Larawang Kupas

 

Tablo reader up chevron

Introduction

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Chapter 1


TANGHALI na nang magising si Sid sa malakas na pagkalampag ng pintuan nilang yari sa kahoy. Tila ba may kung ano'ng nangyayari at ganoon na lamang kung magmadali ang kung sinumang nasa labas.

    "Sid! Sid! Buksan mo ang pinto, magmadali ka!" Tarantang ng tao sa labas.

    Kumunot ang noo ng binata ngunit kaagad na rin siyang kumilos at nagsuot lang ng damit pang-itaas saka malalaki ang mga hakbang na tinungo ang pinto at ito ay binuksan. Tumambad sa kaniya si Roi. Pawisan at namumutla. 

    "Ano'ng problema, Roi? Bakit ganiyan ang hitsura mo?" ani niya na sinipat ang kabuohan ng kababata.

    "Sid, kasi..." utal na ani nito na hindi mapakali. 

    "Ano nga? Huwag mo na akong paghintayin pa-" naudlot ang sana ay sasabihin ng binata nang magsalita ang kaharap.

    "Si Mang Steve-nasaksak ang tatay mo!" Sa wakas ay nasabi rin nito ang karumaldumal na sinapit ng ama ng kaibigan.

    "Ano?" Nanlalaki ang mga mata ng binata. Hindi niya alam kung paniniwalaan ba ang balitang isinambulat sa kaniya ni Roi pero nang pasadahan niya muli ito ng tingin ay may kilabot na nagpatindig ng kaniyang mga balahibo sa pagkakabalisa nito. Paulit-ulit na napapahawak sa sentido nito si Roi na ginagawa lamang nito kapag natitensyon.

    "Tara! Samahan mo ako. Dalhin mo ako kay Tatay." Pilit na itinago ng binata ang pag-aalala para sa ama.

    "Naisugod na nila sa pinakamalapit na pagamutan si Tito." Ani nito habang inaayos ang helmet at ibinigay sa kaibigan ang isa pa. Tinakbo nila ang motorsiklong iginarahe na lang basta ng kaibigan sa may gilid ng daang pinakamalapit sa bahay nila Sid.

--

    MABILIS na nakarating sila sa ospital ngunit lalo lamang lumakas ang kalabog ng puso ni Sid nang malamang nasa Intensive Care Unit ang kaniyang ama at kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan.

    "Ano'ng nangyari? Sino ang may gawa nito?" Ani niya sa mga kabarkada na siya ring dumalo kay Mang Steve. Napayuko ang mga ito at tila ba bantulot na magsalita. "Magsalita kayo, ano ang nangyari at sino ang kumanti sa Tatay ko?!" Singhal niya na ikinagulat ng mga naroroon. Agad naman silang pinagsabihan ng mga staff ng ospital na huwag mag-iingay at nabubulabog ang ibang mga pasyente.

    Hinila ni Sid si Roi. Sumunod naman ang mga kabarkada nila at tanging pinsan lamang ng kaniyang ama ang naiwan upang bantayan ang lagay nito na kasalukuyang inuoperahan.

    Dinala ni Sid ang kababata sa labas ng ospital at pabalibag niya itong binitiwan sa pagkakaladkad. Mabuti na lamang at nagawang mapigilan ni Roi ang mawalan ng balanse kung hindi ay baka sumadsad na ito sa lupa.

    "Ano na? Magsalita kayo! Ano ang nangyari at sino ang gumawa noon sa Tatay ko?!" Galit na ani Sid. Lalo namang umurong ang dila ng mga kabarkada niya. Kilala siyang tahimik at hindi palakibo pero alam ng mga ito na masama siyang magalit at walang sinasanto. 

    Hinila ni Sid si Ben at pinitsirahan. Susuntukin niya na sana ito upang paaminin nang biglang nagsalita si Ace.

    "In-snatch kanina ni Dell ang pitakang hawak ni Tito Steve. Paubos na kasi ang alak namin at wala na kaming pambili." Kabadong ani nito lalo pa nga at namula ang mukha't tainga ni Sid. Hudyat na galit na galit ito. Nanginginig ang kamay ng binata at makailang beses itong napailing.

    Matalas ang mga mata at nanlilisik. Agad na natuon ang paningin ni Sid sa salarin.

    "Sorry, pare. Hindi ko sinasadya. Pera lang naman ang-" napapaatras na ani Dell na namumutla. Tila nahimasmasan ito sa kalasingan.

    "Pare, Tatay ko ang tinalo mo! Dugo't laman ko. Walang hiya ako pero hindi ko kailanman kinanti sino man sa mga pamilya ninyo!" ani niya na habol-habol ang paghinga sa matinding poot na nasa puso niya. "Tapos ano? Ganoon na lang `yon? Basta na lang ninyong pinag-trip-an ang Tatay ko!" Mabilis na umigkas ang kamao ni Sid sa nguso ni Dell na napasalampak sa maputik na lupa. 

    "Pare, patawad! Maniwala ka, wala akong intensyon na saktan si Mang Steve. Ayaw niya kasi ibigay ang pitaka niya-konting pera lang naman ang kailangan namin, e." Dumudugo ang ilong at putok ang mga labi na pilit nagpapaliwanag si Dell habang nakaharang sa sarili ang dalawang kamay upang sanggain ang pag-atake ng kaibigan kung saka-sakali.

    "Oras na may mangyaring masama sa Tatay ko, Dell. Buhay mo ang sisingilin ko!" Mariing ani niya na dinuro ang kabarkada. Mabilis ang mga hakbang na umalis na si Sid at baka hindi niya mapigilan ang sarili ay makapatay pa siya.

    'Panginoon, pakiusap po. Huwag Mo munang kunin ang Tatay ko.' Natagpuan na lamang ni Sid ang sarili sa kapilya at nakikipag-usap sa Diyos upang iligtas ang kaniyang ama.

--
    "ANO ba kasi ang mayroon sa pitaka mo't hindi mo na lang ipinaubaya sa snatcher?" Pilit na kinakalamay ni Sid ang sarili ngunit naroon pa rin ang gigil sa pananalita niya.

    Naging matagumpay ang operasyon ni Mang Steve. Mabuti na lang at agad itong naisugod ng ospital bago pa magkaroon ng internal hemorrhage na maari nitong ikinamatay lalo pa nga at icepick ang pinangsaksak dito. 

    "Ang nag-iisa kong kayamanan," malamlam ang mga mata na ani Mang Steve habang titig na titig sa kaniyang binata na hindi magawang salubongin ang titig ng ama.

    "Kayamanan? Ano `yan, diyamante? Ginto? Gaano kahalaga ang kayamanang iyan na hindi mo mabitiw-bitiwan?" Sarkastikong aniya sa ama na nakaratay sa pampublikong pagamutan. Hindi magawang titigan ni Sid nang matagal ang matandang lalaki. Napupoot pa rin siya sa kabarkada sa ginawa nito sa kaniyang ama.

    "Mas mahalaga pa ito sa buhay ko," nakangiting turan ng matanda na ikina-kunot ng noo ng niya. Hawak ni Mang Steve ang pitaka nito't tila natatakot na mawala iyon.

    Magsasalita pa sana si Sid ngunit dumating na ang nurse na nakatalagang mag-alaga sa Tatay niya. Matapos itong maeksamin ng nurse at mapainom ng gamot ay kaagad na umalis ang babae. Ilang sandali muna ang lumipas bago magkaroon ng lakas ng loob ang binata na magtanong na muli sa Itay niya ngunit payapa nang nagtataas-baba ang paghinga nito tanda ng pagkakahimbing. Marahil ay epekto iyon ng gamot na ininom nito.

    Dumaan ang ilang linggo at naghihilom na ang sugat ni Mang Steve. Balik sa dating gawi naman si Sid. Sugal at alak na naman ang inatupag nito imbes na magbanat ng buto at tumulong sa ama sa sakahan nila ay pagbabarkada pa rin ang mas pinagtutuunan niya nang pansin.


    Disyembre na at malapit nang maghatinggabi. Nagkikislapan ang makukulay na ilaw at tila sumasabay sa saliw ng awiting pamasko. Nagkakasiyahan ang mga tao at bawat isa ay may ningning sa mga mata. Bakas ang saya sa mga mukha ng mga ito ngunit kabaliktaran ang nadarama ni Sid sa bawat pagsapit ng pasko. 


    "Anak, puwede bang saka ka na lumabas pagkatapos nating kumain ng noche buena?" nakikiusap na ani nito. Umaasa si Mang Steve na sasamahan siya ng anak niya na ipagdiwang ang kapaskuhan ngunit hindi man lang ito umimik bagkus malalaki ang mga hakbang na nilisan nito ang tahanan nila.

    'Hindi pa rin ako napapatawad ng ating anak, Mahal ko,' naipunas ng matanda sa namamasa nitong mga talukap ang kulubot nitong kamay. Malungkot na tinanaw ang papalayong bulto ng pinakamamahal nitong supling.

    Inilabas ni Mang Steve ang kaniyang pitaka at kinuha roon ang naninilaw na litrato. 

    "Tatay, paglaki ko po ay tutulongan kitang magsaka sa bukid natin para po hindi ka na mahirapan at mapagod." bibong ani Sid na noon ay pitong taong gulang pa lamang.

    "Anak, may pangarap kami ng Nanay mo para sa iyo kaya huwag mo nang intindihin si Tatay. Minsan lang talaga nakakapagod ang pagsasaka pero kapag nakikita ko kayo ng Inay mo ay naglalaho ang pagod ko." 

    "Ay naku! Nagda-drama na naman ang aking mag-ama! Halina kayo't mag-aalas dose na." Anyaya ng ginang ngunit bago pa sila magsimulang kumain ay inayos muna ni Mang Steve ang camera na regalo rito ng bunsong kapatid at nagmamadaling tumabi sa mag-ina nito.

    "Say cheese!" Magkapanabay nilang sambit.

    "Kailan ko kaya muling makikita ang ngiti mong ito, anak?" Dumausdos sa pisngi ng matandang lalaki ang likidong tanging kaulayaw nito sa araw-araw magmula nang mamatay sa isang sunog ang kaniyang maybahay habang hinahaplos ang nakangiting imahe ng batang si Sid.

    Pagkalipas ng noche buena nila noon ay nagkaroon ng sunog sa kapitbahay ngunit dahil sa sadyang matulungin si Mang Steve ay hindi ito nagdalawang-isip na daluhan ang kapitbahay nila. Ang hindi inaasahan ng mag-anak ay ang pagliyab ng isa pang bahay na katabi lamang ng tirahan nila. Huli na nang makabalik sa kanilang bahay si Mang Steve. Kasamang natupok ng apoy ang asawa nito na ibinuwis ang sariling buhay para mailigtas lang si Sid.

    Magmula noon ay galit at pagrerebelde na ang ibinigay ni Sid sa ama. Magkahalong hinanakit at poot na naging malaking hadlang sa pagsasama nila bilang mag-ama.

    NAKATULOG si Mang Steve habang hinihintay ang pag-uwi ng anak kahit na nga ba alam nitong kinabukasan na uuwi ang huli. Tanging lampara lamang na di-gaas ang nagsisilbing tanglaw sa kanilang tahanan. Hindi ito pinatay ng matanda gaya ng nakaugalian nito ngunit sa pabugso-bugsong ihip ng malamig na hangin ay nahagip ng apoy nito ang kurtina nila na agad nagliyab.

    Mabilis na kumalat ang apoy. Nagkagulo ang mga kapitbahay nila na nakapansin sa paglakas ng lagablab nito. Wala pa ring kamalay-malay si Mang Steve na hapong-hapo sa pagtatrabaho sa bukid kung kaya't mahimbing na mahimbing ang tulog nito.

    Si Sid ng mga oras na iyon naman ay susuray-suray na binabagtas ang pilapil patungo sa bahay nila. Natigilan ang binata nang makitang nagtatakbuhan ang mga kapitbahay niya. 

    "Ano ho ang nangyayari! Bakit kayo nagtatakbuhan?"ani niya sa matandang nagkukumahog sa pagtakbo na pinigilan niya sa braso upang usisain.

    "Naku, Sid! Ang bahay ninyo! Nasusunog!" ani nito na tila bomba sa pandinig ng binata.

    "Si Itay!" Nawala ang kalanguan niya sa alak at tanging nasa isip ay ang kaniyang ama na naiwan sa bahay nila. Kumaripas nang takbo si Sid. Hindi na niya alintana ang pagkapigtas ng kaniyang isang tsinelas. Takbo pa rin siya nang takbo kahit nararamdaman niya ang pagbaon ng matutulis na bubog at maliliit na bato sa bahay kubo na nadaanan niya bago makarating sa bahay nila na ngayon ay tinupok na nang tuluyan ng nagngangalit na apoy. 

    "Itay!" napaluhod sa maputik na lupa ang binata. Sinisisi niya ang kaniyang sarili kung bakit niya iniwang mag-isa ang kaniyang ama. "Itay ko! Itay!" Iinot-inot siyang tumayo at sasagupain na sana ang nasusunog na bahay nila nang may malakas na bisig ang pumigil sa kaniya.

    "Huwag `tol!" ani Roi na siyang naunang nakalapit sa kababata.

    "Pero, Roi! Si Tatay! Kailangan ako ni Tatay!" Pilit kumakawala na ani niya. Pinagtulungan ng magkabarkada na ilayo roon si Sid. 

    "Wala na ang Tatay mo," ani Roi na agad namang binigwasan ni Sid.

    "Hindi totoo `yan! Huwag mong sasabihin sa akin na wala na ang Tatay ko, Roi. Huwag na huwag!" Nagwawalang ani niya. 

    "Wala na ang Tatay mo roon--nasa bahay siya at ginagamot ni Itang," nakangiting pagpapatuloy ni Roi. Hindi alintana ang pagputok ng labi. Natameme naman si Sid saka mabilis na tumakbo patungo sa bahay nila ni Roi.

    "Mang Roel--" humahangos na ani niya pagkabukas ng matanda sa pinto.

    "Shh-huwag kang maingay. Natutulog si Pareng Steve." Nakangiting ani nito sa binata saka iniabot ang pitaka na nakita niyang kinuha nito sa mahigpit na pagkakakuyom ng kamay ng Itay niya.

    "Hindi ko alam kung tama bang manggaling sa akin ito pero. . . mahal na mahal ka ng iyong Itay. Walang oras na hindi ka niya inaalala kahit pa nga ba lumayo na ang loob mo sa kanya. Ni minsan hindi ko siya kinaringgan nang pagdaing." Nangislap ang mata ng matanda na napapasulyap sa kinahihigaan ng kumpare nito. "Puro pang-unawa ang bukambibig niya, malaki pa rin ang paniniwala niyang pagdating ng tamang panahon ay babalik ka--ang anak na kilala niya." Makahulugang anito kay Sid. "Buksan mo ang pitaka niya. Diyan mo malalaman kung ano ang natatangi at pinakaiingatan niyang yaman na handa siyang masunog mahanap niya lamang." 

    Dahan-dahang binuklat ni Sid ang pitaka at doon nakita niya ang laman nito. Hindi pera kundi litrato nilang mag-anak. Kumupas man ang kulay nito hindi naman nabubura sa isipan at puso niya ang saya nang pakiramdam noong araw na iyon na kumpleto pa sila.

    "Sid, anak, patawarin mo na si Tatay. Mahal kita. Mahal na mahal." Pumatak ang luha ni Sid nang marinig ang garalgal na boses ng kaniyang ama na noon ay nagsasalita habang nananaginip.

    Kinabukasan matapos na malapatan ng gamot ang nalapnos na braso ni Mang Steve ay naisipan nilang tumambay sa bahay-kubo kung saan makikita ang maliit na sapa. Naroon pa rin ang abo ng natupok nilang bahay ngunit hindi na nila iyon binigyang pansin.

    "Itay, patawarin po ninyo--" naudlot ang sana ay sasabihin ni Sid nang umiling ang Itay niya.

    "Wala kang kailangan ihingi ng tawad. Biktima lang tayo ng pagkakataon." Nakangiting ani nito na tinapik ang balikat ng binata. "May mga bagay na nais nating isumpa dahil ito ay nagdulot sa atin nang hindi matawarang lungkot at sakit, ngunit, kagaya ng hangin mabilis na lumilipas ang panahon. Pinaghihilum nito kahit ang pinakamalalim man na sugat."

    Natahimik si Sid. Hindi niya alam ang sasabihin sa taong ilang beses niyang kinitlan ng buhay sa kaniyang isipan.

    "Hindi ba kayo galit sa akin, Itay?" Nag-aalangan na ani niya.

    "Kailanman ay hindi ko magagawang magalit sa iyo, Anak." Buong tamis na ngumiti ang matanda. Kumikinang ang mga mata nito sa galak. May isang butil ng luha ang sumungaw sa mga mata nito na palihim namang pinahid ng matanda.

    Dalawa at kalahating buwan ang lumipas. Masayang nagsasalo-salo ang magkababatang sina Ace, Ben, Roi at Sid. Si Dell ay kasalukuyang nasa rehab kaya sila lamang ang naroon upang ipagdiwang ang kaarawan ni Sid.

    "Anak, paparoon muna ako sa bukid." pagpapaalam ni Mang Steve.

    Naiwan naman na nagkatinginan ang magkakaibigan. 

    Puno nang pagtataka at pagkadismaya si Sid dahil kahit naging maayos na ang samahan nilang mag-ama ay ni hindi man lamang siya binati nito gayung kaarawan niya ngayon.

    Nagtungo sa kuwarto ng bagong gawa nilang bahay si Sid. Nalalanghap pa niya ang magkahalong amoy ng nipa, kahoy at sariwang hangin mula sa palayan malapit sa kinatitirikan ng dampa nila.

    Kumuha siya ng tubig sa banga na siyang lalagyan nila at nilagok ang manamis-tamis na likido na mayroong natural na lamig mula sa bangang yari sa mapulang lupa.

    Tatalikod na sana siya upang bumalik sa sala nang mahagip ng kaniyang mga mata ang nakatiklop na papel sa lamesita. Binuklat niya ito at napangiti siya nang makitang sulat kamay iyon ng kaniyang Itay.


    Sid, anak. Maligayang kaarawan sa iyo!

    Ipagpaumanhin mo at hindi ko magawang batiin ka ng personal. Gustong-gusto ko mang gawin-hindi ko kaya at kinakabahan ako. Siya nga pala, mayroong maliit na kahon na inilagay ko sa ilalim ng iyong kama. Munting regalo handog ko sa iyo. Sana ay maibigan mo.

Nagmamahal,
Tatay Steve

    Saglit na natigilan si Sid matapos niyang basahin ang liham nang pagbati ng kaniyang ama. Mayamaya ay halos magkandatisod siya sa pagmamadaling makarating sa kaniyang silid na katapat lang ng kusina. Hindi alintana ang nagtatakang mga mata ng kaniyang mga kaibigan na sumunod sa kaniya. Lumuhod siya't iginala ang paningin at ilang segundo lamang ay natuon ang kaniyang mga mata sa may kalumaan ng kahon ng sapatos. Malinis ito at mukhang iningatan ng husto sa matagal na panahon.

    "Ano iyan, Sid?" Saad ni Roi ngunit hindi umimik ang binata. Nagkatinginan ang magkakaibigan at hinintay na lamang na buksan ni Sid ang kahon na siya namang agad na ginawa ng huli..

    Tumambad sa magkakaibigan na nagkumpulan sa mismong tabi ni Sid ang mga larawan na kuha sa iba't ibang mahahalagang okasyon sa buhay ng binata na nagsisimula nang lumabo ang mga mata't nanginginig ang mga kamay habang hindi makapaniwala sa hawak-hawak niya.

    Mula sa unang pagpasok niya sa eskwela, maging sa pagtungtong niya ng sekondarya't kolehiyo ay may litrato siya na pinakaiingatan ng kaniyang Itay nang lingid sa kaniyang kaalaman. Akala niya'y gaya niya--wala na rin siyang halaga sa ama ngunit maliwanag na nagkamali siya base sa mga laminadong litrato na inihandog nito sa kaniyang kaarawan.

'Maraming salamat, Itay!'

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Shei Villanueva's other books...