Kapag Mayo at Disyembre (Just Another Love Story... or Not.)

 

Tablo reader up chevron

At the Elevator

Define love.

Love is a four letter word. Duh, obviously.

Love is my crush. Ah, okay.

Love is a chinito guy with a cute smile. Ha?

Love is like a bubblegum; kung mupilit, makabuang. Whatever.

That's it. I've had enough. Susunugin ko na talaga ang autograph na ‘to. Nakaka-irita basahin. Sana hindi ko nalang inugkat sa baul at binasa. Mababaw at isip-bata. What could elementary school children know about love, anyway?

"Paalam na. Ibabaon na kita sa limot." Tsak!

Sa wagas, natapon ko na rin ang napakabaduy kong autograph na ipinagmamayabang ko noong musmos pa ako. Sayang, ang colorful pa naman. Kaya lang, dapat ko ‘tong gawin dahil bukas magbabagong buhay na ako.

Oo, tama ang nabasa mo! Bagong buhay. As in new life. Clean slate. Fresh start. I'm going to unleash a different kind of me.

Chos.

Sa totoo lang, marami akong dapat baguhin sa sarili. Lahat naman ng tao may kakulangan. Sino ba naman ang wala? One way or another, we need to change. If we get stuck in our old unrefined selves, may bukas pa kayang darating?

Ewan ko sa inyo basta ako, gustong magbago. I firmly believe that the only way to tomorrow is to change myself today. Hindi naman major, major change. Only that part of me na hindi ko kayang maipagmalaki sa iba.

Before I proceed, allow me to introduce myself.

My name is Ayalou Menchavez, twenty-six years old, from Olonggapo Citeeeh! Hindi. Joke lang. Tubong-Negros Oriental ako, isang unica hija na nakapagcollege sa isang prestihiyosong skwelahan dito sa lungsod ng Maynila. Makalipas ang iilang taong pagbabanat buto, nakapagtapos din ng maayos at mapalad na nakapasok sa isang mid-range pero well-known na kumpanya.

I can’t explain myself in a nutshell. Ang masasabi ko lang… may sarili akong mundo na mahirap pasukin. Maliban sa pamilya at mga matatalik kong kaibigan, hindi madali para sa ‘kin na ipamahagi ang mundong ito sa iba. Oo na. Sobrang weirdo ako. Mahirap makipagsabayan sa ugali ko.

Kaya siguro I've never had a boyfriend since birth. NBSB ika nga. And nope, I'm neither miserable nor lonely. Huwag kayong aasa. I am not in the market for a boyfriend kahit na never been touched at never been kissed (yes, may natitira pang mga Maria Claras sa mundong ginagalawan niyo). Pero unlike Maria Clara, I can very well stand without a Crisostomo Ibarra. Although I think type ko ang mga kagiya niya.

At bakit naman ako mahihiya sa pagiging single ko? Bukod sa masaya at wala akong reklamo sa estado ng buhay ko, marami namang uri ng pag-ibig diyan. Why should I focus on romantic love alone? I love God, my family, friends and pets. Should love be defined in terms of kilig? I think love has many faces (at hindi ako nagso-sour graping, ano).

Oo, aaminin ko. Minsan nangangarap ako na may ka-HHWW or may kausap magdamagan about anything under the sun or moon. Gusto ko rin maramdaman ang feeling na may ka-LQ, tapos magkiss and make up. Okay din kung MU muna kami bago maging official couple. Sana kamukha niya si Brad Pitt o si Orlando Bloom. Sigh.

But seriously, nasusuka na ako sa mga pinagsasabi ko.

Teka lang ha. This brings back bad memories. Makahanap nga ng posporo. Kailangan ko muna sunugin 'tong autograph.

I’m not a man-hater (which many people think I am and boy how wrong they are) kaya single pa rin ako even at this - cough - ripe age. May tatlo akong kuya and I certainly get along with them. So man-hater? I think NOT.

Ayaw ko lang ng trial-and-error romance. Iyon kasi ang approach ng karamihan, lalung-lalo na ang mga kabataan ngayon. First they get to know the person, date for a while and then see if it works out. Kung walang spark, chemistry or raging hormones, so long, farewell at "glad to be rid of you" agad ang peg. Di ba trial-and-error iyon?

Sabi ng ibang mga kaibigan ko, upang magkaroon ng “extensive dating experience,” mas mabuti magkaboyfriend muna ng iilan bago magsettle down. Resume lang te? Kapag palit ka ng palit, matatawag mo ba iyon na experience? I don't think so. It means your relationships failed and no lessons were learned. Nagsho-shopping ka lang.

I think the difference between me and many “young people of today” is that while I prefer to date and marry the person I love, the latter would rather date as much as they can before they marry. Gusto ko straight path to love. Ang iba, liliko muna bago dadapo sa paroroonan.

Aba. Parang mali pala ang panahon na pinasukan ko. Why wasn’t I born a century ago? Nakakapangilabot pakinggan pero ganito kahigpit ang aking mga prinsipyo. Marriage before total landian. One guy for the rest of my life. Still, I maintain. Kahit na nakakatandang dalaga ang mga pananaw ko sa buhay, paninindigan ko naman iyon.

Okay lang magkamali ng ilang beses sa kung anumang bagay o kahit maubusan ng pera paminsan-minsan, basta – at palagi kong ipinagdadasal ito sa Maykapal – huwag na huwag lang akong mabigo sa larangan ng pag-ibig. Well, I do believe in true love – or the idea of it. Ayaw ko lang humabol. Baka walang darating kapag sobrang desperada. Kung wala, eh di I shall rejoice in my single blessedness. Ewan. Come what may. Bahala na si Batman.

So that's basically me, Aya, in a semblance of a nutshell. But wait.

Hindi ko pa nasasagot ang napaka-importanteng tanong na ito: Bakit ba ako magbabagong buhay simula bukas? Kasi, kakapromote ko lang bilang isa sa mga marketing officers sa kumpanya namin (yes, thank you). Malaking hakbang ito sa buhay ko because I'll be handling my own projects and meeting with bigger clients. This should make my knees weak. I should faint just thinking of it. Kaya lang… that's not it. Nanginginig ako sa ibang dahilan.

Nakakasuklam lang iisipin na kailangan ko pang makipagsundo - este, makipagplastikan - sa mga unggoy! Hindi lang isa o dalawa ha... sangkatutak na unggoy! Tumatambay sila sa IT department ng aming kumpanya at karamihan sa kanila ay - excuse me - tsonggo talaga in every sense of the word. Hindi sila naliligo, nagsusuklay o maayos na nagsusuot ng damit. One-fourth ng population nila ay dreadlock rastas. Three-fourths sa kanila ay mahaba ang buhok (may pony tail, braids at headband). Ma-utak, madaling makatrouble-shoot at jokers pero lahing berdugo at ubod ng bastos. Ang lalakas ng mga boses nila. Nakakabingi. Walang finesse at asal-tambay ang mga long-haired tsonggo developers.

Siguro mas disente tignan iyong mga maiikli at mas masculine ang buhok. Kaya lang saksakan ng yabang. Full-blown nerds who think they're better than everyone else. Mayroon naman akong nerdy tendencies pero kinu-control ko ng mabuti. Alam ko kasing bawat tao ay may sariling learning mechanism. Tatlo silang lahat, may isa nakasuot pa ng makapal na glasses. Palagi silang nagtatalo sa mga long-haired tsonggos dahil magkaiba ang kanilang pamamaraan. Orthodox kasi ang approach nga mga nerdy tsonggos. By-the-book sila. Kung anong nasa libro, iyon ang sundin. On one hand, instinctive ang mga long-haired tsonggos. Kahit hindi bookish, nagagawan nila ng paraan kasi feel na feel nila ang moment.

Kahit magkaaway, nagkakasundo rin minsan. Nababawasan ang friction ng dalawang grupo sa paglalaro ng DOTA. Ito ang tanging bagay na bumubuklod sa kanila. Ito din ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw na ayaw kong pumunta sa IT department kung maiiwasan lang. Lahat ng pagmumura maririnig mo. Kahit ang ina ng kasama na walang kamalay-malay sa mga pinaggagawa nila ay tinatawag na puta. Dios mio.

Those guys seriously make me feel like the world has run out of decent men. Somehow I’m relieved I’m single.

Ni minsan, wala kaming oportunidad magsama sa isang proyekto on an exclusive basis. Sa social media at blogging ako naka-assign kaya hindi kailangan ng programming or web design assistance. May system administrator ang whole building namin, long-haired din at may sariling mundo kagaya ko, ngunit hindi siya kasama sa tsonggo team kasi in-house siya at hindi naka-attach sa isang project. Magkasundo kami at wala akong masamang pakiramdam sa kanya.

Nasa fourth floor ang balwarte ng mga tsonggo, nasa third floor naman ang department namin. Marami akong tsonggong nakatabi sa elevator pero walang naganap na masinsinang usapan. Random greetings at green jokes lang na hindi ko naman kinagat. Tuwing sasakay ako sa elevator, automatic akong magiging bato. Kahit sabihin nilang guni-guni ko lang, malakas ang kutob ko isa ako sa mga pinagtatawanan nila.

Mapanghusga ba ako sa kapwa? Hindi ko sila kilala ng personal pero pinagsisigawan ko na sa inyo na tsonggo sila. Iyon kasi ang ipinapakita nila, eh. There were a few incidents in the past na para bang gusto ko nang magresign sa kumpanya ng dahil sa kanila. Sino bang ayaw ng jokes? Sino ba ang ayaw tumawa? Kaya lang, kapag below the belt na at napakabastos, huwag mo nang hintayin. Sampalin mo na lang.

Iyan ang ginawa ng isa sa mga kaibigan ko bago niya iniwan ang kumpanya.

At that time nagdadalang-tao si Lea at kakabreak lang nila ng boyfriend niya. Laganap na sa buong  opisina ang impormasyon na iyon (na ironically siya mismo ang nagkalat). Tapos magbiro pa naman ‘yong isang long-haired tsonggo na siya na lang ang tatayong ama at bubuhay sa kanilang mag-ina. In exchange, 24/7 ang banatan. Humalakhak ang buong tsonggo department. Para bang pinagpiyestahan nila ang hinagpis ng isang babae. Nandoon ako noong nangyari iyon kaya kitang-kita ko ang bilis ng kamay ni Lea, ang kaplak na sumunod at ang pulang marka sa pisngi ni Dan (a.k.a. Tsonggo 1).

Dalawang taon na ang nakalipas pero sariwa pa rin sa isip ko ang kabastusan na ginawa nila sa aking kawawang kaibigan. I am not trying to justify myself. May sapat na dahilan kung bakit galit ako sa mga tsonggo. Mind you, that’s just one incident. Sampu kaming lahat sa batch namin pero dalawa nalang kaming natitira ngayon. Lima sa amin ang nagresign ng dahil sa kanila. Worse, alam ng mga tsonggo na sila nga ang dahilan ng sunod-sunod na resignation. Imbis na baguhin ang sarili at subukang makipagsundo, nagyabang sila ng husto. Pinakamasaklap sa lahat, walang ginawa ang management. Of course, malaki ang kita sa software development. Kung tutuusin, parang ang department nila ang bread and butter ng kumpanya kaya masyadong lenient ang kataas-taasahan. Kahit sukang-suka na ang karamihan sa amin, patuloy pa rin sila sa paghahasik ng lagim.

Pwes!

Kung ayaw nila baguhin sarili nila, eh di babaguhin ko sarili ko. In other words, kung medyo tahimik at umiwas lang ako noon, iba na ngayon. Nag-leave ako ng limang araw para handain ang sarili ko at ng makapag-isip isip ng mabuti. Dahan-dahan kong pinag-isapan ang susunod kong hakbang. I will be working with the tsonggos for the duration of the project. At the very least, six months. Napakahaba na iyan para sa akin. Dapat buo aking luob at handa akong makipagbakbakan sa kanila. Hindi porke’t babae kaya na nila akong maliitin. Hindi na dapat mangyari pa ang nangyari kay Lea at sa iba ko pang mga kasama.

Time check: midnight.

Bring it on, tsonggos!

 

 

Lunes at malapit na akong ma-late. Buti na lang at suot-suot ko ang paborito kong loafers. Formal ang standard dress code ng Marketing Department kaya magsusuot lamang ako ng heels kapag nasa harap na ako ng boss. May tinago ako sa ilalim ng aking cubicle for emergency purposes.

Matapos bumaba sa taxi, sinabihan ko ang mamang driver na sa kanya nalang ang sukli. Daig ko pa si Usain Bolt sa bilis ng takbo. Automatic na nagbukas ang glass sliding doors sa building namin at bumati ang mabait na security guard. Agad akong naglog-in sa biometrics at tumakbo patungong elevator na may kargang isang tao sa loob. Binilisan ko pa pero parang hindi na yata aabot ang mga paa ko. At ng malapit nang magsara, biglang nagbukas ang pintuan ng elevator. Ha!  

“Salamat,” binulong ko sa taong nauna sa ‘kin.

“Doors are closing,” sabi ng boses ng babae na nakarekord. Sumara ulit ang pinto. Sa wakas, nasa loob na ako.

“No problem.” Hindi ko inakalang sasagot siya. ‘Yan naman ang ginagawa ng karamihan.

Englishero? Napatingin ako sa may-ari ng boses. Sino ba ‘to? Bagong empleyado? May kaunting kahabaan ang buhok at tatlong malalaking piercings sa kanyang kanang tainga. Nakasuot siya ng di masyadong gusot at di rin masyadong plantsado na blue checkered polo shirt, mahaba ang sleeves na inililis niya hanggang siko. Parang may bahid na banyaga dahil sa tangos ng ilong pero di ako sigurado. Walang duda, sa IT department ang punta ng taong ito. (Ewan ko kung bakit ganitong klase ang karaniwang kinukuha ng HR namin. Mahilig siguro sa mga rakista?)

Kung sa IT department ang bagsak mo, humanda ka rin.

Hindi kami nag-imikan hanggang sa kumiling ang elevator sabay sabing “Third floor.”

Ayaw kong lumingon at magpaalam sa kanya. Wala ng oras makipagsmall talk. Mala-late na talaga ako. Kaya, slowly and silently, lumabas ako ng walang sinabi.

Kakalabas ko lang sa elevator ng biglaang sumara ang pinto at kinain ang palda ko. Mahaba kasi kaya hindi ko napansin na naipit na pala. Sinubukan kong hilain kaya lang ayaw bumigay. Kinatok ko ng ilang beses ang pintuan, wala pa rin.

“Oy, saklolo! Tulong naman diyan, o.” Wala na akong magagawa.

“Aya? Anong nangyari sa’yo?” Parang boses ni Elena ‘yon. Lumingon ako at siya nga, ang natitira kong batchmate noong nagsimula ako sa kumpanya.

“Ayaw matanggal. Kanina pa ako hila ng hila.” Pinakita ko sa kanya ang palda kong nakain ng pintuan.

“Tulungan kita diyan.” Linagay ni Elena ang dala-dala niyang mga papeles sa sahig at hinila niya  ‘yong nakaipit kong palda.

Di lumampas sa limang minuto, malapit na matanggal ang nakaipit na bahagi ng palda. Tumunog na naman ang elevator. Ewan ko pero kinabahan ako bigla. Isang premonition sa sumunod na kaganapan ngunit hindi ko maipaliwanang ng husto.

Ting!

Tama nga ang kutob ko. Andito na sila… ang mga tsonggos! Nahuli pa nila kami sa akto ng pagtatanggal ng nakaipit kong palda.

“Pare, di ko akalaing may maiipit talaga na skirt sa elevator. Pero epektib ha,” sabi ni Rodney a.k.a Tsonggo 2 na isang long-haired rasta.

Ang lakas ng halakhak nila, dinig na dinig sa buong third floor. Kinausap ni Rodney ang taong nakasalubong ko sa mismong elevator na ‘to ilang minuto lang ang lumipas.

“Try mo kay Maan next time. Sexy daw legs ‘nun, type kong makita minsan,” sabi ng isang balbon na mahaba rin ang buhok at nagngangalang Vince (let’s call him Tsonggo 3).

Walang hangganang halakhak kahit hindi nakakatawa. Dali-daling pinulot ni Elena ang documents sa sahig. Alam kong gagawin naman niya ‘yong palagi naming ginawa noon – tahimik na umiwas. Parang may malignong sumapi sa akin. Lubusan akong na-iirita sa mga pangyayari.

Ang kakapal ng mga mukha! Ilang minuto na kayang naka-hold ang elevator? Gamitin ba naman sa ganitong pamamaraan. Maraming empleyado na ang nahuhuli sa kakahintay.

“Tapos na kayo? Marami pa kaming gagawin.” Pasimple kong sinabi ngunit may maanghang na tono.

Parang natameme lahat ng ilang saglit. Pati si Elena napahinto at parang naghihinayang iwanan ako. First time nila akong narinig magsalita ng ganito. Akala ko sa akin ang huling halakhak pero agad-agad naghiyawan na naman ang lahat.

This is the last straw. Galit na galit na ako. Goodbye self-control.

Walang pag-alinlangan, kinuha ko ang flower vase na nakatayo sa maliit na mesa sa pagitan ng dalawang elevators at ibinuhos lahat – tubig at mga yellow chrysanthemums - sa mukha ng gagong umipit sa damit ko. Biglang nabura ang mga malisyosong ngiti, pinalitan ng seryosong pagpanic.

“Mga pare, labas tayo! Basa ang elevator. Mamamatay tayo dito!” sigaw ni Dan.

Nagkandarapang lumabas ang apat na unggoy. Ang bagong recruit nagmukha tuloy basang sisiw at may isang chrysanthemum pang nakasabit sa dibdib niya. Ha. Ha. Ha.

Dahan-dahan kong sinauli ang flower vase sa mesa, habang kumiling ang elevator papunta sa ground floor. Pinigilan ko ang sarili kong humalakhak kahit na ang gaan-gaan ng pakiramdam at parang nabunutan ako ng napakalaking tinik.

“Hoy, babae!” turo ni Rodney.

“Hoy, lalake!” tinuro ko rin siya. Ikaw lang may alam?

Pumalakpak si Dan at tumawa: “Aba, aba. Natuto ka na ha. May tinatago ka pa palang bangis diyan.”

He crossed his arms and sized me up from head to toe. Gusto kong basagin ang vase sa mukha niya. Kahit na ang liit-liit ko kung ikukumpara sa higanteng ito (six footer si Tsonggo 1), hindi ako kumurap. Tinitigan ko din siya. If looks could kill, ang unggoy na ‘to ang unang matutunaw.

“Dan, pare, tama na ‘yan,” sabi ng basang sisiw na may chrysanthemum sa dibdib. Hinawakan niya ang braso ng kasama at dahan-dahang hinila paakyat ng hagdan. “Tara na. May meeting pa mamaya.”

Kakaiba ring isang ‘to. Parang nag-iba ang timpla. Kumatok na ba ang konsensiya mo? Natauhan ka na yata. Kailangan pa pala mabasa para matauhan? Simula bukas, magdadala na ako ng water gun.

Sumunod ang iba pa nilang mga kasama, si Vince na balbon at ang dakilang pandak na si Rodney na patuloy pa rin sa pagturo-turo sa ‘kin.

“Hindi pa tayo tapos, babae!” sigaw ng pandak habang umaakyat sa hagdan.

“Ah… Aya. Pumasok na tayo sa loob?” Buti nalang inawat ako ni Elena. Kung hindi, baka pinatulan ko pa si Tsonggo 2.

“Buwiset! Nakakabuwiset na mga unggoy! Kakarating ko lang sa office, ito na kaagad ang sasalubong sa ‘kin. Kung mamalasin naman, oo.” Sobrang pikon ko na talaga sa mga asungot na programmers kaya hindi ko na napigilang ilantad ang tunay kong kulay – isang mabangis na hayop na ayaw paawat kahit kanino.

“Natakot nga ako, eh. Akala ko may sumanib na ispirito sa katawan mo. Ang tindi. Parang hindi ikaw.” Sabi ni Elena, habang naglakad kami patungong conference room. In approximately 30 minutes, magmee-meeting ang department namin about our new projects. Naramdaman ko ang pag-alala ng kaibigan, subalit ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag nalaman niyang ganoon talaga ako sa totoong buhay?

How strange. Despite working together for five years, I don’t think Elena and I really know each other that well. Officemates kami at magkaibigan din. Bakit pakiramdam kong may haliging namamagitan sa aming dalawa?

Don’t get me wrong. I am happy to be friends with Elena. Natutuwa akong kasama siya. It’s just that, unlike my other friends, no matter how I try to be me in her company, she could never figure me out. Siguro, mahirap lang talaga ako intindihin. Nag-effort naman akong ipakita ang tunay kong sarili. Ewan ko kung bakit hindi pa rin makita ni Elena kung sino ako kahit limang taon na kaming magkatrabaho sa kumpanya.

It’s just me. It’s just me. I tried to re-assure myself. Regardless, kaibigan ko pa rin siya.

“Ha! Buti nga ‘yon. Sa susunod, magdadalawang-isip na silang paglaruan tayo.”

“Pabayaan muna. Ganoon naman talaga ang mga lalake, lalung-lalo na kapag binata.”

Teka lang. Something’s not right. Iba yata ang tono ni Elena ngayon. Malakas ang kutob ko something is up.

“Len. Tapatin mo nga ako.” Huminto ako sa harap ng conference room at hinarap si Elena.

“Bakit, Aya?” Nakita kong nalilito siya sa biglaan kong paghinto.

“Bago tayo pumasok diyan, aminin mo muna sa akin.”

“Ang alin?”

“May gusto ka ba sa isa sa kanila?”

Kutob ko lang ‘to at hindi ako sigurado isang daang porsyento. Kahit na inaasahan kong sasabihin ni Elena na “Oo,” hindi ko inaasahan na ganiyan talaga ang nangyayari. I know I sound confusing. Sabihin na lang natin na… expectations versus reality. Bow.

Tinikom ni Elena ang kanyang bibig at tumingin siya sa sahig. Ayaw niyang makatugon sa aking mga mata. Ilang segundo ang nakalipas, marahan niyang tinango ang ulo. Magblush pa naman ng bonggang bonga?

I knew it. Kapag malakas ang kutob ko sa isang bagay, karaniwan nagiging tama ako. Sa pagitan naming dalawa, mas daling basahin si Elena. Kahit anong gawin niya, nakikita at nakikita ko talaga ang tunay niyang saloobin. Wala naman akong karapatang magalit sa kanya at siyempre hindi kasalanan magkaroon ng ganitong damdamin, pero ewan ko kung bakit pakiramdam ko tuloy na medyo tinaksil niya ako at ang buong kababaihan?

“Ah,” iyon lang ang nasabi ko.

“Galit ka ba, Aya?”

“At bakit naman ako magagalit?”

“Eh kasi, parang galit ang mukha mo.” Hay, naaawa na ako tuloy.

“Hindi, ano ka ba?” Malumanay kong binitawan ang mga salita. “Galit ako sa mga pinaggagawa nila at hindi sa ‘yo.”

“Salamat Aya, ha. Para akong nabunutan ng tinik. Ikaw lang may alam nito.” Ngumiti si Elena.

“Walang problema pero… sino ba doon?”

May hinala akong may nagustuhan siya sa tono ng pananalita niya, kaya lang hindi ako sigurado kung sino. Definitely out of the question na si Rodney. Mas pandak pa kaya siya kay sa sa aming dalawa. Si Vince, masyadong balbon. Sa pagkakaalam ko kay Elena, mukha at katawan ang tinitignan niya. Siya ang typical girly-girl. Kaya typical rin siya mamili. This leaves us with two choices: si Dan na workout fanatic, mataas at mala-Mexicano ang beauty o si Basang Sisiw na halos kasingtangkad ni Dan at parang may dugong banyaga.

On second thought, matagal na si Dan sa opisina. In fact, dalawang taon na siya sa department noong nagsimula kaming magtrabaho. Ni minsan hindi ko nakitang nag-blush ng matindi si Elena sa tuwing dadaan sa harap namin o mabanggit ng grupo si Dan. So this only means…

“Si Waku!” Biglang sagot ni Elena na parang nanggigigil siya.

“Waku? ‘Yan ba pangalan ng bagong miyembro ng kulto? Bagay nga.”

“Rin Wakamatsu ang totoo niyang pangalan. “Waku” ang tawag ng buong team sa kanya, pati boss natin. Nag-leave ka kasi for one week kaya hindi mo nakita ang pagsali niya.”

As if kailangan ko pang makita, sabi ko sa sarili.

“Twenty-two years old at half-Japanese,” patuloy ni Elena, “at genius daw sa computer.”

Sus, lumang storya na ‘yan. Saang parlor ka ba napunta, Elena?Moreover, mas matanda ka ng five years! Get a grip.

“Ah, ganoon. Sa akin lang ha. Kahit genius ka pa, kung asal iskwater ka naman, eh wala ring kwenta.” Sorry na lang sa kaibigan ko, pero sa ginawa ng unggoy na ‘yon kanina, wala akong magandang masasabi. And what an introduction.

“Ummm…” Alam kong may sasabihin pa sana si Elena upang iligtas ang dangal ni Waku at ibahin ang aking masamang opinyon pero pinutol ko siya.

“Pasok na tayo,” sabi ko. At itinulak ko ang mabigat na pintuan ng conference room.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Proper Meeting

Chapter 2: Proper Meeting

"Girls, girls. Have a seat. We'll start in 10 minutes." Pina-upo kami ni Mr. Enrico Magadan, ang head ng Marketing and Sales.

Kalbo ngunit magarang magdamit, nakaplastada na si boss at ang kanyang puting long-sleeved polo sa dulo ng napakahabang oblong na mesa, malapit sa white screen at overhead projector.  Siguro mga beinte ka tao o higit pa ang kayang i-accommodate ng mesang ito. Umupo kami sa kaliwa ni boss – si Elena muna tapos ako. Ngayong tumaas na ang ranggo namin, may pribilehiyon na kaming mangasiwa ng proyekto. Bawat proyekto may naka-assign na senior officer. Sa senior officers isusumite ang lahat ng weekly, monthly at quarterly progress reports. Madalas silang hands-off sa proyekto at kung pagpapatupad lang ang pag-uusapan, kaming mga marketing officers ang mananagot sa lahat. Kung may naggawang mali ang isa sa mga miyembro, ulo namin ang nakataya.

Hahay. Ang buhay nga naman. At least may increase na PHP 5,000 (hindi masyadong malaki pero nakakatulong din naman).

Ngayon ang nakatakdang araw ng pagpasiya kung sinu-sino ang ilalagay sa at kung anong klaseng proyekto ang panghahawakan ng anong team. Kahit na nanginginig ng kaunti, sabik pa rin akong malaman kung saang grupo ako mapupunta.

Sumakit ang leeg ko sa kakatingin sa isang direksyon. Napasulyap ako kay Elena. Tahimik lang siya sa upuan at nakayuko. Kapag yumuyuko na ang babaeng 'to, labis na ang pangamba niya. Sabi ng mga nakakatanda sa opisina, mahirap daw tapusin ang isang proyekto. Noong junior officers pa lang kami, marami na kaming mga nasasaksihang sumabog at sumuko na seniors. Kung ito nga nasa isipan ni Elena, wala akong masabi kung ‘di good luck sa ating dalawa.

Volatile ang department namin.  Para kang naglalakad sa isang nagbabagang uling. Kapag nabigo kang tapusin ang proyekto mo, maaari kang mademote o matanggal sa kumpanya.  Marami na ang bumitiw sa pwesto nila bago pa man mademote o materminate.

Umingay bigla ang pintuan ng conference room. Lalong lumakas ang naghahalo-halong mga boses – mga babae at mga lalaki, nag-Iingles at nagtatagalog – na seryosong nagkwentuhan.

Nandito na sila - ang mga iniidolo ng Marketing and Sales at ng buong kumpanya.

Nagsidatingan na ang mga senior officers at karamihan sa kanila ay nakacorporate attire pa. Kahit hindi ipagsigawan sa mundo, alam ng lahat kung gaano kamahal ang mga damit nila. According to a reliable source (ang sobrang tsismosang matandang dalaga na tawagin na lang natin sa pangalang “Miss Dee”), they earn between PHP 40,000 to PHP 80,000 per month, depende sa accomplishments at years of service. If my source was telling the truth, ang ibig sabihin niyan, masagana talaga ang buhay ng isang senior marketing officer at kayang-kaya niyang bilhin kahit dangal mo.

Marami akong narinig at marami din ang nagsumbong (kahit hindi mo naman sila inalok na makipagtsismisan). Though accomplished and well-respected throughout the company, these senior marketing officers have their own deep, dark secrets. Kung kakailanganin, pwede ka nilang i-blackmail o patakbuhin na parang laruan lang. Iba talaga kapag pera na ang nagsasalita.

Gaano ka totoo ang tsismis? Wala akong ebidensyang nagpapatunay nito. Ang alam ko, may isa kaming kasama sa team noon na nauna sa amin ng isang taon. Mga anim na buwan na ang nakalipas mula noong napromote siya sa posisyong kinabibilangan namin ngayon. Muntik na siyang masibak dahil sa isang pagkakamali ngunit binigyan siya ng pagkakataong i-angat ang sarili. Akala mo 'yon na 'yon eh may kondisyon pa pala: kung anong gustong gawin ng project manager, wala siyang karapatang tumanggi. Sabi ng iba, ibinenta niya daw ang puso't kaluluwa. Ang resulta? Sa pagiging pangkaraniwan na marketing officer naging dakilang sekretarya ang nasasabing babae at pinagsilbihan niya ang project manager na bumili umano ng dangal kaniya. Alam ng karamihan na may relasyon sila ng boss niya. Ang malubha doon, alam din ng lahat na may asawa't anak ang taong 'yon.

Gusto kong paniwalaan na haka-haka lang ang mga 'to at walang bahid na katotohanan. Iba kasi ang pakiramdam ko sa mga bagay-bagay. Kahit na patagong pinag-uusapan ang mga temang ito, para bang unti-unting lumalabas ang katotohanan sa mga kilos at galaw nila (ang mga taong pinag-usapan).

Umupo na ang mga prinsesa at prinsipe ng aming kumpanya (sa asal at hitsura nila, angkop lang na tawagin ko sila sa ganitong pamamaraan). Kaya lang nababagot na ako. Lumampas na kami sa sampung minutong palugit. Tinignan ko ang cellphone ko at tama nga. Nakalipas na ang labing anim na minuto.

“May hinihintay pa ba?” Mahina kong tinanong kay Elena.

“Sila,” sagot niya.

“Sila? Sinong sila?" Hindi ko naitago ang inis sa aking tinig. Nagkibit-balikat lang ang bruha.

May alam si Elena, halata naman. Ayaw lang niyang sabihin dahil sa kaba o baka sumama ang pakiramdam niya dahil hindi kanais-nais ang mga kumento ko sa bago niyang crush. Nasa dalawa lang ang pagpipilian ko.

"Wala pa ba sila?" Nayayamot na ang tono ng boses ni Mr. Magadan na lumakad ng pabalik-balik sa harapan ng white screen.

"Sir, baka pwedeng mag-extend ng ten minutes?” sabi ni Janice, ang kanyang sekretarya na parang kakambal ni Betty La Fea.

“Na naman? Naka-ilang ten minutes na tayo.”

“Paparating na daw,” sagot ng kawawang Janice. Nandilat kaagad ang mga mata ni boss.

 

Sa mga sandaling iyon, naramdaman ko tuloy na may karamay ako sa loob ng department. Para kasing unti-unti nang nawawala si Elena. Maaaring mali ang pag-unawa ko pero iba ang ipinahiwatig ng mga kilos niya.  

"AAAAH" may babaeng biglang sumigaw sa labas ng conference room. Sumunod naman ang isa pang babae. At may isa pa. Dumagundong ang kanilang mga boses. Hindi naman nakakabingi pero nakakasira ng araw pakinggan. Bihira ang ganitong pangyayari sa loob ng opisina kung saan nagtitilian ang mga babae na para bang may artista sa paligid. Mayroon bang sikat na sikat sa labas ng conference room kaya nagkakaganoon sila?

Hindi na nakapagpigil si boss. Kinamot niya ang makintab na ulo, huminga ng malalim at binuksan ang pinto.

“Pumasok na kayo, boys. Dali. Nauubusan na tayo ng oras. Kayo naman mga babae, bumalik na kayo sa pagtratrabaho kung ayaw niyo ng memo!” Kapag naiinis na ang boses ni Mr. Magandan, lumalabas ang totoo niyang kulay. Dinig na dinig sa loob ang nakakatulig at malababae niyang boses.

“Sorry sir.” Kilala ko ang boses na ‘yon.

Pumwesto ulit sa kanyang upuan si boss at lumitaw naman sa pintuan ang apat na mukhang kinamumuhian kong Makita: 1) si Dan, ang hari ng mga matsing, 2) si Waku, ang baguhang empleyado na kakaibang level ang kabastusan, 3) si Marcus, isang anti-long hair at dorky na programmer , at 4) isa na namang baguhan na kulay pula ang buhok at nagmumukhang KPOP idol.

Dumilim kaagad ang paningin ko. Sobrang malas ko ngayong araw na 'to.

“O Dan, doon kayo.” Itinuro ni Janice ang dalawang bakanteng upuan sa tabi ko. “Dito nalang ang dalawa sa inyo.” Tinapik ni Janice ang mga silya sa kanan niya.

Naunang pumwesto si Mr. KPOP sa kaliwa ko. Sumunod si Marcus. Nakita ko si Dan na ngumisi. Kung ano man ang binalak niya, pasensiya na lang kasi sa ibang upuan siya napunta.  Dahan-dahan niyang niyugyog ang kanyang ulo sabay tingin sa ‘kin. Ewan ko kung napansin ba ‘yon ng iba pero umiwas ako at nagkunwaring may tinignan sa harap. Umupo si Dan sa tabi ni Janice; si Waku naman sa kanan niya. Buti na lang at baka matamaan ko pa ang dalawang iyon.

“So let’s start. We’ve wasted thirty minutes already. What took you so long kasi?” Tinanong niya si Dan.

“May kaunting problema lang sa elevator, sir.” Ramdam na ramdam ko ang mga umaakusang mata ni Tsonggo 1 na nakatitig sa ‘kin. Linabanan ko ang simbuyong tumingin sa kaniya kahit magkaharap lang kami.

Totoo ngang kakampi ko si Mr. Magadan. Idinespatsa lang niya ang sinabi ni Dan sa pamamagitan ng isang palagi-naman-kayong-ganyan na tingin.

“Anyway, as you’ve already been informed weeks ago, may bago tayong mga projects na ilau-launch. These are new ventures which the company feels the need to undertake due to stiff competition. We’re getting too many competitors for our own good and if we don’t take risks and tread on a different path," dramatic pause, "we’ll really get left behind.”

Iilan sa mga senior officers ang tumango-tango. Sino ba naman ang gustong mawalan ng trabaho dahil naubusan ng pera ang kumpanya?

"The company will now start handling a new batch of projects different from any of the projects we've previously done. Kung noon, parang "to each his own tayo" - iba ang web design, iba ang content, iba ang social media at iba ang software development..." Tinuro niya bawat isa sa amin, "ngayon sabay-sabay na tayo sa iisang proyekto."

Pumalakpak ang lahat - pati na si Tsonggo 1 at ang basang sisiw.

"So before I start assigning you to your designated teams - matagal-tagal din namin tong pinag-isipan ni Dean," tumingin si Mr. Magadan sa direksyon ng boss ni Miss Dee, "I will be presenting an overview of the projects we'll be handling over the next six months at the very least."

Tumayo si Janice at sinet-up ang laptop na nakakabit sa linya ng overhead projector. Naghintay kami ng mga limang minuto bago gumana ang screen. Nang maayos na, pinatay ni Janice ang ilaw at bumalik sa upuan niya.

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like windsofwinter's other books...