION ang CR at hindi lang si Cass ang nadismaya sa nakita. Nadismaya pati ang biglang sulputang mga estyudante na gusto ring mag-CR. Base sa mga unipormeng suot ng mga ito, mga Senior High students ang mga ito na nasa gitna ng isang field trip.

Sa mga estyudante napako ang kanyang tingin dahil naalala niya rin ang araw na nag-field trip siya noon. Naalala niya kung gaano nagpasalamat siyang hindi nila kasabay doon ang mga IT dahil baka makita siya ni Ansel na bagong gising.

Ngayon, wala na sa kanya iyon. Nakita na nga siya ng lalaking bagong gising at wala namang komento ito. Ibinalik niya ulit ang tingin sa direksiyong pinuntahan ni Ansel. Ngunit wala na ang lalaki at napakibit-balikat na lang siya.

Ang galing, ni hindi man lang nag-check kung sumusunod ako. Hay naku...

Minabuti niyang dumiretso na lang sa McDo at nang maka-order na siya ng pagkain. Hahayaan na niya ang mokong na iyon na sumunod. Ilang araw pa Cass... huwag papadala sa inis, pag-aalo niya sa sarili habang papalakad na sa McDo.

Himala namang naroroon na ang lalaki at hinihintay siya sa entrance, nakahalukipkip ito at mukhang bored na bored. Nang makita siya nito, saglit itong ngumiti at pinagbuksan siya ng pinto. Huwaw. Biglang naging gentleman.

Hindi na siya nagreklamo. Sa halip, pumasok na lang siya at sumunod naman agad ito. "Nakapag-CR ka ba? Hindi kita nakitang sumusunod."

"Hindi, na-amuse ako sa mga estyudante," sarkastikong sagot niya. "Naghanap ka ba?"

"Ang liit mo kasi 'di tuloy kita nakita."

Pinandilatan niya ito and the damn guy was smiling. Smiling? Nanaginip pa ata siya. "Well, excuse me."

Binilasan niya na lang ang pagtungo sa cashier ng McDo. Ngunit nang tinanong na siya kung anong gusto niyang order-in, wala siyang masabi. Hindi niya kasi makita nang malinaw ang menu at wala pa ata siya sa tamang huswisyo.

"Cassidy, as much as I'd like you to stare at the menu all day, humahaba na ang pila sa likod mo," bulong ni Ansel na ikinataas ng lahat ng balahibo niya. Randam niya ang mainit na hininga nito sa kanyang leeg at para siyang biglang binuhusan ng tubig dahil nabuhay agad ang sistema niya.

"Ah," binasa niya agad ang medyo nakita niyang item na asa pinakamalaking display. "Dalawang cheesy eggdesal at premium roast coffee, please. Dine in."

Binayaran niya rin agad ang cashier at lumipat ng pwesto nang sabihin nito. Hindi niya pinansin si Ansel kahit alam niyang nakasunod lang ito. Masyado siyang aware rito kaya gusto na niyang sabunutan ang sarili. Bakit ba na-attract na naman siya sa mokong na ito?

Pagdating ng order nila ay mabilis na kinuha niya iyon. Siya na rin mismo ang nagdala niyon sa isang table. Umupo ang binata sa harap niya at nagsimulang itimpla ang kape nito habang siya nama'y nilantakan ang cheesy eggdesal. Hindi pa siya nakakatikim niyon at surprisingly, masarap kahit medyo dull. Kailangan niya lang ng asukal kaya tinimpla niya na rin ang kape niya. Ngunit isang tikim niya pa lang ay ibinababa na niya ang kape at gusto niyang maglaklak ng isang pakete ng asukal.

"What's wrong?"

Tinignan niya si Ansel na poker face na naman ang ekspresyon habang umiinom ng kape. His eyes express interest in her sudden display though.

"Mapait," sagot niya. "Akala ko kasya na ang isang creamer at asukal. Balik lang ako sa counter at manghihingi ako ng dagdag."

Tumayo na siya at akmang aalis ngunit naramdaman niya ang kamay nito sa pulsupulsuan niya. Nagsitaasan na naman ang mga balahibo niya sa katawan. "Y-yes?" Hindi sinasadyang pumiyok siya.

"Wag na, don't desecrate the coffee with too much sugar," komento nito. "Sayang ang pagka-premium niyan, akin na lang."

Naupo na siya. Baka ako ang nagbayad, Kuya? Napailing na lang siya kaysa sa mag-side comment pa. "Sure. Iinom na lang ako ng tubig mamaya."

"You don't like bitter things?"

"Obvious ba?"

Gusto niyang sampalin ang sarili. Akala ko ba friendship? Bakit ang sarcastic mo, Ate? tanong ng isang panig ng utak niya. It didn't look like it affects him though.

In fact, ginawaran lang siya nito ng tipid na ngiti. Pa-smile smile ka na ngayon, ha?

"Sige na. Tapusin mo na 'yang pagkain para maka-CR ka na."

Napaismid siya sa sinabi nito. "Hindi ka rin nahihiyang magsabi ng ganyan sa public, ano?"

"Bakit, anong masama sa pag-CCR? Lahat naman tayo nag-CCR."

Inirapan niya ito at ibinalik na lang ang atensyon sa pagkain.


PAGKABALIK NI CASS sa sasakyan, may inaabot si Ansel bottled Vanilla Frappuccino ng Starbucks sa kanya. "Ano 'yan?" Tanong niya kahit halata naman ang gusto nitong ipahiwatig.

Gusto niya lang talagang marinig dahil ngayon niya lang naranasan iyon. Sa tanang buhay niyang nakilala si Ansel, he never offered her anything besides pity, siguro.

"Just take it, woman," walang emosyong sabi nito.

Napasimangot na lang siya pero kinuha pa rin ang binigay nito. Hindi siya bumibili ng Starbucks drinks. Mahal kasi sa Starbucks at kahit alam niya na gawa naman ang produkto nila sa natural na coffee beans, hindi pa rin siya bibili. Ni hindi pa nga siya nakatapak sa kahit saang establishimyento ng Starbucks.

Curious na binuksan niya ang bote at tinikman ang laman niyon. "Hmm..." hindi napigilang nausal niya. It tasted nice.

"May bayad 'yan," biglang komento ng binata at muntik na siyang nasamid sa narinig. Buti na lang at naagapan niya.

Lumunok muna siya bago hinarap ito at sinimangutan. "Ang sama mo. Kaya ba Starbucks ang binili mo?" Tanong niya rito. "Ikaw ah, mas mahal pa ito sa kinain natin sa McDo."

Akmang bubuksan ang wallet ngunit nagsalita ulit ito bago pa siya makapaglabas ng pera.

"Hey now, I'm just kidding," wika nito. "Why are you taking me seriously?"

Tinapunan niya ito ng masamang tingin at ngiting ngiti lang ang mokong. Aba, aba. Naiinis na pinalo niya ito at natawa lang naman ang lalaki.

"Come on, I never pegged you for not having some sense of humor, Cassidy."

"Wow, ako raw ang walang sense of humor."

Buhay na buhay na tumawa ulit ito. Nakakabigla pa rin na naririnig itong tumatawa sa joke na hindi naman nakakatawa. Ano bang nangyari rito ng ilang taong hindi sila nagkita? Nagkaroon ba ito nang saltik sa utak? Still, if he can fool around with her like that, then hindi siya mahihirapang makasundo ito. Kaya napangiti na rin siya.

SAKA LANG NAG-SINK in kay Cass ang sitwasyon nang makita niya ang cabin nila. Isa lang iyon. Okay lang sa kanya iyon kung ang kasama niya sana ay si Greta kaso... Kinakabahang napalingon siya sa kasama niya na mukhang ready nang matulog. Hindi kasi siya marunong magmaneho kaya hindi niya nagawang makipagpalitan rito.

To confirm her fears, binuksan niya ang cabin at nakita ang dalawang kama na kaunti lang ang distansya sa isa't isa. May isang mini kitchen, mini fridge, at CR. Bukod doon may isang lamesa kung saan sila pwedeng kumain at isang closet.

Agad siyang lumingon rito ngunit dahil nakasunod lang sa kanya ang lalaki ay muntik na siyang tumama sa bulto nito. Buti na lang at hindi ito ganoon kalapit. She caught a whiff of his smell again and she looks up. Damn you for being tall and... growing up to be more handsome than last time. Ewan niya kung parusa ba o biyaya ang sitwasyon nilang iyon.

"Yes?" Tanong nito at doon lang siya naalimpungatan. Kanina niya pa pala ito tinititigan.

"Uh, magpahinga ka muna diyan, kakausapin ko na lang yung manager kung pwedeng kumuha pa tayo ng isang cabin," wika niya at agad pang humakbang siya ng konti palayo rito. Naapektuhan na naman siya ng karisma nito.

Bakit kasi niya tinaggihan ang mga attempts ni Greta na ireto siya? Nagpakasubsob lang kasi siya sa trabaho simula nang mahire siya. Sumasama naman siya sa mga office parties, pero ni minsan wala pang kumukuha ng atensyon niya. Wala tuloy siyang ammunition pagdating sa lalaking ito. And why is she reacting so physically to him either way?

Napabuga na lang siya ng hangin at plano na sanang lumabas nang nagsalita naman ang binata.

"Huwag na. Mahal ang cabin. Ito lang ang libre."

"Pero--"

"Oh, don't be scared of me." Pinasadahan siya nito ng tingin at bigla siyang naconscious sa sarili. "You're wearing a skirt..." komento nito. "At marunong ka na palang mag-makeup. Good." Napakunot noo siya rito. Nakatulog na ba itong nakatayo? Kung anu-ano na kasi ang lumalabas sa bibig nito.

"That means I won't touch you," pagdugtong nito dahil sa kawalan niya ng reaksyon. "Kahit pa siguro maging model ka ng isang fashion magazine, I still won't touch you." Huwaw lang, huh.

"Well, excuse me." Tinalikuran na lang siya nito at nagcollapse ito sa isa sa mga kama. Sinundan niya ito para icheck kung gising pa ba ito. Aba, ambilis makatulog. She studied him and it took her all the willpower not to touch his beautifully handsome fez. Akala mo ikaw lang ah. Pwes, manigas ka.

Tinalikuran niya rin ito at dala dala ang guidebook, lumabas na siya ng cabin. Mabuti nang makaikot na siya at makaplano kung paano niya susulitin ang tatlong linggo niya roon. 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like pinutbutterjelli's other books...