SCRIPTED

 

Tablo reader up chevron

Prelude

Present Day

Binigyan niya ng panahon ang kanyang sarili para mag-isip ng isusulat. Nang makaisip siya, umupo siya sa malaki niyang upuan, kinuha ang journal sa loob ng drawer niya at nagsimula.

***

Preamble

He was a humble man, avid, thoughtful, and filled with life even in the midst of his suffering. Despite his chronic illness, he tried not to surrender to it, and wrote this story wholeheartedly, committedly and passionately.

He intended to do it, with all his life, his blood, his sweat, his whole self but he still lost. Cancer had deprived him of his life. He asked me to finish what he had started but I had my doubts. I did not know how to start my own so how could I even end his? I told him that I could not write the way he does but he still insisted. I do not know how to satisfy him with how I write but I know he had his own reasons why he chose me. He entrusted me with his last wish and I promised him I will keep it.

It’s a good thing though, that I found help from my own students, eight individuals, who, despite their other commitments, had still helped me in solving his riddle. Hopefully, he will appreciate and you may find delight in our version of his ‘happy ending’.

VicDeMesa

Victor de Mesa, English Professor

Faculty of Pharmacy & School of Languages

Ashdale University

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Prologue

Ang Nakaraan

August, 1999

“Oi, Kuya Vic, sige na kasi, tulungan mo akong mag-isip ng pamagat ng aklat ko! Pangako pag sumikat ‘to, hahatian kita pag nabayaran nila ako ng royalty.” Kitang-kita ni Victor de Mesa kung paano kumislap ang mga mata ng kapwa niya propesor habang inaalok sa kanya ang isang panulat at papel.

“Tapos mo na ba?” tanong ni Vic.

“Malapit na, limang kabanata na lang. Mahirap kaya mag-isip. Kita mo ngang inabot na ako ng ilang taon.”

“Saka mo na bigyan ng pamagat pag tapos mo na, Manny.”

Nagbuntong hininga ang mas batang guro. “Sige na nga.”

Naalala pa ni Vic kung kailan pa niya naumpisahan ang aklat niyang iyon. Palihim niyang nabasa ang ibang nilalaman nito minsan nung nasa bakasyon si Manny. Nang mabasa yun ni Vic, nabilib siya. Talaga namang, mula pa noong kolehiyo sila, magaling na talaga siyang magsulat...

 

October, 1986

Nung unang linggo ng pasukan, siya ang unang nakapansin ng kakayahan ni Manuel Domalanta na makapagsulat ng magagandang kwento, sanaysay, tula at kung anu-ano pa. Nung nakapagpasa kasi siya ng kanyang application form sa Journalism Club ng kolehiyo nila, nagkataon na si Vic ang nakabasa ng gawa niya at talaga namang bumilib siya. Agad niya itong tinanggap at inirekomenda pa sa isa nilang propesor na isali siya sa mga contests sa hinaharap. Makalipas ang ilang buwan, naging malapit silang magkaibigan kahit ba nasa unang taon pa lang si Manuel at nasa ikatlong taon naman na siya. Madalas na tinutulungan ni Vic si Manuel, o Manny kung tawagin ng mga kaklase’t malalapit na kaibigan niya, sa pag-aaral dahil mahina ang pangangatawan nito.

Ang sabi niya dati kay Vic, “Kuya, balak kong gumawa ng isang magandang kwento... isang nobela na kakaiba at magugustuhan ng maraming tao, para kahit wala na ako, maaalala pa rin ako ng mga taong makakabasa nito.”

Ikinagulat iyon ni Vic. “Ano’ng pinagsasasabi mo?”

“Alam mo kasi, kuya, ang sabi ng mga doktor sa ospital, may sakit daw ako... at baka hindi na raw ako magtagal.”

Sa galit at gulat, nasuntok ni Vic si Manny. “At ano? Susuko ka na lang ba? Paano na lang ang pangarap mong maging propesor?”

Mahinang tumawa ni Manny, “Ewan, bahala na. Basta, ibubuhos ko na lang ang natitira kong oras sa mundong ito sa paggawa ng aklat ko. Gusto ko, ikaw ang unang makabasa nun pag natapos ko na.”

Masakit mang tanggapin, ngumiti pa rin siya para sa matalik niyang kaibigan. “Sige ba. Aabangan ko yan ah.”

Lumipas ang isang taon, ang taning na sinabi dati ni Manny sa kanya, hindi natuloy. Ikinatuwa ni Vic yun dahil kahit papaano, makakasama pa niya ng matagal ang kaibigan niya. Nasa may harap sila ng building ng School of Languages, o mas kilala bilang AUSL, si Manny, nagsusulat at si Vic, nagbabasa.

“Kuya, ano uli ang Ingles ng ‘sa kalagitnaan...’?” tanong ni Manny.

Nag-isip saglit si Vic, “Midst? Middle? Ikaw, depende kung ano ang pangungusap mo.”

“Salamat, okay na.”

“Ano ba kasi ang kwento niyang aklat mo?” Binaba ni Vic ang librong binabasa niya at hinarap ang kaibigan.

“Sige na nga, pero eto lang ang kaya kong sabihin sa ngayon: may walo akong tauhan, sina George Lancaster, ang asawa niyang si Genevieve, anak nilang si Charlotte, katulong nilang si Maria, mayordomo nilang si Luke, dalawang manikang gumagalaw at nagsasalita, sina Zachary at Nicole at isang taong-nayon, si Cecile.”

“Saan mo naman nakuha ang mga pangalan na yan?”

Ngumiting parang bata si Manny, “May listahan ng mga pangalan ang likod ng diksyonaryo namin.”

Tumawa silang dalawa at nagpatuloy si Vic sa pagtatanong. “Oh, tapos? Ano ang mangyayari sa kanila?”

“Basta ang balak ko kasi, may kwento pa sa loob ng kwento ko. Basta! Mahirap ipaliwanag, kuya eh. Basahin mo na lang pag natapos ko na.”

“Yung pangunahing pangyayari na lang ang sabihin mo.” Pangungulit ni Vic.

Nagbuntong hininga ni Manny at nag-isip. “Basta, yung taga-nayon na babae, magdadala siya ng sulat sa mansyon ng mga Lancaster, pagdating niya dun, bigla na lang siyang sinabihan na siya ang magiging bida sa munti nilang palabas at siya ang naatasang maghanap ng pinakaaasam nilang masayang pagtatapos. Ang problema, hindi niya ito magawa-gawa, kaya paulit-ulit lang ang gabing iyon. Hindi matatapos ang gabing iyon hangga’t hindi niya nakikita ang pagtatapos.”

Huminga si Vic ng malalim at prinoseso ang kwento. “Mukhang komplikado yan ah.”

“Maiintindihan mo rin pag nabasa mo na. Basta mag-abang ka lang.”

Ngumiti si Vic at nagpatuloy na magbasa ngunit tumigil uli nang may naalala siya. “Anong kabanata ka na ba?”

“Six pa lang eh. Ang hirap kasing mag-isip kung minsan. Nauubusan ako ng mga ideya.”

Gusto sana niyang sabihin na wag siyang magmadali pero pumasok sa isip niya ang karamdaman ni Manny, kaya imbes na ganun, iba na lang ang sinabi niya, “Basta galingan mo na lang. Wag mong pilitin pag wala talagang lumalabas sa utak mo.”

“Yun na nga eh. Hindi ko nga pinipilit, nagiging tamad naman ako. Buti nga ngayon may naisip ako eh.”

“Ganun ba?”

Lumipas muli ang ilan pang taon. Dinaluhan ni Vic ang pagtatapos ni Manny ng kolehiyo at pinanood ang pagmartsa niya sa entablado para kunin ang kanyang mga parangal. Pumunta rin siya nang maikasal si Manny sa kaklase niya nung kolehiyo. Siya pa nga ang naging best man eh. At si Vic din ang una sa mga listahan ng ninong ng anak nilang panganay. Lahat yun ginawa ni Vic dahil si Manny din naman nandoon nung magtapos at ikasal siya. Siya rin ang ninong ng anak niyang dalawa. At pareho pa silang propesor sa Ingles sa AUFP. Ang pinagkaiba lang siguro nila, si Vic kasi prof din sa AUSL. Lahat na lang ng bagay, magkasama nilang inaabot, ginagawa at pinapangarap, parang tunay na lang na magkapatid.

 

April 2001

Nakita ni Vic si Manny na nagsusulat sa mesa niya habang kumakain.

“Oh, break mo ngayon ah, nagsusulat ka pa rin?”

Napatingin si Manny sa kanya at ngumiti. “Natapunan ko kasi ng gatas ng anak ko yung nasulat ko nung isang linggo kaya inuulit ko.”

“Buti naalala mo pa kung ano ang sinulat mo noon?” tanong niya.

“Oo, kahit papaano. Tapos, i-e-edit ko na rin yung iba. Gusto mo ikaw ang mag-edit nung iba pa?”

Nagpigil si Vic ng tawa. “Sige na nga.”

 

June 2005, limang araw pagkatapos ng kaarawan ng anak niya...

Naitakbo si Manny sa ospital. Ang sabi ng mga doktor, baka hindi na kayanin ng katawan niya. Agad na sumugod si Vic at ang asawa niya sa ospital para tignan ang lagay ng kaibigan nila. Nang makalapit siya, mahigpit na hinawakan ni Manny ang kamay niya. “Kuya, pakiusap, ikaw na lang ang magtapos ng aklat ko.”

“Ano ba ang pinagsasasabi mo, Manny, mabubuhay ka, matatapos mo ang aklat mo.”

Mahinang tumawa ang propesor. “Hindi ko na kaya, kaibigan. Hindi ko na rin siya kayang tapusin. Alam kong kaya mo yun, kuya Vic.”

“Hindi ko kayang tapatan ang husay mo sa pagsusulat, Manny...” Giit niya, habang pinipigilan ang pagluha.

“Ano ka ba naman. Ikaw nga ang nagturo ng lahat ng alam ko, diba? Kung hindi dahil sa paggabay mo sa akin, malamang hindi ko nakamit ang mga bagay na meron ako ngayon. Sige na kuya... pakiusap.”

Pumikit si Vic at nag-isip. “Sige, gagawin ko... para sayo, kaibigan.”

“Nga pala, may pamagat na siya... sana magustuhan mo, kuya.” Ngumiti sa huling pagkakataon si Manuel Domalanta, pumikit at bago siya tuluyang mamaalam sa mundong ibabaw, mahina niyang ibinulong, “‘Til another night.” Napaiyak na lang siya sa lungkot, galit at pagkawala ng pag-asa habang dinadamayan ng asawa niya ang naiwang asawa ni Manny. Ang huli na lang niyang naalala ay ang malakas na pag-iyak ng inaanak niya at ang paghiling niya na wag siyang iwanan.

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Chapter I

Ako ang Presidente ng 1-B Pharmacy

Naglalakad ako sa dati kong dinadaanan sa may usual na street papunta sa isa sa mga gates ng Ashdale University. Alas sais y media pa lang ng umaga, at magsisimula ang klase ng seven kaya medyo mabagal pa akong kumikilos. Wala ring assignment kaya hayahay ang buhay ko. Hinawakan ko na yung ID ko nung palapit na ako sa entrance ng Main Building at pina-scan yun dun sa gray na square na hindi ko pa rin talaga alam kung ano ang tawag dun. Ano ba naman yan, halos mag-iisang buwan na ako dito, hindi ko pa rin alam kung ano yun. Inisip ko na magtanong sa kung sino man ang nakakaalam pero may mas importante pa ang nasa isip ko...

Kinuha ko yung phone ko sa bulsa ng uniform ko at sinuot ang earphones ko. Nag-scroll down ako sa mga listahan ng pagkarami-raming kanta... mga kantang malamang ay sa lahat ng mga kaklase ko, ako lang ang nakikinig at nakakaalam. Inisip ko ang feelings ko ngayong araw at namili ng isa. Gusto ko kasi ang tono nun at nakakagising din kasi.

Nga pala, I’m Elizabeth Irene Aquino, isang 1st year Pharmacy student sa Ashdale University. Sixteen na ako and, shucks, mag-se-seventeen na ako next month! Medyo late kasi ako nagsimulang nag-aral kasi sakitin ako nung bata ako. Out of 51 students nga eh, lima lang kaming mag-se-seventeen na tapos may anim na eighteen years old. I guess, iba-iba talaga ang ages namin nung nagsimula kaming nag-aral... or pwede rin namang may iba silang rason. Yung isa, ang alam ko, tumigil for one year.

Enough about them, ako na lang. May kuya ako na nag-aaral din dito sa AU, pareho kami ng course pero third year naman siya. Ang pangalan niya ay Karl Xerxes Aquino. Wala na kaming parents, namatay sila recently dahil sa isang car accident. Ang nagpapaaral sa amin ngayon ay yung mayaman naming tita mula Canada. Kapatid siya ni Dad at wala siyang anak kaya she took it to herself na ituring kaming parang mga anak niya in memory of her brother. At isa pa, mahal na mahal din naman niya kami. She took us in not just because mga pamangkin niya kami and anak kami ng kuya niya but because she loves us dearly... na para talagang mga anak niya kami. She even lets us call her ‘Mom’ or ‘Mama Fe’.

And, aminado ako... hindi ko masyadong kasundo si kuya ever since bata pa kami pero simula nung namatay sina Mom and Dad, bigla siyang naging mabait sa akin. Pero despite sa kabaitan niya, hindi pa rin talaga kami magkasundo sa maraming bagay. Para kaming aso at pusa. Ganun ang relationship naming magkapatid.

Nung sinabi kong hindi kami magkasundo ni kuya, medyo totoo yun na medyo hindi. Bakit? Kasi well, kahit papaano magkapatid pa rin kami.

Siya ang tagaluto ng pagkain namin sa apartment. Tinanong ko sa kanya kung pwede niya ba akong turuan pero sabi niya ayaw niya. Masungit yun, parang babae nga eh. Minsan nga, galit siya, hindi siya umiimik. Tinanong ko yung isa niyang kaklase na kaibigan namin nung high school pa, nalaman ko na break na sila ng girlfriend niya. Kawawa. Gusto ko sana siyang i-comfort nun, damayan siya o ano man pero pati ako sinungitan niya eh kaya bahala siya. Hindi, biro lang.

Hindi ko lang pinapakita kasi nahihiya... o na-wi-weirdohan ako o ano man pero mahal ko si kuya. Kung wala siya, nganga. Kung wala siya, malamang hindi ko kaya ang college life ng mag-isa at hindi ko rin kayang mabuhay ng mag-isa sa apartment.

Lumabas ako ng room para tumambay sa upuan sa may tapat, nag-browse ako ng mga kanta sa playlist ko at nagpatugtog ng isa. Habang nag-aantay pa ng iba ko pang mga kaklase at kaibigan, tahimik akong kumanta.

“Ichi ni no san shi de kakurenbo. Hiro-kun, Haru-chan, mitsuketa! Iki wo kirashite wa onigokko... kimi ni tsukamacchatta...”

May tumabi sa aking lalaki at nakikanta naman daw. “Nee Ai yo ai yo kocchi oide te wo hiraite fureru acchi cchi. Ii no? Ii no? Me wo aketa kyou mo ashita mo minna to asobou...”Hemeged! Ang harmony naman daw ng boses naming dalawa! Sadya much? Oh my gaad! Kinikilig... kadiri!

Napatingin ako sa taong yun at nakita ang isa ko pang kaklase. Hindi siya namamansin. Naka-earphones din siya at malamang nagkataon lang na nagkasabay kami. Tama, nagkataon lang yun. Wala siyang narinig. WALA! Hindi pa rin bunyag ang secret ko!

Lumipas ang mga araw sa school: nakakapagod, nakakaloka, nakakapraning pero masaya pa rin. Tuwing Mondays, Wednesdays at Fridays, pare-pareho ang room namin, maliban na lang tuwing 9:00 a.m. kung kailan lumilipat kami sa 4th floor para sa Laboratory class namin sa Chemistry. Tapos babalik pa kami after lunch para sa isa na namang Lab class, ayun Botany naman. Tuwing Tuesdays, Thurdays, at Saturdays naman, half day lang kami.

Nasa loob na ako ng campus, sa may tapat ng simbahan, nagbabasa ng notes sa Filipino kasi quiz namin mamaya. Hindi naman talaga ako nakatingin sa daan kaya may nakabangga ako. “Naku, sorry, okay ka lang ba?” tanong ko sa nakabangga ko.

“Hindi, ako dapat ang mag-sorry. Hindi ako nakatingin sa daanan ko.” sagot ng babaeng naka-ponytail.

Tinulungan ko siyang pulutin ang mga nahulog niyang gamit. “Sorry talaga ha.”

“Hindi okay lang.”

Nang maka-settle na kaming pareho, sabay na kaming naglakad papunta sa main building. “Nga pala, ako si Elizabeth Irene Aquino. Nice to meet you.” Ngiti ko, tumigil saglit para makipagkamay sa kanya.

“Ako si Alexis Nichole Domalanta. Nice to meet you rin. First year ka rin ba?”

“Oo!” Exciting naman. Mukhang may bago uli akong kaibigan ah. “Class 1-B ako, ikaw?”

“Class 1-D ako. Tara, sabay na tayong umakyat. Ano ba ang room mo ngayon?” tanong niya sa akin.

“Room 206.”

“Room 204 ako.”

“Ano ang oras ng break niyo? Gusto mong makisabay sa amin mamaya?”

Nag-isip siya. “Okay lang, twelve ang lunch namin.”

“Ayos, sabay pala tayo. Sama ka sa amin mamaya, ipapakilala kita sa mga kaibigan ko.”

Ngumiti siya. “Okay lang talaga?”

“Oo naman!” ngiti ko.

Nang matapat siya sa room nila, sabi niya, “Oh, paano, una na ako ah.”

“Sige.”

Nung lunch, hinintay namin siya sa harap ng main building at nung nakita ko siya, mabilis ko siyang tinawag. “Alexis! Nandito kami.” Habang kasama namin siya, napansin namin na medyo mahiyain siya pero ine-encourage namin siya na magkwento tungkol sa sarili niya, mga hobbies niya at mga hilig niyang pagkain, kanta o kahit ano. Tapos siyempre nag-share din kami ng sa amin.

“Sa ngayon, ang pinagkakaabalahan ko ay ang matapos ang isang kwento.” Sabi niya ng nakangiti.

“May binabasa kang libro?” tanong ko.

“Hindi... may sinusubukan akong isulat na ending para sa isang kwento.”

“Wow, ang galing mo naman, ‘te. Gumagawa ka ng sarili mong aklat?” dagdag ng best friend kong si Leslie. Kaklase na ko siya simula pa nung kinder kami. Halos magkasama na kaming lumaki.

Tumango siya.

“Pag natapos mo yun, pabasa ha?” sabi ko at masaya siyang pumayag.

After lunch, bumalik kami sa sari-sarili naming mga rooms, at ang unang sumalubong sa akin ay yung lalaking nakasabay kong kumanta dati. Bahala na... hindi ko na lang siya papansinin. Hindi naman kami close eh.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Chapter III

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Fae Herbert's other books...