Heart's Desire

 

Tablo reader up chevron

Heart's Desire

Verdana: Ako si Verdana. Isa sa mga kerubin ni Mister Kupido. Medyo matanda na si Mister Kupido kaya hindi na niya kaya na pumunta sa lupa at gumawa ng kaniyang misyon na pa-ibigin ang dalawang tao, kaya naman ay kaming mga kerubin ang pinapagawa niya ng kaniyang mga misyon. Kami ang pumupunta sa lupa at pumapana sa dalawang tao na nakatakda para sa isa’t-isa. Madali lang gawin iyon. Marami kami at bawat isa sa amin ay ginagawa ng mabuti ang kaniya-kaniyang misyon. Sa totoo lang ay gusto ko ang ginagawa ko, kasi nakakatuwang tingnan ang dalawang taong wagas na nagmamahalan. Kaya lang, minsan ay nadidismaya sa akin si Mister Kupido. Alam ninyo kung bakit? Kasi, parati akong pumapalpak sa mga misyon ko. Nakakahiya mang aminin ay iyon ang totoo. Ganito kasi iyon, kaya ako pumapalpak dahil gusto kong madali na natatapos ang mga misyon ko upang makapaglaro naman ako sa mga kasama ko na mga kerubin. Mahilig kasi akong maglaro, e. Ayan tuloy, sa ka mamadali ko ay nagkakamali-mali tuloy ako. Minsan…ay hindi pala minsan, kung hindi sa maraming pagkakataon ay parating may mga imposibleng nangyayari sa misyon ko. Nakakainis nga, e. Pero sa huli ay nalulusutan ko naman…alam ninyo kung bakit? Kasi, sa kahit anong pagsubok at mga imposibleng bagay ay nalalampasan iyon ng kahit na sino dahil sa True Love at kaunting Magic.

Narito ang unang kwento ko tungkol sa isa sa mga misyon ko. Pumalpak talaga ako dito ng bonggang-bongga. Pero, naremedyuhan ko naman sa huli. Totoong wala talagang makakapigil sa Magic ng True Love.

Epilogue

Nakangiti na pinapanood ng mahal na Kupido at ni Verdana sa isang malaking ulap sina Jack at Emmanuel o Sandra na isang ganap ng tao, na ikinakasal. Bakas sa bawat ngiti ng mga ito ang walang katapusan na kaligayahan, nababakas rin sa mga mata ng mga ito ang walang humpay na pag ibig sa bawat isa.

“Natutuwa ako na masaya sina Jack at Sandra sa piling ng bawat isa. Talagang nakikita ko na nagmamahalan naman sila.” Masayang sabi ng mahal na kupido.

Nakangiti namang tumango si Verdana. “Opo mahal na kupido. Maswerte sila sa isa’t isa.

Humarap ang mahal na Kupido kay Verdana. “Dahil nagtagumpay ka sa misyon mo kay Jack ay marapat na siguro na bigyan na kita ng panibagong kapangyarihan.” Seryoso niyang sabi kay Verdana.

Nagulat naman si Verdana sa sinabi ng mahal na Kupido. “Bagong kapangyarihan?”

“Oo. Kapag nakatapos ang isang kerubin ng misyon ay may ibinibigay akong kadagdagang kapangyarihan sa mga ito.”

Nalito naman si Verdana at isinatinig ang kaniyang reklamo. “Pero pang lima ko pong misyon si Jack, bakit ngayon ninyo pa lang po ibinibigay?”

“Dahil maraming beses ka na kasing pumalpak sa mga misyon mo. Minsan nga ay nakikita ko na tinutulungan ka pa ng mga kasama mong kerubin. Kaya binigyan na lamang kita ng palugit. Ang iba rin ay binigyan ko na ng kapangyarihang ito noon kaya madaling natatapos ang kanilang mga misyon. Ikaw naman ngayon, sana ay gamitin mo ito sa mabuting paraan, hindi sa mga kalokohan upang mapadali ang mga misyon mo Verdana.” Mahabang paliwanag ng mahal na Kupido.

Napalunok naman si Verdana. “Opo mahal na Kupido, pagbubutihin ko po ang mga misyon ko.”

Nagbuntonghininga naman ang mahal na Kupido. “Dapat lang talaga na gawin mo iyon.” Seyoso niyang sabi kay Verdana.

“Ano po ba ang magagawa ng kapangyarihan na iyan?”

“Marami Verdana. Pero kailangan mong mag ingat dahil kapag nagkamali ka sa pag gamit nito ay mahihirapan ka nang ibalik sa dati ang lahat.” Babala niya kay Verdana.

Titig na Titig naman si Verdana sa mahal na kupido. “Papaano po?”

Kinuha ng mahal na kupido ang isang maliit na kristal na kulay pula at ipinakita iyon kay Verdana. “Marami kang magagawa gamit ang maliit na kristal na ito. Pwede mong hindi gamitan ng pana ang bawat misyon mo kapag gamit mo ito, makikita mo rin kung ano ang ginagawa nila kaya hindi mo na sila dapat na sundan, titingin ka lamang sa Kristal na ito at malalaman mo na iyon. Pwede mo rin tulungan na lutasin ang problema ng taong magiging misyon mo, kung kinakailangan. Tandaan mo na sa bawat misyon mo ay tatlong beses mo lamang ito pwedeng gamitin.” Seryosong sabi ng mahal na Kupido.

Tumango tango naman si Verdana at matamang nakinig sa mga sinasabi ng mahal na Kupido. Sa totoo lang ay excited na siyang gamitin ang mahiwagang Kristal na iyon. “Ano pa po ba ang pwedeng magawa niyan?” Interesado niyang tanong dito.

“Pwede mong ilagay ang taong magiging misyon mo sa nakaraan o sa hinaharap at pwede mo rin siyang ilagay sa ibang deminsiyon ng mundo gamit ito.” Itinaas ng mahal na Kupido ang hawak na kristal.

“Wow, ang ganda pala ng pwedeng magawa niyan.” Napapalatak niyang sabi.

“Oo, pero huwag na huwag mo iyong magawa gawa sa mga magiging misyon mo Verdana.”

“Bakit po?” Kunot noo niyang tanong dito.

“Dahil kapag ginawa mo iyon ay mahihirapan ka nang ibalik sa dati ang lahat o baka hindi mo na maibabalik ang lahat sa normal. Ang mga unang sinabi ko ang pwede mong gawin, pero ang mga huli kong sinabi ay hindi mo pwedeng gawin. Naiintindihan mo ba ako Verdana?”

“Opo mahal na kupido. Papaano po ba ito gamitin?”

“Ibulong mo lang sa mahiwagang kristal ang gusto mong mangyari dahil gagawin nito iyon.”

“Opo.”

Ibinigay ng mahal na kupido ang pulang Kristal kay Verdana. Tinanggap naman nito iyon ng walang pag aalinlangan.

“Sino po ba ang bagong misyon ko ngayon mahal na Kupido?” Excited niyang tanong dahil sa totoo lang ay excited narin siyang gamitin ang bagong kapangyarihan na ibibigay nito.

Tumango ang mahal na Kupido, tumingin siya sa malaking ulap. “Tingnan mo ito Verdana.”

Napatingin rin si Verdana doon at may nakita siyang babae na may dalang mga libro na sa tingin niya ay nasa isang silid na maraming aklat. “Sino po siya?”

“Ang pangalan niya ay Judima. Isa siyang mabait na nilalang. Hahanapan mo siya ng kapareha na makakasama niya habambuhay at mamahalin ng wagas.”

“Po? Bakit hindi ninyo nalang sabihin sa akin kung sino ang makakapareha niya mahal na Kupido at nang mapa ibig ko na sila sa isa’t isa gamit itong mahiwagang Kristal?” Kunot noo niyang tanong rito.

Mahigpit na umiling ang mahal na Kupido. “Iyan ang gagawin mo Verdana. Hindi mo na kakailanganin ang iyong pana upang gawin pa ang misyon na ito kaya hahanapin mo mismo ng lalakeng makakapareha ni Judima.”

Napakamot si Verdana sa kaniyang ulo at bumulong sa kaniyang sarili. “Ang hirap naman ng ipinapagawa ng mahal na Kupido.”

“May sinasabi ka ba Verdana?”

Napatingin naman si Verdana sa mahal na Kupido at pilit na ngumiti. “Wala po mahal na Kupido.”

Tumango tango naman ang mahal na Kupido. “Mabuti kung ganoon. Siya, umalis ka na at bumalik ka na sa lupa at nang masimulan mo na ang iyong misyon.” Pagtataboy niya kay Verdana.

“Opo mahal na Kupido.” Excited niyang sabi at umalis na sa harapan ng mahal na Kupido.

Naiwan naman na iiling iling ang mahal na Kupido habang sinusundan ng tingin si Verdana. Nananalangin siya na sana ay hindi na ito pumalpak pa sa misyon nitong iyon. Mabait siya at maunawain, pero kailangan niyang maging istrikto kay Verdana dahil sa lahat ng mga kerubin niya ay ito ang medyo tamad at parating nagmamadali sa mga misyon na ibinibigay niya, kaya ito pumapalpak. Palibhasa kasi ay inu una nito ang laro, lalo na kapag kasama pa nito ang ibang mga kerubin. Napabuntonghininga siya ng maalala ang ka una unahan niyang naging Kerubin noon. Isa rin itong magaling at maaasahan na Kerubin niya, pero dahil sa huling misyon nito ay bigla na lamang itong nawala at hindi na nakabalik sa kaniya. Ikinalulungkot niya ang nangyari dito. Pero ang ipinagtataka lamang niya ay kung bakit hindi mahanap iyon ng kaniyang kapangyarihan, kapag ganoon na ang nangyayari ay alam niya na nasa ibang deminsiyon ito naroroon. Hindi na kasi gumagana ang kaniyang kapangyarihan doon. Matagal na taon na rin itong nawawala. Ang ipinapanalangin niya araw araw ay sana kung saan man ito naroroon ay ligtas ito. Mayamaya ay sunod sunod naman na dumating ang tatlong mga kerubin niya. Hinarap na niya ang mga ito upang bigyan ng mga panibagong misyon.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

CHAPTER I

Nasa library ng Unibersidad si Judima ng hapon na iyon, trienta minutos pa ang hihintayin niya para sa susunod niyang klase kaya naisip niya na magtambay na muna sa library at magbasa ng komiks na dala dala niya. Isa siyang working student at mahilig siyang magbasa ng mga kung ano anong mga libro. Nagtatrabaho siya bilang isang cashier sa isang grocery store sa umaga habang nag aaral naman siya sa hapon hanggang gabi. Fourth year na siya sa kursong language and literature sa edad na dalawampu’t tatlo. Pahinto hinto kasi siya sa pag aaral dahil kinakapos sila paminsan minsan sa pera. Silang dalawa na lamang ng kaniyang lola Tasing ang magkasama dahil maagang namatay ang kaniyang mga magulang at ang maliit na sari sari store lamang ang pinagkukunan nila ng pang araw araw na gastusin.

Ang gusto niya sa buhay ay maging isang sikat na manunulat, kaya naman kahit anu anong mga babasahin ay mayroon siya, mapa tagalong o English man na mga pocketbooks o libro ay itinatabi niya upang pag aralan iyong mabuti, mayroon rin siyang mga komiks na English at tagalong, mapaluma man iyon o bago, iyon rin lamang kasi ang mga libangan niya sa tuwing may free time siya.

“Judima, nariyan ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap.”

Natigilan siya ng marinig ang boses ni Paloma. Tumigil na muna siya sa pagbabasa at hinarap ito. Ito lamang ang nag iisa niyang kaibigan sa Unibersidad na iyon dahil hindi kasi siya masyadong nakikihalubilo sa iba niyang mga kaklase, mas gusto niyang magbasa na lamang kasama ang kaniyang mga babasahin. Si Paloma ay kaklase niya ngunit galing ito sa mayamang pamilya, likas rito ang pagiging madaldal, bata lamang ito sa kaniya ng tatlong taon, may klase rin kasi ito ng pang gabi at magkaklase sila sa ng dalawang subjects niya sa gabi kaya naging close sila. Hindi naman siya likas na madaldal ngunit kapag si Paloma na ang kasama niya ay hindi niya mapigilan ang dumaldal na rin ng todo todo.

“Bakit Paloma?” Kunot noo na tanong niya rito.

Matamis naman na ngumiti si Paloma. “Gusto sana kitang ipakilala sa pinsan ko na ubod ng gwapo at yaman.”

Umiling iling naman si Judima. “Ano? Ipapakilala at pagkatapos ay irereto mo na naman sa akin? Wala akong oras diyan. Marami pa akong pangarap na gustong abutin. Wala pa iyan sa isip ko.” Simula ng makilala niya si Paloma ay wala na itong ginawa kung hindi ay ipakilala o ireto siya sa mga kakilala, kaibigan o mga pinsan nito.

“Ano ka ba, ang OA mo naman. Hindi ka naman mag a asawa kaagad, e. Kikilalanin mo lang naman.”

“Ayoko nga.” Mariin niyang tanggi.

Naitirik naman ni Paloma ang kaniyang mga mata sabay buntonghininga. “Ano ba kasi ang ideal man mo?”

Nag isip naman si Judima. Ano nga ba ang tipo niyang lalake? Hmmm.Tama. Isang prinsipe ang gusto niyang makatuluyan. Iyong mga nababasa niya sa mga libro, iyong matapang, matangkad, maaasahan at matipunong lalake. Iyong handang ialay ang kaniyang buhay sa mga nangangailangan. Iyong may palasyo at may maraming mga kabayo. Napangiti naman siya sa kaniyang naisip, imposible kasi ang kaniyang ideal man. Pero kaya nga tinawag na ideal hindi ba dahil close to perfection iyon. Pero wala namang taong perpekto kaya ibig sabihin non, hanggang pangarap lamang siya.

“Ano na Judima, nananaginip ka na naman diyan ng gising.” Untag ni Paloma.

“Well, iniisip ko lang naman ang ideal man ko e.” Nakangiti niyang sagot rito.

“May ganoon talaga? O sige, sabihin mo na ang ideal man mo.” Interesadong tanong ni Paloma.

“Huwag na dahil hindi mo rin naman siya mahahanap.” Seryoso niyang sabi.

“Really? Sige nga sabihin mo.” Hamon pa ni Paloma.

“Isa siyang Prinsipe.” Nakangiti niyang sabi.

Humagalpak naman ng tawa si Paloma sa isinagot ni Judima sabay iling. “Imposible naman iyang sinasabi mo, wala namang Prinsipe dito sa atin. Eh di ibig sabihin niyan ay kailangan mong magpayaman upang makapunta ng Europa at nang makasal sa isang Prinspe doon?”

Nagkibit balikat naman si Judima. “Sabi ko sa iyo e, huwag ka na kasi magtanong.”

“Alright fine.” Naiiling na sabi ni Paloma at nagbasa na rin ng libro.

Mayamaya ay bigla namang tumayo si Judima.

“Saan ka pupunta?” Tanong ni Paloma.

“Doon lang ako sa may likod, maghahanap ako ng mga lumang libro na bagong babasahin na mahihiram ko. Diyan ka lang dahil babalik naman ako kaagad.”

“Okay.” Kibit balikat na sagot ni Paloma at ipinagpatuloy na ang pagbabasa ng libro.

Kanina pa nakikinig si Verdana sa pag uusap nina Judima at Paloma. Bahagya siyang nalito ng marinig ang sinabi ni Judima, syempre ay gusto niyang hanapan na ito ng lalakeng mamahalin, napa-isip naman siya. Narinig niya mula mismo sa bibig nito ang tipo nitong lalake. Siguro ay hahanapin niya ang tipo nitong lalake at pa ibigin rin ito kay Judima. Gusto nito ng Prinsipe. May Prinsipe ba sa Pilipinas? Naalala niya ang mahiwagang Kristal na ibinigay sa kaniya ng Mahal na Kupido. Tama, bakit nga ba siya mahihirapan kung makikita naman niya ang kaniyang hinahanap doon? Napangiti siya. Hindi na iyon masama, kailangan niyang umalis doon upang makita niya ang kaniyang hinahanap.

Nasa pinakasulok na bahagi na si Judima ng library, pero wala pa rin siyang nahahanap na magandang libro na maaari niyang basahin. Naglakad pa siya ng kaunti at umabot na siya sa parte ng library na wala nang tao. Hindi naman siya nabahala o natakot dahil alam naman niyang matagal pa magsasara ang library. Pasipol-sipol pa siya ng may mapansin siya na parang isang maliit na pintuan sa may gilid ng dingding. May naka lagay sa pinto na: Bawal pumasok. Sa tinagal-tagal na niyang labas masok sa library na iyon ay ngayon lamang niya nakita ang pintong iyon. Kung sabagay ay ngayon lamang naman siya nakapunta sa sulok na iyon. Kahit bawal ang pumasok doon ay pumasok pa rin siya dahil mas nanaig ang pagiging kyuryoso niya. Pinihit niya ang door knob, bukas iyon. Nagpalingon lingon naman siya sa paligid upang tingnan kung may tao. Nang makasiguro na wala ay tuloyan na niyang binuksan ang pintuan at dahan dahan na pumasok doon. Nang makapasok siya sa loob ay namangha siya sa dami ng kaniyang librong nakita. Natuwa siya at naging excited. Binilisan niya ang paghakbang upang magtungo sa estante na may maraming libro. Pero bigla siyang natigilan ng may makita siyang isang liwanag na nanggagaling sa isang estante na nasa dulo, namangha man siya ay mas nanaig ang kaniyang pagiging kyuryoso ulit. Nilapitan niya iyon ng dahan dahan. Ano ang meron doon? Nang makalapit siya sa sinag ay dahan dahan namang humina ang liwanag niyon at biglang may nahulog na isang makapal na libro sa kaniyang paanan. Napatalon siya sa gulat at namamanghang tiningnan ang librong iyon.

“Ano ito? Lumiliwanag na libro?” Hindi makapaniwalang tanong niya sa kaniyang sarili. Parang may bumubolong sa kaniya na pulutin iyon. Kaya ganoon nga ang ginawa niya. Isang makapal na libro iyon na luma na yata dahil marami na kasi iyong alikabok. Biglang nawala ang liwanag niyon. Hinipan niya ang mga alikabok niyon na nasa cover ng libro upang mabasa niya ang pamagat niyon.

Ang Pagtuklas. Iyon ang pamagat ng libro. Napakunot noo siya, weird. Anong klaseng pamagat ba iyon? History book siguro iyon. Napailing siya, pero bakit naman iyon lumiliwanag kanina? Lalo siyang naging interesadong tuklasin ang kwento ng librong iyon. Siguro ay iyon na lamang ang kaniyang hihiramin. Kakaiba marahil ang librong iyon. Nagmamadali na niyang tinungo ang pintuan upang makalabas na siya doon. Nang makalabas na siya ay dahan dahan niyang isinara ang pinto. Nagpalingon-lingon ulit siya sa paligid, may narinig siyang mga yabag ng sapatos na papalapit sa kaniyang kinaroroonan. Huli na upang magtago siya. Kaya ang ginawa niya ay nagpunta siya sa isang estante na may maraming libro at kumuha ng limang libro upang itago doon ang nakuha niyang libro sa loob ng silid na iyon. Inipon niya ang anim na libro sa kaniyang mga braso at niyakap ang mga iyon.

“Ano ang ginagawa mo dito?”

Nagulat siya ng makita ang kanilang librarian, nakasuot ito ng itim na bestida na hanggang tuhod, nakapusod ang mahabang buhok at naka itim na sapatos na may takong. Sa totoo lang ay nakakatakot ang aura nito, nakasimangot kasi ito parati, may makakapal na salamin at mahilig sa kulay itim. Sa tagal na niya sa Unibersidad na iyon ay ni minsan, hindi niya nakita ang kanilang librarian na si Miss Laso na ngumiti. Kaya naman ay halos lahat ng mga estudyante doon ay natatakot dito. Ang bulong-bulongan pa nga sa kanila doon ay mangkukulam raw ito. Pero hindi siya naniniwala doon dahil wala namang proweba ang mga ito na may kinulam ang kanilang librarian. Kaya lang ay natatakot pa rin siya rito.

“Magandang hapon po sa inyo, ma’am.” Kinakabahan niyang bati.

“Sagutin mo ang tanong ko. Ano ang ginagawa mo dito?” Mariin nitong tanong na walang kangiti-ngiti.

Napalunok siya sa kaniyang sariling laway nang mapansin na tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. “Tumitingin lang ho ako ng mga libro, Miss Laso.”

Pinagmasdan siya nito ng mabuti na parang tinatantiya na nagsasabi siya ng totoo. Mayamaya ay napalingon ito sa pintuan na kaniyang nilabasan kanina.

“Sige po, aalis na ako.” Pilit ng ngiti niyang sabi.

“Sandali.” Pigil nito.

Napahinto naman siya sa akma niyang paglalakad. “Ano po iyon?” Kinakabahan niyang tanong, nananalangin siya na sana ay hindi nito inspeksyonin ang mga libro na dala dala niya, dahil kung hindi ay baka mahuli siya nito na may kinuhang libro sa loob ng ipinagbabawal na silid.

“Ayoko na uling makita ka dito sa may likurang bahagi ng aklatan. Naiintindihan mo ba ako?” Seryoso nitong sabi sa galit na tinig.

Nakahinga naman siya ng maluwag. Akala niya kasi ay nahuli na siya nito. “Opo Miss Laso.”

“Makakaalis ka na.” Pagtataboy nito.

Nagmamadali naman siyang naglakad palayo doon.

“ANO ANG NANGYAYARI sa iyo?” Nagtatakang tanong ni Paloma ng mapansin niyang humihingal na naupo si Judima sa kanilang pwesto.

“Naabutan ko si Miss Laso kanina doon.” Humihingal niyang sabi. Nararamdaman pa niya ang panginginig ng kaniyang mga tuhod.

Nanlaki naman sa gulat ang mga mata ni Paloma. “Ano? Si Miss Laso na isang mangkukulam?”

“Shhh…hinaan mo nga ang boses mo. Baka may makarinig sa iyo.” Pabulong niyang sabi. Inilapit pa niya ang mukha sa tainga ni Paloma.

“Ano ang nangyari?” Pabulong na tanong ni Paloma.

“Sinabihan lang niya ako na ayaw na niyang makita ako sa likurang bahagi ng aklatan.” Kibit balikat niyang sabi. Nakapag desisyon siya na hindi sabihin kay Paloma ang kaniyang natuklasan tungkol sa mahiwagang libro na nakita niya, mas gusto niyang sarilinin na lamang iyon.

“Ang weird talaga ni Miss Laso, ano? Kaya napagkakamalang mangkukulam. Ganoon rin ang pamangkin niyang si Charmaine, napaka introvert. Masyadong tahimik at parating nag iisa. Hindi nga mahilig sa kulay itim, pero mahilig naman sa mahahabang palda.” Naiiling na sabi ni Paloma sa mahinang tinig.

Tumango tango naman si Judima. Totoo naman kasi ang sinasabi ni Paloma. May pamangkin si Miss Laso na nag-aaral din doon na nasa first year college. Na we-werdohan man siya sa mga ito pero ni re-respeto niya ang mga ito dahil wala naman itong ginagawang masama sa kanila o sa buong Unibersidad. Minsan kasi ay nakasalubong niya si Charmaine noon, nahulog ang mga gamit niyang hawak dahil natisod siya sa ka-mamadali. Mali late na kasi siya sa unang subject niya noon. Kilala na niya si Charmaine dahil parati kasi itong pinag uusapan ng kaniyang mga kaklase dahil pamangkin ito ng kanilang weirdo na librarian. Kaya weirdo na rin ang tingin ng mga estudyante kay Charmaine.

Pinulot ni Charmaine ang mga libro niya na nahulog sa sahig. Nagulat siya dahil ang akala niya ay iisnabin siya nito.

“Salamat.” Nahihiya niyang sabi.

“Okay lang, walang anuman.” Nakangiting sabi ni Charmaine.

“Ako nga pala si Judima.” Nakangiting pagpapakilala niya sa kaniyang sarili.

“Ako naman si Charmaine. Ikinagagalak kitang makilala Judima.”

Ngumiti naman siya. Mabait naman pala si Charmaine. Ibang iba ang pag uugali mula kay Miss Laso na hindi yata marunong ngumiti simula ng ipanganak sa mundong ibabaw. Gustuhin man niyang makipag-usap kay Charmaine ay hindi na niya iyon magawa dahil may klase pa siya noon. Kaya nagmamadali na siyang nagpaalam dito.

“Ang dami mong hihiramin na libro ha…” Untag ni Paloma.

Nabalik naman sa kasalukuyan ang kaniyang isip nang marinig ang boses ni Paloma. “Hindi ko naman ito hihiramin lahat pipili lang ako ng isa.”

Tiningnan ni Paloma ang wall clock na nasa gilid. “Ang mabuti pa ay umalis na tayo Judima. Malapit nang magsimula ang klase natin.”

“Oo nga.” Sang ayon naman ni Judima.

Sabay na silang nagpunta sa counter upang ipatala ang libro na hihiramin nila. Nagpasalamat si Judima nang mapansin na wala doon si Miss Laso, isang working student lamang ang naroroon upang magtala ng mga libro. Hindi nito malalaman na sa ipinagbabawal na silid niya kinuha ang libro. Nang matapos e check ang kanilang mga bag ay nagmamadali na silang umalis ng library upang magtungo sa kanilang klase.

NANG MATAPOS na ang kanilang klase ay dumeretso na kaagad siya ng uwi. Kahit anong pilit ni Paloma na yayain siya na gumimik ay hindi niya ito pinagbigyan dahil hindi naman siya mahilig gumimik at pangalawa ay wala siyang oras para doon. Masyado siyang busy upang maglakwatsa pa siya. Kaya naman ay hindi na nagpilit pa si Paloma, hinayaan na lamang siya nito.

Nang maka-uwi siya sa bahay nila ay sinalubong kaagad siya ng kaniyang lola. Nag mano naman siya rito.

“Kumain ka na riyan Judima, naghain na ako ng hapunan diyan.” Sabi ng kaniyang lola Tasya.

“Salamat po lola, kayo po?”

“Tapos na ako. Siya, doon na muna ako sa maliit na sala natin dahil manonood ako ng paborito kong teleserye.”

“Sige po.” Binilisan naman niya ang kaniyang pagkain dahil excited na kasi siyang basahin ang librong hiniram niya sa kanilang library kanina.

Nang matapos siyang kumain ay binilisan naman niya ang pagliligpit ng kaniyang kinainan at pagkatapos ay dumeretso na siya sa kaniyang silid. Hindi man lamang niya naisip na magbihis ng damit pambahay. Basta na lamang siyang umupo ng Indian style sa kaniyang higaan at kinuha ang libro sa kaniyang bag. Masyado kasi siyang na iintriga sa librong iyon. Ano ba ang meron doon at bigla iyong lumiwanag? May sekreto kaya si Miss Laso sa silid na iyon kung kaya ayaw nitong may mga estudyante na pumupunta doon? Kung ano man iyon ay ayaw na niya iyong pag isipan pa, itutuon na lamang niya ang kaniyang pansin sa mahiwagang libro na iyon. Dahan dahan niyang binuksan ang libro. Ang Pagtuklas. Iyon ang nakasaad na title ng libro. Pagbuklat niya sa ikalawang pahina ay may nakita siyang isang larawan ng isang makisig at gwapong Prinsipe. Bigla siyang napangiti, naalala niya kasi ang pag uusap nila ni Paloma kanina tungkol sa kaniyang “ideal man”. May pangalan sa ilalim ng larawan nito, Prinsipe Virgilio. Iyon siguro ang pangalan nito. Iyon mismo ang lalakeng hinahanap niya, gwapo, makisig, mukhang mabait at matapang. Kaya lamang ay hindi naman totoong tao ang lalakeng iyon. Isang kathang isip lamang iyon ng may akda sa kwento, pero okay lang iyon dahil libre naman ang mangarap, ika nga nila. Sino kaya ang nagsulat ng librong iyon? Bigla niyang naisip dahil hindi naman nakasulat doon sa libro ang may-akda niyon. Ipinag-kibit balikat na lamang niya iyon at sinimulan na niyang binasa ang librong iyon. Hanggang sa hindi na niya namalayan ang oras at humihikab na siya, hanggang sa tuluyan na nga siyang makatulog habang yakap yakap niya ang libro.

NAPAILING NAMAN si Verdana nang makita si Judima na nakatulog habang yakap yakap ang libro na binabasa nito kanina. Ngayon ay alam na niya kung sino ang gusto ni Judima, si Prinsipe Virgilio, na isa palang karakter sa libro. Naman, paano niya mapapalapit ang dalawa? Hindi naman totoong tao ang lalakeng gusto ni Judima. Siguro ay hahanapan na lamang niya ito ng ibang lalakeng magugustuhan na hindi nga lang Prinsipe, pero hahanapan niya ito ng makisig, gwapo, mayaman at mabait na kapareha. Aha, hindi ba ay may kaibigan itong babae kanina na gusto itong ipakilala sa pinsan nitong lalake? Baka nga ay iyon na ang lalakeng hinahanap niya. Nagkaroon siya ng malaking pag asa.

PAGGISING NI JUDIMA kinabukasan ay nagulat pa siya ng makita na yakap yakap niya ang libro na binabasa niya kagabi at naka jeans pa rin siya, ang suot niya sa eskawalahan kahapon. Napailing naman siya sabay ngiti sa kaniyang sarili. Hindi na pala siya nakabihis ng pantulog kagabi. Wala sa loob na binuklat niya ulit ang libro na binabasa niya kagabi at Napangiti siya ng mabungaran ang mukha ni Prinsipe Virgilio. Bakit ang pakiramdam niya ay totoo ito at nakatingin sa kaniya? Marahan siyang napangiti sa kaniyang naiisip. Nasisiraan na yata siya ng ulo dahil kung anu-ano na kasi ang iniisip niya. Back to reality Judima. Saway niya sa kaniyang sarili sabay iling. Marahil ay na inlove nga siya sa karakter ng Prinsipe. Pero wala namang big deal doon. Lalo tuloy siyang na excite na basahin iyon, hinanap niya ang pahina kung saan siya nahinto sa pagbabasa niyon. Nasa page twenty na siya. Mabuti na lamang at Sabado nang araw na iyon kaya hindi niya kailangang magmadali na lumabas ng kaniyang silid upang maghanda sa kaniyang trabaho. Wala kasi siyang trabaho ng sabado at lingo.

“Judima….Tumayo ka na nga riyan at tulungan ako dito sa tindahan.” Tawag ng kaniyang lola.

Nagulat naman si Judima nang marinig ang boses ng kaniyang lola. Nakapasok na pala ito sa kaniyang kwarto ng hindi niya namamalayan.

“Opo lola.” Sagot niya sa kaniyang lola.

“Bilisan mo na riyan.” Dagdag nitong sabi sabay labas sa kaniyang kwarto.

Napabuntonghininga naman siya sabay tayo. Siguro ay mamaya na lamang niya iyon babasahin kapag natapos na siya sa kaniyang mga gawain.

NAPAISIP BIGLA si Verdana. Okay lang naman siguro na magkaroon ng gusto si Judima kay Prinsipe Virgilio dahil hindi naman totoo ang pinapantasya nitong lalake. Isa pa ay may pana naman siya at binigyan pa siya ng bagong kapangyarihan ng Mahal na Kupido kaya madali na para sa kaniya na pa-ibigin ito sa ibang lalake. Napangiti naman siya ng maisip iyon, sa wakas ay magiging madali na sa kaniyang matapos gawin ang bawat misyon na naka-assign sa kaniya dahil sa mahiwagang Kristal na ibinigay ng Mahal na Kupido sa kaniya. Nakangiti niyang kinuha iyon sa bulsa ng kaniyang damit. Bigla niyang naalala ang sinabi ng Mahal na Kupido.

“Verdana, ingatan mo ang kristal na ito. Kapag hawak mo ito ay hindi ito makikita ng isang tao, pero kapag nawala ito sa mga kamay mo ay maaari na itong makita ng isang nilalang at hindi iyon maganda dahil baka mag wish ang taong iyon at maaari iyong ikagulo ng buhay nito. Tandaan mo na kayong mga kerubin lamang ang maaaring humawak ng kristal na ito. Naiintindihan mo ba ako Verdana?” Seryoso nitong sabi sa kaniya.

Tumango naman siya.

Habang hawak niya ang Mahiwagang Kristal ay pinagmamasdan niya ang sinag niyon. Maganda iyon at nakakahalina ang sinag niyon kaya dapat ay hindi iyon makita ng isang tao. Hawak pa rin niya iyon ng may biglang dumating na itim na kotse sa tapat ng tindahan nina Judima. Naibaling niya ang kaniyang pansin doon. Wala sa loob na ibinalik niya ang mahiwagang Kristal sa loob ng kaniyang bulsa na hindi tumitingin doon dahil nakatingin pa rin siya sa labas upang tingnan kung sino ang dumating. Nagalak siya ng makitang lumabas ng kotse si Paloma, ang kaibigan ni Judima. Nagdesisyon siyang lumapit sa mga ito upang makinig sa pag uusap ng dalawa. Sana ay mag usap ang dalawa tungkol sa pinsan ni Paloma upang ma isagawa na kaagad niya ang kaniyang plano sa dalawa. Mabilis na siyang lumipad palabas ng silid ni Judima.

Hindi na niya napansin na hindi pala niya na ipasok ng tuluyan sa kaniyang bulsa ang Mahiwagang Kristal, nagtuloy tuloy iyong gumulong sa ilalalim ng higaan ni Judima.

Nagulat si Judima nang makitang pumarada ang itim na sasakyan ni Paloma sa tapat ng kanilang tindahan kaya naman ay hindi na siya nakatuloy sa banyo upang maligo.

“Aba’y sino kaya ang may ari ng sasakyan na iyan?” Kunot noong tanong ng kaniyang lola.

“Kay Paloma po iyan lola.” Kibit balikat naman niyang sagot.

“Ganoon ba? Noon kasing pumarito siya noong isang araw ay pulang kotse ang ginamit niya. Aba’y sobrang yaman naman iyang kaibigan mo apo.” Namamanghang sabi ng kaniyang lola.

Tumango tango naman siya.

“Hala, labasin mo at baka may kailangan siya sa iyo.”

“Opo lola.”

Lumabas naman siya upang kausapin ito. Nakita niyang bumaba ng kotse si Paloma.

“Hi, Judy. Kamusta na.” Nakangiting bati ni Paloma.

“Okay lang naman ako. Napadaan ka yata?” Tanong niya.

“May sasabihin lang ako sa iyo.” Nakangiting sabi ni Paloma.

“Ganoon ba? Halika sa loob, pasok ka muna.” Anyaya niya sa kaibigan.

“Gustuhin ko man ay hindi maaari dahil nagmamadali kasi ako, may ibibigay kasi ako sa iyo kaya ako napadaan sa bahay ninyo ngayon.”

“Ano iyon?” Kunot noo niyang tanong.

Kinuha ni Paloma ang isang paper bag sa loob ng kaniyang sasakyan at ibinigay kay Judima. “O, hayan. Sa iyo na ito. Tanggapin mo.” Excited niyang sabi.

“Ano ba ito?” Napilitan naman siyang tanggapin ang ibinigay nito.

“Damit iyan.” Nakangiting sabi ni Paloma.

“Damit? Aanhin ko ba ito?” Kunot-noo niyang tanong.

“Kasi iimbitahan kita sa party namin sa susunod na Sabado. Birthday kasi ng daddy ko at nagpahanda ang mommy ng isang malaking party. Isuot mo iyan ha, kailangan mong pumunta sa party dahil ikaw lamang ang espesyal na bisita ko. Sa susunod na Sabado iyon at susunduin kita sa bahay mo.” Mahabang paliwanag ni Paloma sa kaniya.

Nagulat naman siya sa sinabi ni Paloma, ibinalik niya ang paper bag rito. “Ayoko ano. Huwag na Paloma dahil hindi naman ako interesado sa mga party na iyan.” Mariin niyang tanggi.

“Sige na naman Judy. Masasaktan ako kapag tinanggihan mo ako. Ikaw pa naman ang itinuturing ko na matalik na kaibigan at isa pa ay parati kitang ikinukwento kay mommy at daddy. Gosh, they are excited to see you.” Excited na sabi ni Paloma.

Mariin naman siyang umiling at pilit na ibinalik ang paper bag kay Paloma. “Ayoko nga kasing pumunta dahil nakakahiya. Masyadong pa sosyalan doon.”

“Ah basta, isuot mo iyan. I’ll see you on Saturday night, seven o clock sharp, susunduin kita dito sa bahay mo. I have to go now. Bye my friend.” Nagmamadali nang pumasok si Paloma sa loob ng kaniyang sasakyan at pagkatapos ay kumaway na kay Judima.

Napapailing na lamang si Judima habang sinusundan ng tingin ang paalis na sasakyan ni Paloma. Kahit kailan ay talagang ganoon ito, kung ano man ang naisipan nitong gawin ay talagang ginagawa nito. Ano pa nga ba ang magagawa niya? Nagkibit balikat na lamang siya. Siguro ay sa lunes na niya isasa uli iyon kay Paloma, hindi talaga siya pupunta doon. Ano naman ang gagawin niya sa party na iyon na mayayaman ang halos lahat na dadalo? Hindi siya bagay sa mga ganoong pagtitipon. Hindi naman siya bitter na tao, realistic lamang talaga siya. Tumalikod na siya upang pumasok na sa loob ng kanilang bahay. Itatago na lamang niya muna ang ibinigay ni Paloma sa kaniyang silid.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

CHAPTER II

“Ano ba ang kailangan ni Paloma sa iyo?” Tanong ng kaniyang lola pagpasok niya sa loob ng kanilang bahay.

“May sinabi lang siya sa akin, la.” Kibit balikat naman niyang sagot.

“Importante ba iyon?”

“Hindi naman.” Pagsisinungaling niya. Itinago niya ang paper bag sa kaniyang likuran upang hindi iyon makita ng kaniyang lola, ayaw na niyang ikuwento rito ang pinag usapan nila ni Paloma dahil natitiyak niyang hindi nito magugustuhan ang pagtanggap niya ng damit mula sa kaniyang kaibigan at natitiyak rin niya na hindi rin nito magugustuhan ang pagdalo niya ng pagtitipon kasama ang mga mayayaman na iyon.

“Ganoon ba? Siguro ay nagmamadali iyong kaibigan mo dahil hindi na pumasok e.” Komento pa ng kaniyang lola.

“Opo lola, nagmamadali talaga siya.”

“Siya sige, dito na muna ako sa tindahan. Maligo ka na muna.”

Tumango naman siya, hinintay na muna niyang makaalis ang kaniyang lola bago siya nagmamadaling pumasok sa loob ng kaniyang kwarto.

Pagpasok niya sa kaniyang silid ay inilagay niya sa loob ng kaniyang cabinet ang paper bag. Hindi na rin niya tiningnan ang nasa loob niyon dahil hindi rin naman niya iyon gagamitin at hindi rin siya interesado doon dahil nakapagdesisyon na siya na hindi dadalo sa pagtitipon na iyon. Lalabas na sana siya matapos ilagay sa cabinet ang damit ng may mapansin siyang sinag sa ilalim ng kaniyang higaan. Napakunot noo siya. Yumuko siya upang tingnan kung saan nanggagaling ang sinag na iyon. Nang tingnan niya ang ilalim ng kaniyang kama ay may nakita siyang isang maliit na bato at nasilaw siya sa sinag niyon. Kaya naman ay tinakpan niya ng ka-unti ang kaniyang mga mata gamit ang kaniyang kaliwang kamay habang kinukuha ang bato sa ilalim ng kaniyang higaan. Nang makuha niya ang bato ay umupo siya sa kaniyang higaan upang mataman iyong tingnan. Nang mahawakan niya iyon ay biglang nawala ang sinag niyon. Kaya naman ay natitigan niya iyon ng husto. Isa iyong maliit na bato na may limang sentemetro ang laki at kulay pula iyon. Na pa isip siyang bigla, kanino kaya ang pulang bato na iyon? Galing ba iyon sa libro na hiniram niya? Sigurado kasi siya na wala siyang pag aari na ganoong klaseng bato. Ano ba’yan, dalawang beses na siyang nakakita ng ganoong uri ng liwanag? Ano ba ang meron? Siguro ay wala lamang iyon. Hindi na lamang niya iyon pinagtuonan ng pansin, itatanong na lamang niya iyon sa lola niya mamaya, baka ito ang naka iwan ng batong iyon doon. Binuksan niya ulit ang kaniyang cabinet at kinuha doon ang isang maliit na box na gawa sa kahoy, doon kasi niya inilalagay ang mga hikaw at relo niya kapag hindi niya iyon ginagamit, kaya naman ay kibit balikat niyang inilagay ang nakita niyang pulang bato sa box niyang iyon at inilagay niya ang box sa loob ng kaniyang cabinet. Pagkatapos ay kinuha na niya ang kaniyang tuwalya upang dumeretso na sa banyo.

NAGING MASAYA NAMAN si Verdana ng makita ang ginawa ni Paloma at marinig ang sinabi nito. Iyon na ang pinakahinihintay niyang mangyari, sa wakas ay ma-isa-sakatuparan na rin niya ang kaniyang plano at madali na ring matatapos ang kaniyang misyon at syempre pa dahil na rin sa tulong ng kaniyang mahiwagang Kristal. Napangiti siya ng maalala iyon. Saan na nga ba iyon? Kinapa niya ang bulsa ng kaniyang damit. Natigilan siya ng hindi maramdaman ang umbok niyon sa kaniyang bulsa. Nabahala naman siya, kaya naman ay ipinasok niya sa loob ng kaniyang bulsa ang kaniyang kaliwang kamay upang kunin iyon. Bigla siyang kinabahan ng wala siyang makapang Kristal doon.

“Nasaan na ba iyon? Bakit wala iyon dito sa aking bulsa?” Kinakabahan niyang tanong sa kaniyang sarili. Nataranta naman siya habang hinahanap iyon. Kailangan niyang mag isip kung saan niya iyon naiwala. Isip Verdana, isip. Mag isip kang mabuti.

“Naku naman, natitiyak ko na magagalit na naman sa akin ang Mahal na Kupido kapag nalaman nito na naiwala ko ang mahiwagang kristal. Ano ba naman ito? Naku po.” Sinasabi niya iyon sa kaniyang sarili habang ka kamot kamot siya sa kaniyang ulo. Malalim siyang nag isip kung saan nga ba siya huling tumambay bago siya nagpunta sa labas at makinig sa kanila nina Judima at Paloma. Biglang kumislap ang kaniyang isip ng maalala iyon. Tama, galing siya sa silid ni Judima bago siya lumabas. Naalala pa niya na kinuha pa niya iyon sa kaniyang bulsa at tinitigan bago niya iyon ipasok sa kaniyang bulsa.

Kaya naman ay nagmadali siyang lumipad patungo sa silid ni Judima dahil sigurado siya na doon niya iyon naiwan. Nang makarating siya sa loob ng silid ay hinanap niya ang mahiwagang Kristal sa ka isulok-sulukang bahagi ng silid na iyon, pero hindi niya iyon mahanap. Pero hindi siya dapat sumuko dahil kailangan niya iyong mahanap. Kaya lamang ay hindi niya talaga iyon makita doon. Nanlulumong napa upo siya sa higaan ni Judima at halos mangiyak ngiyak na siya. Wala na siyang magagawa doon, malalim siyang napabuntong hininga. Alam niyang magagalit na naman sa kaniya ang Mahal na Kupido, pero kailangan niyang sabihin dito ang totoo, hihingi siya ng tulong dito bago pa iyon matagpuan ng isang tao, kailangan niyang magmadali bago mahuli ang lahat.

GABI NA NAMAN. Natapos ang araw ni Judima na pagod na pagod siya. Nagpunta pa kasi siya sa palengke upang magtinda ng gulay at prutas. May pwesto kasi sila doon, sa lunes hanggang biyernes ay si Aling Babeng ang nag-titinda doon na kapitbahay nila pero hati ito at ang lola niya sa kikitain nito doon dahil sila kasi ang may ari ng pwesto. Sa Sabado naman at Linggo ay siya naman ang nagtitinda doon. Kaya naman ay pagod na pagod siya sa buong araw na iyon.

Matapos niyang maghapunan kasama ang kaniyang lola ay nagpahinga muna siya sandali at pakatapos ay nag half -bath at nagpalit siya ng pantulog. Handa na siyang mahiga at matulog nang maalala niya ang libro na binabasa niya kanina. Kinuha niya iyon at binuklat ang pahina kung saan naroroon ang litrato ni Prinsipe Virgilio. Pinagmasdan niya ulit ito ng mabuti. Bigla niyang naisip na kung naging totoo ang lalakeng ito sa tunay na buhay, siguro ay maraming magkakagusto rito. Siguro rin ay naging artista na ito o di kaya ay naging mayamang negosyante pero alam niya na hinding hindi siya papansinin ng lalakeng ito. Syempre, iyong mga tipong pang binibining Pilipinas ang matitipuhan nito o di kaya ay mga sobrang mga magagadang babae. Ano ba iyan…kung ano ano na ang mga iniisip niya. Para kasing totoong totoo ang mga titig nito sa kaniya. Bakit ba parang may kakaiba sa librong iyon? Ano ba ang hiwagang bumabalot doon? Bakit ito lumiwanag sa library? Pero nang hawakan niya iyon ay biglang nawala ang liwanag niyon. Mayamaya ay naalala niya ang mahiwagang bato na nakita niya kanina. Lumiwanag rin iyon pero nawala rin kaagad ang sinag ng mahawakan niya.

Pero bigla siyang natigilan ng marinig niyang gumalaw ang kaniyang cabinet, na parang may nag aalburuto sa loob niyon na gustong lumabas. Nagulat siya at kinabahan. Nabitiwan niya ang hawak hawak na libro. Napatitig siya sa kaniyang cabinet. Ano ba iyon? Bakit ba gumagalaw ang kaniyang cabinet? Ilang sandali pa ay tumigil naman iyon. Kanina ay inaantok siya pero biglang nawala ang lahat ng antok niya. Bigla niyang naalala ang mahiwagang bato na nakita niya kanina sa ilalim ng kaniyang higaan. Dahan dahan siyang lumapit doon. Hindi kaya ay iyon ang gumalaw sa loob ng kaniyang cabinet?

Nang makalapit na siya sa tapat ng kaniyang cabinet ay binuksan niya iyon at kinuha ang box na gawa sa kahoy kung saan niya inilagay ang mahiwagang bato na nakita niya. Binuksan niya iyon at nakita niya ang bato. Kinuha niya iyon. Wala namang nabago doon. Tinitigan niya iyon habang hawak hawak. Ang balak niya sana ay magtanong sa lola niya tungkol doon, ang kaso ay nakalimutan na niya iyon dahil naging abala na siya matapos maligo. Siguro ay bukas na niya itatanong ang tungkol doon habang nag aalmusal sila.

Umupo siya sa kaniyang higaan habang hawak hawak pa rin ang bato.

“Ano ba naman ang meron sa iyong bato ka?” Sabi niya sabay pukpok sa bato sa gilid ng kaniyang higaan na gawa sa kahoy. “Hindi ka naman ginto o diamante kaya. Mabuti sana kung pwede kang ibenta at nang yumaman naman kami ng lola ko. Ang kaso ay ordinaryo ka lang na bato e, kaya lamang ay medyo kakaiba ka rin ano? Kulay pula ka kasi.” Nagkibit balikat naman siya sabay buntonghininga. Inilagay niya ang bato sa mesa na katabi lang ng higaan niya. Bukas na niya iyon iisipin. Kinuha niya ulit ang libro kung saan naroroon ang litrato ni Prinsipe Virgilio. Parang gaga na kinausap niya ito.

“Alam mo, ano kaya kung maging totoo ka? O hindi kaya ay kung mapunta ako sa mundo mo? Ano kaya ang feeling nong makasama kita? Syempre, makikita ko ang malaki mong palasyo at mga malalaki mong mga kabayo…siguro exciting iyon? At ang gusto ko sa lahat ay ang makita ka ng personal..” Natatawa niyang sabi sa kaniyang sarili habang nakatitig pa rin sa litrato ni Prinsipe Virgilio.

Nagulat siya ng mapansin na biglang gumalaw sa kinalalagyan nito ang pulang bato at lumiwanag iyon ng malakas. Nanlaki ang mga mata niya sa takot, bigla siyang napa upo sa kaniyang higaan.

“Ano ang nangyayari?” Kinakabahan niyang tanong sa kaniyang sarili.

Patuloy lamang sa paggalaw ang pulang bato at sa pagsinag. Sa kaniyang pagka mangha ay umaangat iyon palapit sa kaniya. Nang mapatapat iyon sa kaniyang mukha ay napapikit siya dahil nasisilaw siya sa sinag niyon. Itinakip niya ang dalawang braso sa kaniyang mukha. Gusto niyang sumigaw sa takot ngunit hindi niya iyon magawa dahil pakiramdam niya ay hinihigop siya ng pulang bato na iyon. Mariin siyang napapikit. Hindi na niya alam kung ano ang sumunod na nangyari, basta ang pakiramdam niya ay hinihigop siya ng bato sa dako paroon.

Sa lugar ng mga Kerubin…

“Ano?” Hindi makapaniwalang bulalas ng Mahal na Kupido.

Kinakabahang napapakamot sa ulo niya si Verdana ng makausap niya ang Mahal na Kupido.

Hinilot ng Mahal na Kupido ang kaniyang sentido dahil pakiramdam niya ay bigla iyong sumakit.

“Hindi ko naman po sinasadya ang nangyari Mahal na Kupido. Hindi ko po kasi napansin na hindi ko po pala iyon na ipasok ng maayos sa aking bulsa.”

Mariin namang umiling iling ang Mahal na Kupido. “Kahit ano pa ang sabihin mo Verdana ay hindi ko iyon matanggap. Sana ay nag doble ingat ka. Ikaw pa lamang ang nakagawa ng ganito sa lahat ng kerubin na binigyan ko ng mahiwagang Kristal.” Dismayadong sabi niya kay Verdana.

“Ano po ang nararapat kong gawin Mahal na Kupido?” Mapagkumbabang tanong niya dito.

“Kailangan mong mahanap kaagad iyon. Hindi mo alam kung ano ang pwedeng mangyari kapag nakita iyon ng isang tao. Nakatitiyak ako na may kaakibat iyong gulo.” Nag aalala niyang sabi.

“Hindi ko na po kasi iyon mahanap Mahal na Kupido.”

“Ano ka ba naman Verdana, sana naman ay maging responsible ka sa lahat ng ini-aatang ko sa iyo. Napakahalaga ng Kristal na iyon.” Mariin niyang sermon kay Verdana.

Hindi naman sumagot si Verdana, bagkos ay yumuko na lamang siya habang pinapakinggan ang mga sermon ng Mahal na Kupido sa kaniya.

Napailing na lamang ang Mahal na Kupido habang nahahapong umupo sa kaniyang silya sabay hilot uli sa kaniyang sentido. “Tingnan natin sa mahiwagang ulap kung nasaan ang mahiwagang kristal.”

Tumango naman si Verdana, mayamaya pa ay natuon na ang kaniyang pansin sa mahiwagang ulap.

“Mahiwagang ulap, mahiwagang ulap ipakita sa amin kung saan nakatago ang mahiwagang kristal….” Litaniya ng Mahal na Kupido.

Mayamaya pa ay lumiwanag ang mahiwagang ulap at parang sa isang sine ay nakita ni Verdana na hawak hawak ni Judima ang mahiwagang Kristal at hinihigop ito niyon. Nagulat siya kung saan dadalhin si Judima ng mahiwagang Kristal na iyon. Nang makita niya kung saan ito papunta ay nabahala siya at nagulat. Bigla na lamang nawala ang mukha nito sa ulap, naging puti na ulit ang kulay niyon.

Malalim na napa buntong hininga ang Mahal na Kupido matapos iyong panoorin. “Papaano na ngayon ito Verdana? Tingnan mo kung ano na ang nangyari?” Medyo tumaas na ang boses niya nang sabihin iyon.

Napayuko na lamang si Verdana.

“Malaking problema talaga ito.” Nahihirapang sabi ng Mahal na Kupido.

“Ano po ang magagawa natin upang ma ilabas si Judima doon?” Nahihiyang tanong ni Verdana.

“Alam mo, magalit man ako sa iyo Verdana ay wala rin namang mangyayari. Parusahan man kita ngayon ay hindi parin malulutas ang problemang ito.”

“Patawad po.” Mahina niyang sabi.

“Kapag napunta ang mahiwagang Kristal sa ibang deminsyon ay hindi na ito gagana doon. Mawawalan na ito ng silbi. Hindi na ito maaaring maglabas ng kapangyarihan.” Iiling-iling na sabi ng Mahan a Kupido.

“Bakit po ganoon? Hindi ho ba ay makapangyarihan ang batong iyon? Hindi na ho ba makakalabas si Judima doon Mahal na Kupido?” Nalulungkot niyang tanong.

Tahimik na nag isip ang Mahal na Kupido. “Oo nga, pero libro iyon Verdana. Hindi gumagana ang mga kapangyarihan natin sa loob ng isang libro dahil ang libro ay gawa ng isang tao, walang kaluluwa, anino man o bahid ng katotohanan. Kathang isip lamang ng isang tao iyon.” Naiiling na sabi ng Mahal na Kupido. “Pero maaari pa siyang makalabas doon.”

Nagkapag asa naman si Verdana pagkarinig sa sinabi nito. “Paano po?”

“Kailangang lumabas ang isang pulang rosas doon upang tuluyang makalabas si Judima.”

“Pulang rosas?” Kunot noo niyang tanong.

“Oo. Ang pulang rosas ang magsisilbing simbolo ng kapangyarihan ng mahiwagang Kristal sa isang deminsyon na kathang isip lamang, kailangang makalabas ni Judima dahil hindi siya nabibilang sa mundong iyon. Kailangan mo rin siyang samahan doon upang gabayan siya.”

Tumango naman siya.

“Hindi rin gagana ang kapangyarihan mo doon. Kapag nakapasok ka na ay magiging isa kang normal na kerubin, walang pana at kapangyarihan. Magiging isang taga gabay ka lamang, pero maaari mo siyang kausapin dahil bibigyan kita ng kakayahan na makapagsalita.”

“Opo Mahal na Kupido. Pero paano ho namin makikita ang pulang rosas?”

“Lalabas lamang iyon sa isang halik ng tunay na pag ibig dahil ang ibig sabihin ng pulang liwanag ay wagas na pag ibig, iyong pag ibig na kayang tawirin ang ibang deminsiyon at ang mundo ng mga tao.”

“Ho? Paano ho iyon?”

“Kailangang mahanap mo ang dalawang tao na wagas na nagmamahalan doon sa loob ng libro, alam ko na hindi iyon magiging madali dahil ang isang wagas na pag ibig ay may sakripisyo at handang tanggapin ang lahat masakit man ang maging kapalit nito. Pero iyon lamang ang tanging paraan upang makalabas siya doon. Hindi ka kasi nag iingat sa pagtago ng Kristal na iyon.” Napabuntonghininga niyang sabi.

Tumango tango naman si Verdana na nakayuko.

“Pero ito ang tandaan mo Verdana, hindi maaaring umibig ang isang tao sa isang karakter lamang sa libro dahil magkaiba ang mundo nila, isa pa ay hindi totoong mga tao ang nasa libro. Inuulit ko, ito ay sadyang mga kathang-isip lamang ng isang tunay na tao.” Seryosong sabi ng Mahal na Kupido.

“Opo Mahal na Kupido.”

“Sana naman ay seryosohin mo ito Verdana dahil hindi ito magiging madali. Kailangan mong gabayan ng mabuti si Judima upang hindi siya umibig sa isang karakter lamang sa libro. Naiintindihan mo ba ako?” Mahigpit niyang sabi.

“Opo.” Sinsero niyang sabi. Kailangan niyang mag ingat sa misyong ito.

“Hindi rin kailangan malaman ni Judima ang tungkol sa iyo. Wala kang sasabihin sa kaniya maliban sa pangalan mo.”

Tumango tango naman siya.

“Dapat mo rin tandaan na kung ano man ang kahihinatnan ng misyon mong ito ay ikaw ang mananagot sa akin. Kapag pumalpak ka pa ulit ay maghanda ka sa kapalit na parusa nito. Nagkakaintindihan ba tayo Verdana?” Seryosong sabi ng Mahal na Kupido.

Napalunok naman si Verdana nang marinig ang sinabi nito.

“Sige na, umalis ka na.”

“Opo.” Nagmadali naman siyang umalis doon. Hindi niya kailangang mag sayang ng oras upang marami pa siyang magawa doon.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

CHAPTER III

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

CHAPTER VII

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

CHAPTER VIII

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Ruth C. Romarate's other books...